Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos-Ang Gawain ng Diyos, Ang Katangian ng Diyos, at Ang Diyos Mismo I(4)
3. Ginawa ng Diyos ang Bahaghari bilang isang Palatandaan ng Kanyang Tipan sa Tao
(Gen 9:11-13) At aking pagtitibayin ang aking tipan sa inyo; ni hindi ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa. At sinabi ng Dios, Ito ang tanda ng tipang ginawa ko sa inyo, at sa bawa't kinapal na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon: Ang aking bahaghari ay inilalagay ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan ko at ng lupa.
Sunod, tingnan natin ang bahaging ito ng banal na kasulatan tungkol sa kung paano ginawa ng Diyos ang bahaghari bilang palatandaan ng Kanyang tipan sa tao.
Alam ng karamihan sa mga tao kung ano ang bahaghari at nakarinig na sila ng ilang mga kuwento na may kaugnayan sa mga bahaghari. Tungkol sa kuwento ng bahaghari sa Bibliya, may ilang mga tao na naniniwala rito, may ilang itinuturing itong alamat, habang ang iba ay hindi kailanman naniniwala rito. Ano pa man, ang lahat ng nangyaring may kaugnayan sa bahaghari ay mga bagay na minsan ay ginawa ng Diyos, at mga bagay na naganap sa proseso ng pamamahala ng Diyos sa tao. Ang mga ito ay naitala nang tiyak sa Bibliya. Hindi sinasabi sa atin ng mga naitalang ito kung ano ang lagay ng damdamin ng Diyos sa panahong iyon o ang mga layunin na nasa likod ng mga salitang ito na sinabi ng Diyos. Higit pa rito, walang makapagpahalaga sa nararamdaman ng Diyos noong sinabi Niya ang mga ito. Subalit ang kalagayan ng isip ng Diyos tungkol sa lahat nang ito ay naihahayag sa nakatagong kahulugan ng teksto. Para bang ang Kanyang mga kaisipan ay tumatalon mula sa pahina sa pamamagitan ng bawat salita at parirala ng salita ng Diyos.
Ang mga kaisipan ng Diyos ang dapat na binibigyang-pansin ng mga tao at dapat nilang sinusubukang malaman ng higit sa lahat. Ito ay dahil ang mga kaisipan ng Diyos ay malapit na kaugnay sa pagkaunawa ng tao sa Diyos, at ang pagkaunawa ng tao sa Diyos ay isang dugtong na hindi maaaring mawala sa pagpasok ng tao sa buhay. Kaya ano ang iniisip ng Diyos noong panahong nangyari ang mga ito?
Sa simula, sa mata ng Diyos lumikha Siya ng sangkatauhan na napakabuti at malapit sa Kanya, ngunit sila ay nilipol sa pamamagitan ng baha matapos maghimagsik laban sa Kanya. Nasaktan ba ang Diyos na ang ganoong sangkatauhan ay agad naglaho nang ganoon na lamang? Siyempre masakit iyon! Kaya ano ang pagpapahiwatig Niya ng sakit na ito? Paano itong naitala sa Bibliya? Naitala ito sa Bibliya nang ganito: “At aking pagtitibayin ang aking tipan sa inyo; ni hindi ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa.” Ang simpleng pangungusap na ito ay nagpapahayag ng mga kaisipan ng Diyos. Lubhang napakasakit sa Kanya itong pagkagunaw ng mundo. Sa mga salita ng tao, Siya ay napakalungkot. Maari nating gunitain: Ano ang anyo ng daigdig na minsa’y puno ng buhay pagtapos itong ginunaw ng baha? Ano na ngayon ang anyo ng daigdig na minsan ay puno ng mga tao? Walang tahanan na para sa tao, walang mga buhay na nilikha, may tubig kahit saan at isang lubos na kaguluhan sa ibabaw ng tubig. Ang ganito bang eksena ang talagang layunin ng Diyos noong nilikha Niya ang mundo? Siyempre hindi! Ang talagang layunin ng Diyos ay makakita ng buhay sa buong kalupaan, ang makita ang mga taong Kanyang nilikha na sumasamba sa Kanya, hindi para si Noe lang ang nag-iisang sumasamba sa Kanya o ang nag-iisang maaaring tumugon sa Kanyang panawagan na tapusin ang ipinagkatiwala sa kanya. Noong naglaho ang sangkatauhan, nakita ng Diyos ang lubos na kabaliktaran ng talagang nilayon Niya. Paanong hindi masasaktan ang Kanyang puso? Kaya noong ipinahahayag Niya ang Kanyang katangian at ipinahihiwatig ang Kanyang mga damdamin, nagpasya ang Diyos. Anong uri ng pasya ang Kanyang ginawa? Ang gumawa ng arko sa ulap (pansinin: ang bahagharing nakikita natin) bilang isang tipan sa tao, isang pangako na hindi na muling lilipulin ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng baha. Kasabay nito, para sabihin din sa mga tao na minsan ay ginunaw ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha, upang magpakailanman ay maipaalala sa sangkatauhan kung bakit ginawa ng Diyos ang ganoon.
Ang pagkagunaw ba ng mundo noong panahong iyon ay isang bagay na kagustuhan ng Diyos? Tiyak na hindi ito ang gusto ng Diyos. Maaari nating gunitain ang maliit na bahagi ng kaawa-awang anyo ng daigdig matapos ang pagkagunaw ng mundo, ngunit hindi natin magunita ng sapat kung ano ang anyo ng eksenang ito sa panahong iyon sa mata ng Diyos. Masasabi nating, kung ito man ay mga tao ngayon o noon, walang makagugunita o makapagpapahalaga kung ano ang nararamdaman ng Diyos noong nakita Niya ang eksenang iyon, ang anyong iyon ng mundo pagkatapos itong magunaw sa pamamagitan ng baha. Napilitan ang Diyos na gawin ito dahil sa kasuwailan ng tao, ngunit ang sakit na pinagdusahan ng puso ng Diyos mula sa pagkagunaw na ito ng mundo sa pamamagitan ng baha ay isang reyalidad na walang makakaarok o makakapagpahalaga. Kaya gumawa ang Diyos ng isang tipan sa tao, na magsasabi sa mga taong gunitain na minsan ay may ginawang ganito ang Diyos, at upang manumpa sa kanila na hindi na kailanman gugunawing muli ng Diyos ang mundo sa ganoong paraan. Sa tipang ito makikita natin ang puso ng Diyos – makikita natin na ang puso ng Diyos ay nakaramdam ng sakit noong nilipol Niya ang sangkatauhang ito. Sa wika ng tao, noong nilipol ng Diyos ang sangkatauhan at nakitang naglalaho ang sangkatauhan, ang Kanyang puso ay umiiyak at nagdurugo. Hindi ba hanggang diyan na lang natin kayang ilarawan ito? Ang mga salitang ito ang ginagamit ng mga tao upang ilarawan ang mga damdamin ng tao, ngunit dahil ang wika ng tao ay masyadong kapos, ang gamitin ang mga ito upang ilarawan ang mga nararamdaman at damdamin ng Diyos ay hindi na gaanong masama para sa akin, at ni hindi rin naman sila gaanong lumalabis. Kahit paano binigyan kayo ng napakatingkad, napakaangkop na pagkaunawa sa kung ano ang lagay ng damdamin ng Diyos noong panahong iyon. Ano na ang iisipin ninyo ngayon kapag may nakita kayo ulit na bahaghari? Kahit paano, maaalala ninyo kung paano nagdalamhati ng minsan ang Diyos dahil sa pagkakagunaw ng mundo sa pamamagitan ng baha. Maaalala ninyo kung paano, bagamat kinapootan ng Diyos ang mundong ito at kinamuhian ang sangkatauhang ito, noong nilipol Niya ang mga taong nilikha Niya ng sarili Niyang mga kamay, na ang puso Niya ay nasasaktan, nagpupumilit bumitaw, nag-aatubili, at nahihirapang magtiis. Ang tangi Niyang kinaaliwan ay ang pamilya ni Noe na walong katao. Ang pakikipagtulungan ni Noe ang nagbigay-halaga sa Kanyang mga napakaingat na pagsisikap sa paglikha ng lahat nang bagay. Sa panahong nagdurusa ang Diyos, ito lamang ang pampawi sa Kanyang nararamdaman na sakit. Mula noon, inilagay ng Diyos ang lahat ng Kanyang inaasahan sa sangkatauhan sa pamilya ni Noe, umaasang mabubuhay sila sa ilalim ng Kanyang mga pagpapala at hindi sa Kanyang sumpa, umaasang hindi nila kailanman muling makikitang gunawin ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha, at umaasa ring hindi sila magugunaw.
Anong bahagi ng katangian ng Diyos ang dapat nating maunawaan mula rito? Kinasuklaman ng Diyos ang tao dahil lumaban ang tao sa Kanya, ngunit sa Kanyang puso, ang Kanyang pag-aalaga, pagmamalasakit, at awa para sa sangkatauhan ay nanatiling hindi nagbabago. Kahit noong nilipol Niya ang sangkatauhan, ang puso Niya’y nanatiling hindi nagbago. Noong ang sangkatauhan ay napuno ng kasamaan at naging suwail sa Diyos hanggang sa ganap na hangganan, kinailangan ng Diyos, dahil sa Kanyang katangian at Kanyang diwa, at alinsunod sa Kanyang mga panuntunan, na lipulin ang sangkatauhang ito. Ngunit dahil sa diwa ng Diyos, kinaawaan pa rin Niya ang sangkatauhan, at nagnais pang gumamit ng iba’t–ibang mga paraan upang hanguin ang sangkatauhan upang makapagpatuloy silang mabuhay. Sa halip, nilabanan ng tao ang Diyos, nagpatuloy na sumuway sa Diyos, at tinanggihan na tanggapin ang kaligtasan ng Diyos, na ang ibig sabihin, tinanggihan na tanggapin ang Kanyang mga mabubuting layunin. Kahit paano man sila tinawag ng Diyos, pinaalalahanan, tinustusan, tinulungan, o pinagbigyan, hindi ito naunawaan o pinahalagahan ng tao, at ni hindi rin sila nagbigay-pansin. Sa kabila ng sakit Niyang nadama, hindi pa rin kinalimutan ng Diyos na ibigay sa tao ang pinakamataas na antas ng Kanyang pagpaparaya, sa paghihintay na manumbalik ang tao. Matapos Niyang maabot ang Kanyang hangganan, ginawa Niya ang dapat Niyang gawin nang walang anumang alinlangan. Sa madaling sabi, may nakatakdang panahon at proseso mula sa sandaling binalak ng Diyos na lipulin ang sangkatauhan hanggang sa opisyal na simula ng Kanyang gawain na paglipol sa sangkatauhan. Umiral ang ganitong proseso sa layuning mapanumbalik ang tao, at ito ang huling pagkakataon na ibinigay ng Diyos sa tao. Kaya ano ang ginawa ng Diyos sa panahong ito bago lipulin ang sangkatauhan? Napakaraming pagpapaalala at masidhing paghihikayat ang ginawa ng Diyos. Kahit gaano pa katindi ang sakit o pighating pinagdadaanan ng puso ng Diyos, patuloy Niyang ibinigay ang Kanyang pag-aalaga, malasakit, at masaganang awa sa sangkatauhan. Ano ang nakikita natin mula rito? Walang duda, nakikita natin na ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan ay totoo at hindi Niya sabi-sabi lamang. Ito ay tunay, nadarama at may halaga, hindi huwad, may halo, mapandaya o mapagkunwari. Hindi kailanman gumagamit ang Diyos ng anumang pandaraya o lumilikha ng mga huwad na kaanyuan para ipakita sa mga taong Siya ay kaibig-ibig. Hindi Siya kailanman gumagamit ng di-tunay na patotoo para maipakita sa mga tao ang Kanyang kagandahan, o ipangalandakan ang Kanyang kagandahan at kabanalan. Hindi ba karapat-dapat para sa pag-ibig ng tao ang mga aspetong ito ng katangian ng Diyos? Hindi ba karapat-dapat sambahin ang mga ito? Hindi ba karapat-dapat itangi ang mga ito? Sa puntong ito, nais ko kayong tanungin: Matapos ninyong marinig ang mga salitang ito, sa palagay ba ninyo ang kadakilaan ng Diyos ay pawang mga salita lamang sa isang pilas ng papel? Ang kagandahan ba ng Diyos ay mga hungkag na salita lamang? Hindi! Talagang hindi! Ang pangingibabaw ng Diyos, ang Kanyang kadakilaan, kabanalan, pagpaparaya, pag-ibig, at iba pa – ang lahat nitong mga iba’t ibang aspeto ng katangian at diwa ng Diyos ay nagiging mabisa tuwing ginagawa Niya ang Kanyang gawain, nakapaloob sa Kanyang kalooban para sa tao, at natutupad at nasasalamin din sa bawat tao. Nadama mo man dati ito o hindi pa, inaalagaan ng Diyos ang bawat tao sa bawat posibleng paraan, gamit ang Kanyang tapat na puso, karunungan, at iba’t ibang kaparaanan upang mapainit ang puso ng bawat tao, at magising ang espirito ng bawat tao. Ito ay isang di-matututulang katunayan. Gaano man karaming tao ang nakaupo rito, ang bawat tao ay nagkaroon na ng iba’t ibang mga karanasan at mga damdamin sa pagpaparaya, pagpapasensiya, at kagandahan ng Diyos. Ang mga karanasang ito sa Diyos at ang mga nadarama o pagkilalang ito sa Kanya – sa madaling salita, ang lahat ng mga positibong bagay na ito ay mula sa Diyos. Kaya sa pagsasama-sama ng mga karanasan at kaalaman ng lahat sa Diyos at sa pagsama sa mga ito sa binasa natin sa araw na ito na mga pahayag mula sa Bibliya, may mas totoo at tamang kaunawaan na ba kayo ngayon sa Diyos?
Matapos mabasa ang kuwentong ito at maunawaan ng kaunti ang katangian ng Diyos na naipahayag sa pamamagitan ng pangyayaring ito, anong uri ng bagong pagpapahalaga ang mayroon kayo para sa Diyos? Nakapagbigay ba ito sa inyo ng mas malalim na pagkaunawa sa Diyos at sa Kanyang puso? Iba na ba ngayon ang nadarama ninyo kapag muli ninyong tiningnan ang kuwento ni Noe? Ayon sa inyong mga pananaw, hindi pa ba kinakailangang pag-usapan ang mga bersikulong ito mula sa Bibliya? Ngayong napag-usapan na natin ang mga ito, sa palagay ba ninyo ay hindi ito kinakailangan? Kailangan ito, di ba? Kahit na ang binasa natin ay isang kuwento, isa itong tunay na tala ng Gawain na minsan ay ginawa ng Diyos. Ang layunin ko ay hindi upang maipaintindi sa inyo ang mga detalye ng mga kuwento o ng tauhang ito, ni hindi rin upang mapag-aralan ninyo ang tauhang ito, at tiyak na hindi upang bumalik kayo at pag-aralang muli ang Bibliya. Naiintindihan ba ninyo? Kaya nakatulong ba ang mga kuwentong ito sa inyong kaalaman sa Diyos? Ano ang naidagdag ng kuwentong ito sa inyong pagkaunawa sa Diyos? Sabihin ninyo sa amin, mga kapatirang lalaki at babae mula sa mga iglesya sa Hong Kong. (Nakita namin na ang pag-ibig ng Diyos ay isang bagay na walang sinuman sa ating mga makasalanang tao ang may taglay.) Sabihin ninyo sa amin, mga kapatirang lalaki at babae mula sa mga iglesya sa Korea. (Ang pag-ibig ng Diyos para sa tao ay totoo. Ang pag-ibig ng Diyos para sa tao ay nagtataglay ng Kanyang katangian at nagtataglay ng Kanyang kadakilaan, kabanalan, pangingibabaw, at ng Kanyang pagpaparaya. Sa pamamagitan ng ganitong kuwento lalo nating mapahahalagahan na ang lahat ng mga ito ay bahagi ng katangian ng Diyos, at karapat-dapat para sa ating pagsisikap na magkaroon ng mas malalim na pagkaunawa dito.) (Sa pamamagitan ng pakikipag-usap kanina lang, makikita natin sa isang dako ang matuwid at banal na katangian ng Diyos, at makikita rin natin ang malasakit na mayroon ang Diyos para sa sangkatauhan, ang awa ng Diyos para sa sangkatauhan, at ang lahat ng ginagawa ng Diyos at bawat kaisipan at kuru-kuro na mayroon Siya, lahat ay nagpapahayag ng Kanyang pag-ibig at malasakit para sa sangkatauhan.) (Ang dating pagkaunawa namin ay ginamit lamang ng Diyos ang baha upang gunawin ang mundo dahil ang sangkatauhan ay naging masama hanggang sa sukdulan, at para bang nilipol ng Diyos ang sangkatauhang ito dahil kinasuklaman Niya sila. Pagkatapos lamang na binanggit ng Diyos sa araw na ito ang tungkol sa kuwento ni Noe at sinabing nagdurugo ang puso ng Diyos saka lamang namin naunawaan na tunay palang mabigat ang loob Niyang bitawan ang sangkatauhang ito. Dahil lamang masyadong suwail ang sangkatauhan kaya walang magawa ang Diyos kundi lipulin sila. Sa katunayan, ang puso ng Diyos sa panahong ito ay napakalungkot. Mula rito makikita natin sa katangian ng Diyos ang Kanyang pag-aalaga at malasakit para sa sangkatauhan. Ito ay isang bagay na hindi namin alam dati. Ang kadalasan naming iniisip noon ay dahil sa masyadong kasamaan ng sangkatauhan, kaya nilipol sila ng Diyos. Ganoon kababaw ang pagkaunawa namin.) Napakabuti! Maaari kang sumunod. (Apektadong-apektado ako matapos makinig. Nabasa ko na ang Bibliya noong nakaraan, ngunit hindi pa ako kailanman nagkaroon ng karanasang tulad ng sa araw na ito kung saan hinihimay nang direkta ng Diyos ang mga bagay na ito upang makilala natin Siya. Ang pagsama sa atin ng Diyos na tulad nito upang makita natin ang Bibliya ang nagpaintindi sa akin na ang diwa ng Diyos bago naging masama ang tao ay pag-ibig at pag-aruga sa sangkatauhan. Mula sa panahong naging masama ang tao hanggang sa mga huling araw ng kasalukuyan, kahit na nagdadala ang Diyos ng matuwid na katangian, ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga ay nananatiling walang pagbabago. Ipinakikita nito na ang diwa ng pag-ibig ng Diyos, mula sa paglikha hanggang ngayon, naging masama man o hindi ang tao, ay hindi kailanman nagbabago.) (Nakita ko sa araw na ito na ang diwa ng Diyos ay hindi magbabago dahil sa pagbabago ng panahon o lugar ng Kanyang gawain. Nakita ko rin na nilikha man ng Diyos ang mundo o ginunaw ito matapos maging masama ang tao, ang lahat ng ginagawa Niya ay may kabuluhan at taglay ang Kanyang katangian. Sa ganoon, nakita ko na ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan at hindi masusukat, at nakita ko rin, tulad ng nabanggit ng ibang kapatirang lalaki at babae, ang pagkalinga at awa ng Diyos para sa sangkatauhan noong ginunaw Niya ang mundo.) (Ito ay mga bagay na talagang hindi ko alam noon. Matapos makinig sa araw na ito, pakiramdam ko na ang Diyos ay tunay na kapani-paniwala, tunay na mapagkakatiwalaan, karapat-dapat paniwalaan, at talagang umiiral Siya. Tunay kong napapahalagahan sa puso ko na ang katangian at pag-ibig ng Diyos ay talagang ganito katotoo. Ito ang nararamdaman ko matapos makinig sa araw na ito.) Napakagaling! Mukhang isinapuso ninyong lahat ang inyong narinig.
May nahalata ba kayong isang natatanging katunayan mula sa lahat ng mga bersikulo sa Bibliya, kasama na ang lahat ng mga kuwento sa Bibliya na pinag-usapan natin sa araw na ito? Ginamit ba kailanman ng Diyos ang Kanyang sariling wika upang ipahayag ang Kanyang sariling mga kaisipan o ipaliwanag ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga para sa sangkatauhan? May naitala ba tungkol sa Kanya na gumamit Siya ng karaniwang wika upang sabihin kung gaano Siya nagmamalasakit o umiibig sa sangkatauhan? Wala! Di ba tama iyan? Napakarami sa inyo ang nakabasa na ng Bibliya o mga librong bukod pa sa Bibliya. Mayroon bang sinuman sa inyo ang nakakita ng mga salitang ganoon? Ang sagot ay tiyak na wala! Ang ibig sabihin, sa mga tala ng Bibliya, kasama na ang mga salita ng Diyos o ang pagsasa-dokumento ng Kanyang gawain, hindi kailanman sa anumang panahon ginamit ng Diyos ang Kanyang sariling pamamaraan upang ilarawan ang Kanyang mga damdamin o ipahayag ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga para sa sangkatauhan, ni hindi rin kailanman gumamit ang Diyos ng pananalita o anumang mga kilos upang ipahiwatig ang Kanyang mga nararamdaman at mga emosyon – hindi ba totoo iyan? Bakit ko sinasabi iyan? Bakit ko kailangang banggitin ito? Dahil ito rin ay nagtataglay ng kagandahan at katangian ng Diyos.
Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan; masama man sila o sumusunod man sila sa Kanya, itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang mga minamahal Niya – o gaya ng sinasabi ng mga tao, ang mga taong pinakamahalaga sa Kanya – at hindi Kanyang mga laruan. Bagamat sinasabi ng Diyos na Siya ang Manlilikha at ang tao ay Kanyang nilikha, na para bang may kaunting pagkakaiba sa antas, ang katunayan ay lahat nang nagawa ng Diyos para sa sangkatauhan ay sobra-sobra para sa ganitong uri ng relasyon. Mahal ng Diyos ang sangkatauhan, inaalagaan ang sangkatauhan, at nagpapakita ng malasakit para sa sangkatauhan, parati rin at walang-tigil na naglalaan para sa sangkatauhan. Hindi Niya kailanman nararamdaman sa Kanyang puso na ito ay karagdagang gawain o bagay na karapat-dapat bigyan ng malaking parangal. Ni hindi rin Niya nararamdaman na ang pagligtas sa sangkatauhan, pagtustos sa kanila, at pagbigay sa kanila ng lahat ng bagay, ay pagbibigay ng napakalaking ambag sa sangkatauhan. Tahimik at walang-imik lang Siyang naglalaan para sa sangkatauhan, sa sarili Niyang paraan at sa pamamagitan ng sarili Niyang diwa at kung anong mayroon at kung ano Siya. Gaano man karami ang paglalaan at gaano man karaming tulong ang matatanggap ng sangkatauhan mula sa Kanya, hindi kailanman iniisip ng Diyos o ni sinisikap na umako ng parangal. Ito ay itinatakda ng diwa ng Diyos, at tiyak rin na isa itong tunay na pahiwatig ng katangian ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit, nakatala man o hindi sa Bibliya o sa anumang ibang mga aklat, hindi kailanman natin nakikitang ipinahihiwatig ng Diyos ang Kanyang mga kaisipan, at hindi kailanman natin nakikitang inilalarawan o inihahahayag ng Diyos sa mga tao kung bakit Niya ginagawa ang mga ito, o bakit masyado Niyang kinakalinga ang sangkatauhan, upang magpasalamat ang sangkatauhan sa Kanya o purihin Siya. Kahit Siya ay nasasaktan, kapag ang Kanyang puso ay may pinagdadaanang matinding sakit, hindi Niya kailanman kinalilimutan ang Kanyang pananagutan sa sangkatauhan o ang Kanyang malasakit para sa sangkatauhan, tinitiis Niya lang ang lahat ng sakit at kirot nang tahimik at nag-iisa. Sa halip, patuloy ang Diyos na naglalaan para sa sangkatauhan tulad nang lagi Niyang ginagawa. Kahit na ang sangkatauhan ay madalas na nagpupuri sa Diyos o nagpapatotoo para sa Kanya, walang kahit na ano sa mga asal na ito ang hinihingi ng Diyos. Ito ay dahil hindi kailanman binalak ng Diyos na ang anuman sa mga mabubuting bagay na ginagawa Niya para sa sangkatauhan ay maipagpapalit para sa pagkilala ng utang na loob o mabayaran. Sa kabilang dako, ang mga may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, ang mga tunay na sumusunod sa Diyos, nakikinig sa Kanya at tapat sa Kanya, at ang mga masunurin sa Kanya – ito ang mga tao na madalas na makatatanggap ng mga pagpapala ng Diyos, at igagawad ng Diyos ang ganoong mga pagpapala nang walang pasubali. Higit pa rito, ang mga pagpapalang natatanggap ng mga tao mula sa Diyos ay madalas na higit pa sa kanilang mga naiisip, at higit rin sa anumang maibabalik ng mga tao kapalit ng kanilang nagawa o sa halagang kanilang pinagbayaran. Kapag tinatamasa ng sangkatauhan ang mga pagpapala ng Diyos, mayroon bang nakaaalala sa kung ano ang ginagawa ng Diyos? Mayroon bang nagpapakita ng malasakit para sa nararamdaman ng Diyos? Mayroon bang sinumang sinisikap na bigyang-halaga ang nadaramang sakit ng Diyos? Ang tiyak na sagot sa mga tanong na ito ay: Wala! Kaya ba ng sinumang tao, kabilang na si Noe, na pahalagahan ang sakit na nadarama ng Diyos sa sandaling iyon? May makauunawa ba kung bakit gagawa ng ganoong tipan ang Diyos? Hindi nila kaya! Hindi pinahahalagahan ng sangkatauhan ang nadaramang sakit ng Diyos hindi dahil hindi nila maunawaan ang sakit ng damdamin ng Diyos, at hindi dahil sa agwat na namamagitan sa Diyos at tao o ang pagkakaiba sa kanilang katayuan; sa halip, ito ay dahil walang pakialam ang sangkatauhan sa mga nararamdaman ng Diyos. Ipinapalagay ng sangkatauhan na hindi umaasa sa iba ang Diyos– hindi kailangan ng Diyos ang mga tao upang lumingap sa Kanya, upang unawain Siya o bigyan Siya ng pagsasaalang-alang. Ang Diyos ay Diyos, kaya wala Siyang nadaramang sakit, walang mga damdamin; Hindi Siya nalulungkot, Hindi Siya nakadadama ng hinagpis, ni hindi Siya umiiyak. Ang Diyos ay Diyos, kaya hindi Niya kailangan ang anumang pagpapahayag ng damdamin at hindi Niya kailangan ang anumang kaginhawahan ng damdamin. Kung kailanganin man Niya ang mga ito sa mga natatanging kalagayan, kaya Niyang lutasin ng Siya Mismo at hindi mangangailangan ng anumang tulong mula sa sangkatauhan. Sa madaling salita, ang mga mahihina at mga taong isip-bata ang nangangailangan ng pampalubag-loob, paglalaan, pagpapalakas, at kahit ang pag-aliw Niya sa kanilang mga damdamin, kailan man, saan man. Ang ganoong kaisipan ay nakatago sa kailaliman ng puso ng sangkatauhan: Ang tao ang mahina; kailangan nila ang Diyos upang alagaan sila sa lahat ng paraan, karapat-dapat sila sa lahat ng pag-aalagang natatanggap nila mula sa Diyos, at dapat nilang hilingin mula sa Diyos ang anumang palagay nila na dapat ay sa kanila. Ang Diyos ang malakas; nasa Kanya ang lahat at dapat na Siya ang maging tagapag-alaga ng sangkatauhan at tagapagkaloob ng mga pagpapala. Dahil Siya ay Diyos, kaya Niyang gawin ang lahat at hindi kailanman Siya nangangailangan ng anuman mula sa sangkatauhan.
Dahil hindi nagbibigay-pansin ang tao sa anumang mga pahayag ng Diyos, hindi niya kailanman nadama ang pighati, sakit, o galak ng Diyos. Ngunit sa madaling salita, alam ng Diyos ang lahat ng pagpapahayag ng tao tulad ng palad ng Kanyang kamay. Tinutustusan ng Diyos ang mga pangangailangan ng lahat sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar, pinagmamasdan ang nagbabagong mga kaisipan ng bawat tao at sa gayon ay inaaliw at masidhing hinihikayat sila, at ginagabayan at nililiwanagan sila. Sa dami ng lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa sangkatauhan at sa lahat ng mga halagang Kanyang binayaran dahil sa kanila, may makikita bang mga pahayag ang mga tao sa Bibliya o mula sa anumang sinabi ng Diyos hanggang sa ngayon na malinaw na nagsasabing humihingi ang Diyos ng anuman mula sa tao? Wala! Sa kabaliktaran, kahit na paano balewalain ng mga tao ang kaisipan ng Diyos, paulit-ulit pa rin Niyang pinangungunahan ang sangkatauhan, paulit-ulit na tinutustusan ang sangkatauhan at tinutulungan sila, upang makasunod sila sa paraan ng Diyos para matanggap nila ang magandang patutunguhan na inihanda Niya para sa kanila. Pagdating sa Diyos, kung anong mayroon at kung ano Siya, ang biyaya Niya, ang awa Niya, at lahat ng mga pabuya Niya, ay ipagkakaloob nang walang pasubali sa mga nagmamahal at sumusunod sa Kanya. Ngunit hindi Niya kailanman ipinahahayag sa sinumang tao ang sakit na pinagdusahan Niya o ang lagay ng isipan Niya, at hindi Siya kailanman nagrereklamo tungkol sa sinumang hindi nagsasaalang-alang sa Kanya o hindi nakaaalam ng Kanyang kalooban. Dinadala lang Niya ang lahat ng ito nang tahimik, naghihintay sa araw na maunawaan ng sangkatauhan.
Bakit ko sinasabi ang mga bagay na ito? Ano ang nakikita ninyo mula sa mga bagay na sinabi ko? Mayroong bagay sa diwa at katangian ng Diyos na pinakamadaling hindi mapansin, isang bagay na taglay lamang ng Diyos at hindi ninumang tao, kasama yaong sa tingin ng iba ay mga dakilang tao, mabubuting tao, o ang Diyos ng kanilang imahinasyon. Ano ang bagay na ito? Ito ang pagiging hindi makasarili ng Diyos. Kapag nagsalita tayo tungkol sa pagiging hindi makasarili, maaaring isipin ninyong kayo rin ay lubhang hindi makasarili, dahil pagdating sa inyong mga anak, hindi kayo kailanmang nakikipagtawaran sa kanila at kayo ay mapagbigay sa kanila, o iniisip ninyong kayo rin ay lubhang hindi makasarili pagdating sa inyong mga magulang. Ano man ang inyong palagay, kahit paano ay may konsepto kayo sa salitang “hindi makasarili” at iniisip ninyo ito bilang isang positibong salita, at ang pagiging isang tao na hindi makasarili ay napakarangal. Kapag ikaw ay hindi makasarili, sa palagay mo ay dakila ka. Ngunit walang nakakakita sa pagiging hindi makasarili ng Diyos sa gitna ng lahat, sa gitna ng mga tao, mga pangyayari at mga bagay, at sa pamamagitan ng gawain ng Diyos. Bakit ganoon? Dahil ang tao ay masyadong makasarili! Bakit ko nasasabi iyon? Ang sangkatauhan ay nabubuhay sa isang materyal na mundo. Maaaring sumusunod kayo sa Diyos, ngunit hindi ninyo kailanman nakikita o napahahalagahan kung paano kayo tinutustusan ng Diyos, minamahal, at nagpapakita ng malasakit para inyo. Kaya ano ang nakikita ninyo? Nakikita ninyo ang mga kamag-anak ninyo sa dugo na nagmamahal sa inyo o mapagpalayaw sa inyo. Nakikita ninyo ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa inyong laman, kinakalinga ninyo ang mga tao at mga bagay na mahal ninyo. Ito ang tinatawag na pagiging hindi makasarili ng tao. Ngunit ang mga ganitong “hindi makasariling” mga tao ay hindi kailanman nagbibigay-pansin sa Diyos na nagbibigay sa kanila ng buhay. Kung ihahambing sa Diyos, ang pagiging hindi makasarili ng tao ay nagiging makasarili at kasuklam-suklam. Ang pagiging hindi makasarili na pinaniniwalaan ng tao ay walang kahulugan at hindi makatotohanan, may halo, hindi tugma sa Diyos, at walang kaugnayan sa Diyos. Ang pagiging hindi makasarili ng tao ay para sa kanyang sarili, habang ang pagiging hindi makasarili ng Diyos ay isang tunay na pagpapahayag ng Kanyang diwa. Tiyak na dahil sa pagiging hindi makasarili ng Diyos kaya nakakatanggap ang tao ng patuloy na daloy ng pagtustos mula sa Kanya. Maaaring hindi kayo gaanong apektado ng paksang tinatalakay ko sa araw na ito at pawang tumatango lamang sa pagsang-ayon, ngunit kapag sinubukan ninyong pahalagahan ang puso ng Diyos sa inyong puso, matutuklasan ninyo ng hindi sinasadya: Sa lahat ng mga tao, mga pangyayari, at mga bagay na nadadama ninyo sa mundong ito, tanging ang pagiging hindi makasarili ng Diyos lamang ang totoo at tiyak, dahil ang pag-ibig lamang ng Diyos para sa inyo ang walang pasubali at walang dungis. Bukod sa Diyos, ang lahat ng anumang tinatawag na pagiging hindi makasarili ng sinuman ay huwad, mababaw, hindi matapat; mayroon itong layunin, mga tanging balak, may kapalit, at hindi kakayaning dumaan sa pagsubok. Maaari niyo pang sabihin na ito ay marumi, napakasama. Sang-ayon ba kayo?
Alam kong lubhang hindi kayo bihasa sa mga paksang ito at nangangailangan ng kaunting panahon para matanggap nang malalim bago ninyo tunay na maunawaan. Habang mas hindi kayo bihasa sa mga usapin at mga paksang ito, mas napatutunayan na ang mga paksang ito ay wala sa inyong puso. Kung hindi ko kailanman babanggitin ang mga paksang ito, may sinuman ba sa inyong nakaaalam ng kaunti tungkol sa mga ito? Sa palagay ko hindi ninyo kailanman malalaman ang mga ito. Tiyak iyan. Gaano man karami ang kaya ninyong maintindihan o maunawaan, sa madaling salita, ang mga paksang tinatalakay ko ang pinakakulang ng mga tao at dapat nilang malaman ng higit pa sa lahat. Ang mga paksang ito ay napakahalaga para sa lahat – ang mga ito ay itinatangi at ang mga ito ay buhay, at ito ang mga bagay na dapat ninyong taglay para sa hinaharap na paglalakbay. Kapag wala ang mga salitang ito bilang gabay, kapag wala ang inyong pagkaunawa sa katangian at diwa ng Diyos, lagi lang kayong may dala-dalang katanungan pagdating sa Diyos. Paano kayong makakapaniwala sa Diyos nang maayos kung hindi niyo man lang Siya nauunawaan? Wala kayong alam tungkol sa damdamin ng Diyos, sa Kanyang kalooban, sa lagay ng Kanyang isip, sa kung ano ang Kanyang iniisip, kung ano ang nagpapalungkot sa Kanya, at kung ano ang nagpapasaya sa Kanya, kaya paano kayo magiging mapagsaalang-alang sa puso ng Diyos?
Kapag ang Diyos ay nababalisa, hinaharap Niya ang isang sangkatauhan na hindi man lang Siya binibigyan ng anumang pansin, isang sangkatauhan na sumusunod sa Kanya at nagsasabing mahal Siya ngunit lubusang hindi pinapansin ang Kanyang mga nararamdaman. Paanong hindi masasaktan ang Kanyang puso? Sa pamamahala ng Diyos, tapat Siyang nagpapatuloy sa Kanyang gawain at nangungusap sa bawat tao, at hinaharap sila nang walang pasubali o pagtatakip, ngunit sa kabaliktaran, ang bawat taong sumusunod sa Kanya ay sarado sa Kanya, at walang sinumang may gustong mas mapalapit sa Kanya, maunawaan ang Kanyang puso, o magbigay-pansin sa Kanyang mga nararamdaman. Kahit ang mga nagnanais na maging kapalagayang-loob ng Diyos ay ayaw mapalapit sa Kanya, maging mapagsaalang-alang sa Kanyang puso, o subukang maunawaan Siya. Kapag ang Diyos ay nagagalak at masaya, walang sinumang makababahagi sa Kanyang kasayahan. Kapag mali ang pagkakaunawa ng mga tao sa Diyos, walang sinumang makapagbibigay-aliw sa Kanyang sugatang puso. Kapag nasasaktan ang Kanyang puso, wala ni isang tao ang may gustong makinig sa Kanyang pagbubukas-loob sa kanila. Sa nagdaang ilang libong taon ng gawain sa pamamahala ng Diyos, walang sinumang nakauunawa sa mga damdamin ng Diyos, ni walang sinumang nakaiintindi o nakapagpapahalaga sa mga ito, at mas lalong wala ang sinumang maaaring tumayo sa tabi ng Diyos upang makibahagi sa Kanyang mga galak at pighati. Ang Diyos ay namamanglaw. Siya ay namamanglaw! Namamanglaw ang Diyos hindi lamang dahil lumalaban sa Kanya ang masamang sangkatauhan, kundi lalong dahil sa mga nagsisikap na maging espiritwal, ang mga nagnanais na makilala ang Diyos at maunawaan Siya, at kahit ang mga gustong mag-alay ng kanilang buong buhay sa Kanya, ay hindi rin alam ang Kanyang mga kaisipan at hindi nauunawaan ang Kanyang katangian at mga damdamin.
Sa pagtatapos ng kuwento ni Noe, nakita nating gumamit ang Diyos ng di-karaniwang paraan upang ipahayag ang Kanyang damdamin sa panahong iyon. Ang paraang ito ay lubhang natatangi, at ito ang pag-gawa ng tipan sa tao. Ito ay paraang nagpapahayag ng pagwawakas sa paggamit ng Diyos sa mga baha upang gunawin ang mundo. Mula sa labas, ang paggawa ng isang tipan ay para bang napaka-pangkaraniwang bagay. Walang ginagawa dito kundi gumamit ng mga salita upang magbigkis ang magkabilang partido sa pag-iwas sa mga paglabag, nang makatulong na matupad ang layunin na pangalagaan ang kapakanan ng magkabilang panig. Sa anyo, ito ay isang napaka-pangkaraniwang bagay, ngunit sa mga nasa likod na dahilan at kahulugan ng paggawa nito ng Diyos, ito ay isang tunay na pahayag ng katangian at lagay ng kaisipan ng Diyos. Kung isasantabi lamang ninyo ang mga salitang ito at hindi papansinin, kung hindi ko kailanman sabihin sa inyo ang katotohanan ng mga bagay-bagay, hindi talaga kailanman malalaman ng sangkatauhan ang pag-iisip ng Diyos. Marahil sa inyong imahinasyon ay nakangiti ang Diyos habang ginagawa Niya ang tipang ito, o marahil ay seryoso ang itsura Niya, ngunit ano man ang pinakakaraniwan na uri ng itsura ng Diyos sa isipan ng mga tao, walang nakakakita sa puso ng Diyos o sa Kanyang nadaramang sakit, at lalo pa sa Kanyang pamamanglaw. Walang makagagawang pagkatiwalaan sila ng Diyos o maging karapat-dapat sa tiwala ng Diyos, o maging isang taong makapaghahayag ng Kanyang mga iniisip o mapagbubuksan Niya ng nadarama Niyang sakit. Iyan ang dahilan kung bakit walang ibang maaaring gawin ang Diyos kundi ang ganoon. Sa panlabas, madali ang ginawa ng Diyos na pagpaalam sa naunang sangkatauhan, pagsaayos sa nakaraan at paggawa ng ganap na pagtatapos sa paggunaw Niya sa mundo sa pamamagitan ng baha. Subalit ibinaon ng Diyos ang sakit mula sa sandaling ito sa kailaliman ng Kanyang puso. Sa panahong walang sinumang mapagbubuksang-loob ang Diyos, gumawa Siya ng tipan sa sangkatauhan, sinabi sa kanilang hindi na ulit Niya gugunawin ang mundo sa pamamagitan ng baha. Kapag lumilitaw ang bahaghari, ito ay upang ipaalala sa mga tao na minsan ay naganap ang ganoong pangyayari, upang magbabala sa kanila na huwag gumawa ng masasamang mga bagay. Kahit na sa ganoong kasakit na kalagayan, hindi kinalimutan ng Diyos ang sangkatauhan at nagpakita pa rin ng napakalaking malasakit para sa kanila. Hindi ba ito ang pag-ibig at pagiging hindi makasarili ng Diyos? Ngunit ano ang iniisip ng mga tao kapag sila ay nagdurusa? Hindi ba ito ang panahong pinaka-kailangan nila ang Diyos? Sa mga panahong tulad nito, laging kinakaladkad palapit ng mga tao ang Diyos upang mabigyang-ginhawa sila ng Diyos. Kailanman, hinding-hindi bibiguin ng Diyos ang mga tao, at lagi Niyang iaahon ang mga tao mula sa kanilang mga mabibigat na suliranin at mabuhay sila sa liwanag. Kahit ganoong tinutustusan ng Diyos ang sangkatauhan, sa puso ng tao, ang Diyos ay isa lamang pildoras na pampalubag-loob, isang tinig na nakapagbibigay ng ginhawa. Kapag ang Diyos ay nagdurusa, kapag sugatan ang Kanyang puso, ang pagkakaroon ng isang nilikha o sinumang taong sasamahan Siya o bibigyang-ginhawa Siya ay walang-dudang isang marangyang pagnanais lamang para sa Diyos. Hindi kailanman pinapansin ng tao ang mga damdamin ng Diyos, kaya hindi kailanman humingi ang Diyos, ni hindi umaasa na mayroong sinumang makapagbibigay-aliw sa Kanya. Ginagamit lamang Niya ang Kanyang sariling mga pamamaraan upang ipahayag ang lagay ng Kanyang damdamin. Hindi iniisip ng mga tao na isang malaking bagay para sa Diyos ang dumaan sa pagdurusa, ngunit kapag talagang sinikap lamang ninyong maunawaan ang Diyos, kapag totoong napahahalagahan ninyo ang mga taimtim na layunin ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa, madadama ninyo ang kadakilaan ng Diyos at ang Kanyang pagiging hindi makasarili. Bagamat gumawa ang Diyos ng isang tipan sa sangkatauhan gamit ang bahaghari, hindi Niya kailanman sinabi sa kahit kanino kung bakit Niya ginawa ito, bakit Niya itinatag ang tipan na ito, nangangahulugang hindi Niya kailanman sinabi sa kahit kaninuman ang Kanyang totoong mga kaisipan. Ito ay dahil walang nakaiintindi sa lalim ng pag-ibig na mayroon ang Diyos para sa sangkatauhang nilikha Niya sa pamamagitan ng Kanyang sariling mga kamay, at wala ring makapagpapahalaga kung gaano talaga kasakit ang pinagdusahan ng Kanyang puso noong nilipol Niya ang sangkatauhan. Kaya kahit sabihin Niya sa mga tao kung ano ang nadarama Niya, hindi nila kayang isagawa ang pagkakatiwalang ito. Kahit nasasaktan Siya, nagpapatuloy pa din Siya sa susunod na gawain Niya. Laging ibinibigay ng Diyos ang pinakamahusay na panig Niya, at ang mga pinakamahusay na bagay sa sangkatauhan habang tahimik na dinadala Niya mismo ang lahat ng pagdurusa. Hindi kailanman lantarang ipinahahayag ng Diyos ang mga pagdurusang ito. Sa halip, tinitiis Niya ang mga ito at tahimik na naghihintay. Ang pagtitiis ng Diyos ay hindi malamig, manhid, o walang-magawa, ni hindi ito tanda ng kahinaan, ngunit ang pag-ibig at diwa ng Diyos ay palaging hindi makasarili. Ito ay isang likas na pahayag ng Kanyang diwa at katangian, at isang totoong pagsasakatawan ng pagkakakilanlan ng Diyos bilang tunay na Manlilikha.
Sa pagsasabi ko nito, maaaring may ilang mga tao ang magkamali sa pagpakahulugan sa ibig kong sabihin. Ang paglalarawan ba sa damdamin ng Diyos sa ganoon detalye, nang may malaking kagilalasan, ay sinasadya upang makadama ng pagdaramdam ang mga tao para sa Diyos? May ganoon bang layunin? (Wala!) Ang tanging layunin ko sa pagsasabi ng mga bagay na ito ay upang mas makilala ninyo ang Diyos, upang maunawaan ang bawat bahagi Niya, maunawaan ang Kanyang mga damdamin, upang mapahalagahan ang diwa at katangian ng Diyos, nang tunay at unti-unti, na ipinahahayag sa pamamagitan ng Kanyang gawain, bilang kabaliktaran ng paglalarawan sa pamamagitan ng mga walang-saysay na mga salita ng tao, mga sulat at mga doktrina nila, o mga imahinasyon nila. Ang ibig sabihin, ang Diyos at ang diwa ng Diyos ay talagang umiiral – hindi sila mga ipininta, hindi haka-haka, hindi binuo ng tao, at tiyak na hindi nila ito ginawa. Nakikita na ba ninyo ito ngayon? Kung talagang nakikita ninyo io, nakamit nga ng mga salita ko sa araw na ito ang kanilang layunin.
Tatlong paksa ang tinalakay natin sa araw na ito. Tiwala akong marami ang nakuha ng lahat mula sa talakayan tungkol sa tatlong paksang ito. Maaari kong sabihin nang tiyak, sa pamamagitan ng tatlong paksang ito, binaliktad ng mga kaisipan ng Diyos na inilarawan ko o ang katangian at diwa ng Diyos na binanggit ko ang mga kuru-kuro at pagkaunawa ng mga tao tungkol sa Diyos, binaliktad pa nito ang paniniwala ng lahat sa Diyos, at higit sa rito, nabaliktad ang anyo ng Diyos na hinahangaan ng lahat sa kanilang mga puso. Ano pa man, inaasahan ko na ang natutunan ninyo tungkol sa katangian ng Diyos sa tatlong pahayag na ito ng Bibliya ay kapaki-pakinabang sa inyo, at inaasahan kong pagbalik ninyo sisikapin ninyong lalo pang pag-isipan ito. Ang pagtitipon sa araw na ito ay nagtatapos na dito. Paalam!
Mayo 18, 2014
Mula sa: Ang Salita'y Nagpakita sa Katawang-tao
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento