Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Kayo’y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka’t walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka’t siya’y isang sinungaling, at ama nito. Nguni’t dahil sa sinasabi ko ang katotohanan, ay hindi ninyo ako sinasampalatayanan. … Ang sa Dios ay nakikinig ng mga salita ng Dios: dahil dito’y hindi ninyo dinirinig, sapagka’t kayo’y hindi sa Dios” (Juan 8:44–47).
“Dito’y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Dios: ang bawa’t espiritung nagpapahayag na si Jesucristo ay naparitong nasa laman ay sa Dios: At ang bawa’t espiritung hindi ipinahahayag si Jesus, ay hindi sa Dios: at ito ang sa anticristo” (1 Juan 4:2–3).
“Sapagka’t maraming magdaraya na nangagsilitaw sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang mga hindi nangagpapahayag na si Jesucristo ay napariritong nasa laman. Ito ang magdaraya at ang anticristo” (2 Juan 1:7).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang manampalataya sa lahat ng salita ng Diyos at sa Kanyang buong gawain. Ibig sabihin niyan, yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang sumunod sa Kanya. Kung hindi mo ito nakakayang gawin, kung gayon hindi na mahalaga kung naniniwala ka man sa Diyos. Kung naniwala ka na sa Diyos sa loob ng maraming taon, datapwa’t hindi pa kailanman nakasunod sa Kanya o natanggap ang lahat ng Kanyang mga salita, bagkus ay hiningi sa Diyos na magpasakop sa iyo at kumilos ayon sa iyong mga pagkaunawa, kung gayon ikaw ang pinaka-mapanghimagsik sa mga tao, at ikaw ay isang hindi mananampalataya. Paano na ang isang gaya nito ay nakakayang sumunod sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga pagkaunawa ng tao? Ang pinaka-mapanghimagsik na tao ay siya na sadyang hinahamon at nilalabanan ang Diyos. Siya ay ang kaaway ng Diyos at ang anticristo. Ang gayong tao ay patuloy na nagtataglay ng palabang saloobin tungo sa bagong gawain ng Diyos, hindi pa kailanman nagpakita ng pinakamaliit na hangaring magpasakop, at hindi pa kailanman galak na nagpakita ng pagpapasakop o nagpakumbaba sa kanyang sarili. Itinataas niya ang kanyang sarili sa harap ng iba at hindi kailanman nagpapakita ng pagpapasakop sa kaninuman. Sa harap ng Diyos, ipinapalagay niya ang sarili niya na pinakasanay sa pangangaral ng salita at ang pinakamahusay sa paggawa sa iba. Hindi niya kailanman itinatapon ang mga “kayamanang” nasa kanya nang pag-aari, kundi itinuturing ang mga iyon bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit ang mga iyon para bigyan ng aral yaong mga hangal na umiidolo sa kanya. Talagang may ilang taong ganito sa loob ng iglesia. Masasabi na sila ay mga “di-nalulupig na mga bayani,” na ang bawat lumilipas na mga salinlahi ay nananahang pansamantala sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang kanilang pinakamataas na tungkulin. Taun-taon at sa paglipas ng bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang kanilang “banal at di-malalabag” na tungkulin. Walang sinumang nangangahas na salingin sila at wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Sila ay nagiging “mga hari” sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang tinatakot nila ang iba sa bawat lumilipas na mga kapanahunan. Itong bungkos ng mga demonyo ay naghahangad na magtulung-tulong at gibain ang Aking gawain; paano Ko mapapahintulutan itong mga buhay na diyablo na umiral sa harap ng Aking mga mata?
—mula sa “Yaong mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sinumang hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao—iyon ay, ang sinumang hindi naniniwala sa gawain at salita ng nakikitang Diyos at hindi naniniwala sa nakikitang Diyos nguni’t sa halip ay sumasamba sa di-nakikitang Diyos sa langit—ay walang Diyos sa kanyang puso. Sila ang mga taong masuwayin sa at nilalabanan ang Diyos. Ang mga taong ito ay may kakulangan sa pagkatao at katwiran, bukod pa sa katotohanan. Para sa mga taong ito, ang nakikita at nahahawakang Diyos ay lalong hindi maaaring paniwalaan, nguni’t ang hindi nakikita at hindi nahahawakang Diyos ay ang pinakakapani-paniwala at ang pinakanakatutuwa rin sa kanilang mga puso. Ang kanilang hinahanap ay hindi ang katotohanan ng realidad, ni hindi rin ito ang tunay na kakanyahan ng buhay, higit na hindi ang mga intensyon ng Diyos; sa halip, itinataguyod nila ang katuwaan. Alinmang mga bagay ang pinaka-may-kakayahang nagpapahintulot na kanilang makamit ang kanilang sariling mga pagnanasa ay, walang duda, ang kanilang mga paniniwala at paghahangad. Sila lang ay naniniwala sa Diyos upang masiyahan ang kanilang sariling mga pagnanasa, hindi upang hanapin ang katotohanan. Ang mga tao bang ito ay hindi mga manggagawa ng kasamaan? Sila ay lubos na may tiwala sa sarili, at hindi sila naniniwala na wawasakin sila ng Diyos sa langit, ang “mabubuting tao” na ito. Sa halip, naniniwala sila na pahihintulutan sila ng Diyos na manatili at, higit pa rito, ay gagantimpalaan ang mga ito nang sulit na sulit, sapagka’t marami silang mga bagay na nagawa na para sa Diyos at nagpakita ng isang mahusay na pakikitungo ng “katapatan” sa Kanya. Kung hinangad nila ang nakikitang Diyos, sila ay agad na mag-aalsa laban sa Diyos o magwawala sa sandaling ang kanilang mga kagustuhan ay hindi napagbigyan. Ito ang mga napakasamang taong naghahanap na masiyahan ang kanilang mga sariling pagnanasa; hindi sila mga taong may integridad sa paghangad ng katotohanan. Ang ganitong uri ng mga tao ay ang tinatawag na masasamang tao na sumusunod kay Cristo. Yaong mga tao na hindi naghahanap ng katotohanan ay hindi maaaring maniwala sa katotohanan. Silang lahat ang higit na hindi mahiwatigan ang hinaharap na kalalabasan ng sangkatauhan, sapagka’t hindi sila naniniwala sa kahit anong gawain o pagsasalita ng nakikitang Diyos, at hindi sila makakapaniwala sa hinaharap na hantungan ng sangkatauhan. Samakatuwid, kahit na sumusunod sila sa nakikitang Diyos, gumagawa pa rin sila ng masama at hindi hinahanap ang katotohanan, at hindi rin nila isinasagawa ang katotohanan na kinakailangan Ko.
—mula sa “Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Kapahingahan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang pinakamalaking suliranin ng tao ay minamahal lamang niya ang mga bagay na hindi niya makikita o mahahawakan, mga bagay na labis na mahiwaga at kamangha-mangha at hindi lubos na mawari ng tao at hindi kayang maabot ng mga mortal lamang. Mas hindi makatotohanan ang mga bagay na ito, mas pinag-aaralan pa ito ng mga tao, anupa’t hinahangad pa ang mga iyon kaysa sa anupaman, at tinatangkang makamit ang mga iyon. Habang mas hindi makatotohanan ang mga iyon, mas malapitang sinisiyasat at pinag-aaralan ng tao ang mga iyon, gumagawa pa nga ng mga sarili niyang mga malawakang ideya tungkol dito. Sa kabilang banda, habang mas makatotohanan ang mga bagay-bagay, mas ipinagwawalang-bahala ang mga iyon ng tao, minamaliit lang niya ang mga ito at higit pa ay nilalait ang mga ito. Hindi ba ito mismo ang pag-uugali ninyo sa makatotohanang gawaing ginagawa Ko ngayon? Habang mas makatotohanan ang gayong mga bagay, mas kumikiling kayo laban sa mga iyon. Hindi kayo nagbibigay ng panahon para suriin ang mga iyon, sa halip hindi ninyo pinapansin iyon; minamaliit ninyo ang ganitong makatotohanan at tahasang mga kinakailangan, at nagkukupkop pa ng napakaraming pagkaintindi tungkol sa Diyos na ito na totoong-totoo, at wala lamang kakayahang tanggapin ang Kanyang pagkatotoo at pagka-karaniwan. Sa ganitong paraan, hindi ba kayo naniniwala sa gitna ng kalabuan? Mayroon kayong di-natitinag na paniniwala sa malabong Diyos ng nakalipas na panahon, at walang paghahangad sa tunay na Diyos ng ngayon. Hindi ba ito dahil sa ang Diyos ng kahapon at ang Diyos ng ngayon ay mula sa dalawang magkaibang panahon? Hindi ba ito dahil din sa ang Diyos ng kahapon ay ang mabunying Diyos ng kalangitan, samantalang ang Diyos ng ngayon ay isa lamang maliit na tao sa lupa? Karagdagan pa, hindi ba ito dahil sa ang Diyos na sinamba ng tao ay isang kinatha ng kanyang mga pagkaintindi, samantalang ang Diyos ng ngayon ay totoong katawang-tao na iniluwal sa lupa? Pagkatapos na masabi at magawa ang lahat, hindi ba ito dahil sa ang Diyos ng ngayon ay totoong-totoo kaya’t hindi Siya sinusunod ng mga tao? Sapagka’t kung ano ang hinihingi ng Diyos ng ngayon sa tao ay yaong talagang pinakaaayaw niyang gawin, at yaong nakakapagparamdam sa kanya ng kahihiyan. Hindi ba ginagawa lamang nitong mahirap ang mga bagay-bagay para sa tao? Hindi ba nito inilalantad ang kanyang mga peklat? Sa ganitong paraan, marami sa mga hindi naghahangad sa realidad ay nagiging mga kaaway ng Diyos na nagkatawang-tao, nagiging mga anticristo. Hindi ba ito isang maliwanag na katunayan? Sa nakalipas, noong hindi pa nagiging tao ang Diyos, maaaring ikaw ay naging isang relihiyosong personalidad o isang debotong mananampalataya. Pagkatapos na ang Diyos ay naging tao, marami sa gayong mga debotong mananampalataya ay hindi namamalayang naging anticristo. Alam mo ba kung ano ang nangyayari dito? Sa iyong paniniwala sa Diyos, hindi ka nagtutuon ng pansin sa realidad o naghahangad sa katotohanan, bagkus ay nahuhumaling sa mga kabulaanan—hindi ba ito ang pinakamalinaw na pinagmumulan ng iyong alitan sa Diyos na nagkatawang-tao? Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, kaya hindi ba ang lahat ng hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ay anticristo? At talaga bang ang pinaniniwalaan at minamahal mo nang tunay ay ang Diyos na nagkatawang-tao? Ito ba ay ang talagang buhay, humihingang Diyos, na pinaka-totoo at bukod-tanging karaniwan? Ano ba talaga ang layunin ng iyong paghahangad? Ito ba ay nasa langit o nasa lupa? Ito ba ay isang pagkaintindi o ito ang katotohanan? Ito ba ay ang Diyos o isang higit-sa-natural na nilalang?
—mula sa “Yaon Lamang mga Nakakakilala sa Diyos at Nakakaalam sa Kanyang Gawain ang Makakapagbigay-kasiyahan sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga kayang tumanggap ng katotohanan, nguni’t para sa mga hindi kayang tumanggap ng katotohanan, ito’y tanda ng paghuhusga. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at itakwil ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging isang mangmang at mapagmataas na tao, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang tapos; bukod pa rito, huwag maging mapagwalang-bahala at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat man lamang ninyong malaman na yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat maging mapagpakumbaba at mapitagan. Yaong mga nakarinig na sa katotohanan subali’t minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig na sa katotohanan subali’t walang-ingat na nagsasalita nang tapos o hinuhusgahan ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang may karapatang sumpain o husgahan ang kapwa. Kayong lahat ay dapat maging isang taong makatwiran at tumatanggap sa katotohanan. Marahil, dahil narinig mo na ang daan ng katotohanan at nabasa na ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga paniniwala at sa Biblia, at sa gayo’y dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag maging masyadong tiwala sa sarili, at huwag masyadong magmalaki. Kapag may kaunting paggalang sa Diyos sa puso mo, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagninilayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung ang mga iyon ay ang katotohanan o hindi, at kung ang mga iyon ay buhay o hindi. Marahil, dahil ilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang huhusgahan ng ilang tao ang mga salitang ito, nagsasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na Cristo ito na naparito upang linlangin ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Kakaunti ang nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kita na magsimula kang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang husgahan ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na Cristo sa panahon ng mga huling araw, at hindi dapat maging isang tao na lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil sa takot kayong malinlang. Hindi ba’t masyadong kaawa-awa ang gayon? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi ang pagpapahayag ng Diyos, sa kahuli-huliha’y mapaparusahan ka, at hindi magtatamo ng mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang gayong katotohanang sinambit nang lantaran at napakalinaw, hindi ba’t hindi ka naaakma sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba’t isa kang tao na hindi pinapalad nang sapat upang makabalik sa harapan ng luklukan ng Diyos?
—mula sa “Mamamasdan Mo ang Espirituwal na Katawan ni Jesus Kapag Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Naniniwala kayo sa pag-iral ng Diyos na nasa langit ngunit itinatanggi yaong sa Diyos na nasa lupa. Gayunpaman, hindi Ko sinasang-ayunan ang inyong mga palagay. Ang Aking pinapupurihan ay yaong mga tao lamang na nananatiling nakatungtong sa lupa at naglilingkod sa Diyos na nasa lupa, nguni’t hindi kailanman yaong hindi kumikilala kailanman sa Cristo na nasa lupa. Gaano mang katapat ang gayong mga tao sa Diyos na nasa langit, sa huli, hindi pa rin sila makakaligtas sa Aking kamay na nagpaparusa sa mga masama. Ang mga taong ito ay ang masasama; sila ay siyang masasama na lumalaban sa Diyos at hindi kailanman nagagalak sa pagsunod kay Cristo. Mangyari pa, kasama sa kanilang bilang ang lahat ng hindi nakakakilala, at, lalong higit, hindi kinikilala si Cristo. Naniniwala ka ba na makakakilos ka sa paraang gusto mo tungo kay Cristo hangga’t nananatili kang tapat sa Diyos na nasa langit? Mali! Ang kamangmangan mo kay Cristo ay kamangmangan sa Diyos na nasa langit. Gaano ka man katapat sa Diyos na nasa langit, ito ay mga walang lamang salita at pagkukunwari, dahil ang Diyos na nasa lupa ay hindi lamang naging kasangkapan sa pagtanggap ng mga tao sa katotohanan at mas malalim na karunungan, kundi higit pang naging kasangkapan sa pagsumpa sa tao at kasunod nito ang pag-agaw ng mga katibayan upang parusahan ang masasama. Naiintindihan mo ba ang mga pakinabang at mga nakapipinsalang kalalabasan dito? Naranasan mo na ba ang mga ito? Ang nais Ko ay maintindihan ninyo balang-araw ang katotohanang ito: Para makilala ang Diyos, kailangan ninyong makilala hindi lamang ang Diyos na nasa langit, ngunit, mas mahalaga pa, ang Diyos na nasa lupa. Huwag malito kung ano ang dapat unahin o hahayaan na ang hindi gaanong mahalaga ay mangibabaw sa pangunahin. Sa ganitong paraan ka lamang maaaring tunay na makabuo ng magandang relasyon sa Diyos, nagiging mas malapit sa Diyos, at napapalapit ang iyong puso sa Kanya. Kung nasa pananampalataya ka na sa loob ng maraming taon at matagal nang may kaugnayan sa Akin, ngunit nananatiling malayo sa Akin, kung gayon ay sinasabi Kong madalas kang nagkakasala sa disposisyon ng Diyos, at ang iyong katapusan ay napakahirap tantiyahin. Kung ang maraming taon ng pagkakaugnay mo sa Akin ay hindi lamang nabibigong baguhin ka tungo sa isang tao na nagtataglay ng pagkatao at katotohanan, at sa halip ang iyong masamang mga gawi ay lalong nag-ugat sa iyong kalikasan, at hindi lamang dumoble ang iyong kayabangan kaysa rati kundi ang iyong mga maling pagkaintindi sa Akin ay lalo pang lumala, at dahil dito itinuturing mo Ako ngayon bilang iyong abang alalay, kung gayon sinasabi Ko na hindi lamang tagos sa laman ang iyong sakit kundi tumatagos na sa iyong mga buto. At ang maaari mo na lamang gawin ay maghintay at maghanda para gawin ang pagsasaayos ng iyong libing! Hindi mo kailangang magsumamo sa Akin kung gayon para maging iyong Diyos, sapagkat nakakagawa ka ng kasalanan na nararapat sa kamatayan, isang walang kapatawarang kasalanan. Kahit maaaring magkaroon Ako ng awa sa iyo, ang Diyos na nasa langit ay igigiit na kunin ang iyong buhay, dahil sa ang iyong pagkakasala laban sa disposisyon ng Diyos ay hindi pangkaraniwang problema, kundi isang napakalalang uri. Kapag dumarating ang panahon, huwag mo Akong sisisihin dahil sa hindi pagbibigay-alam sa iyo sa umpisa. Ang lahat ng ito ay bumabalik dito: Kapag nakipag-ugnayan ka sa Cristo—sa Diyos na nasa lupa—bilang pangkaraniwang tao, iyon ay, kapag naniniwala ka na ang Diyos na ito ay walang iba kundi tao lamang, ikaw kung gayon ay mapapahamak. Ito lamang ang Aking paalala sa inyong lahat.
—mula sa “Paano Makikilala ang Diyos na Nasa Lupa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Silang mga nagnanais na makamtan ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanan na sinambit ni Cristo ay ang mga pinakahibang na tao sa mundo, at silang mga hindi tumatanggap ng daan ng buhay na inihatid ni Cristo ay mga ligaw sa guni-guni. At sa gayon sinasabi Ko na ang mga tao na hindi tumatanggap sa Cristo ng mga huling araw ay magpakailanmang kamumuhian ng Diyos. Si Cristo ay ang daanan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, na walang sinuman ang makakalampas. Walang sinuman ang maaaring gawing perpekto ng Diyos kundi sa pamamagitan ni Cristo lang. Naniniwala ka sa Diyos, at sa gayon dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at sumunod sa Kanyang paraan. Hindi mo dapat isipin lang ang pagtanggap ng mga pagpapala nang hindi tumatanggap ng katotohanan, o tinatanggap ang tustos ng buhay. Dumarating si Cristo sa mga huling araw upang lahat ng tunay na naniniwala sa Kanya ay maaaring mabigyan ng buhay. Ang Kanyang gawain ay para sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at ang pagpasok sa isang bago, at ito ang landas na dapat tahakin ng lahat ng papasok sa bagong kapanahunan. Kapag wala kang kakayahang kilalanin Siya, at bagkus ay isinusumpa, nilalapastangan, o inuusig pa Siya, kung gayon nakatakda kang masunog magpakailanman, at hindi kailanman makakapasok sa kaharian ng Diyos. Dahil ang Cristong ito ay ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan na ng Diyos na gumawa sa Kanyang gawain sa lupa. At sa gayon ay sinasabi Ko na kung hindi mo matatanggap ang lahat ng ginagawa ng Cristo ng mga huling araw, kung gayon lumalapastangan ka sa Banal na Espiritu. Ang ganti na dapat pagdusahan ng mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu ay maliwanag sa lahat. Sinasabi Ko rin sa iyo na kapag lumaban ka sa Cristo ng mga huling araw, at ipagkaila Siya, walang sinuman kung gayon ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan para sa iyo. Bukod pa rito, simula sa araw na ito hindi ka magkakaroon ng isa pang pagkakataon upang makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit na subukin mo pang tubusin ang iyong sarili, hindi mo kailanman muling makikita ang mukha ng Diyos. Sapagka’t ang iyong kinakalaban ay hindi isang tao, ang iyong itinatakwil ay hindi isang mahinang nilalang, kundi si Cristo. Alam mo ba ang kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang iyong ginawa, kundi isang karumal-dumal na krimen. At sa gayon, ipinapayo Ko sa lahat na huwag ilabas ang inyong mga pangil laban sa katotohanan, o gumawa ng bulagsak na mga pamumuna, dahil ang katotohanan lang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala kundi ang katotohanan ang makapagpapahintulot na maipanganak kang muli at makita ang mukha ng Diyos.
—mula sa “Tanging ang Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento