Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos-Ang Gawain ng Diyos, Ang Katangian ng Diyos, at Ang Diyos Mismo I(3)
Susunod, tatalakayin natin ang kuwento ni Noe at kung paano ito nauugnay sa paksang gawain ng Diyos, katangian ng Diyos at ang Diyos Mismo.
Ano ang nakikita ninyong ginagawa ng Diyos kay Noe sa bahaging ito ng banal na kasulatan?
Marahil ang lahat ng mga nakaupo rito ay may alam tungkol dito mula sa pagbabasa ng banal na kasulatan: Nagpagawa ang Diyos kay Noe ng daong, pagkatapos ginamit ng Diyos ang baha upang sirain ang mundo. Hinayaan ng Diyos na gawin ni Noe ang daong upang mailigtas ang pamilya niyang walong katao, upang mabuhay sila, upang maging mga ninuno ng susunod na salinlahi ng sangkatauhan. Basahin natin ngayon ang banal na kasulatan.
B. Noe
1. Nilayon ng Diyos na Sirain ang Mundo Gamit ang isang Baha, Sinabihan si Noe na Gumawa ng isang daong
(Gen 6:9-14) Ito ang mga lahi ni Noe. Si Noe ay lalaking matuwid at sakdal noong kapanahunan niya: si Noe ay lumalakad na kasama ng Dios. At nagkaanak si Noe ng tatlong lalake: si Sem, si Cham, at si Japhet. At sumama ang lupa sa harap ng Dios, at ang lupa ay napuno ng karahasan. At tiningnan ng Dios ang lupa, at, narito sumama; sapagka't pinasama ng lahat ng tao ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa. At sinabi ng Dios kay Noe, Ang wakas ng lahat ng tao ay dumating sa harap ko; sapagka't ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila'y aking lilipuling kalakip ng lupa. Gumawa ka ng isang sasakyang kahoy na gofer; gagawa ka ng mga silid sa sasakyan, at iyong sisiksikan sa loob at sa labas ng sahing.
(Gen 6:18-22) Datapuwa't pagtitibayin ko ang aking tipan sa iyo; at ikaw ay lululan sa sasakyan, ikaw, at ang iyong mga anak na lalake, at ang iyong asawa, at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo. At sa bawa't nangabubuhay, sa lahat ng laman ay maglululan ka sa loob ng sasakyan ng dalawa sa bawa't uri upang maingatan silang buhay, na kasama mo; lalake at babae ang kinakailangan. Sa mga ibon ayon sa kanikanilang uri, at sa mga hayop ayon sa kanikanilang uri, sa bawa't nagsisiusad, ayon sa kanikanilang uri, dalawa sa bawa't uri, ay isasama mo sa iyo, upang maingatan silang buhay. At magbaon ka ng lahat na pagkain na kinakain, at imbakin mo sa iyo; at magiging pagkain mo at nila. Gayon ginawa ni Noe; ayon sa lahat na iniutos sa kaniya ng Dios, ay gayon ang ginawa niya.
May pangkalahatang pagkaunawa na ba kayo kung sino si Noe matapos ninyong mabasa ang mga pahayag na ito? Anong uri ng tao si Noe? Ang orihinal na teksto ay: “Si Noe ay lalaking matuwid at sakdal noong kapanahunan niya.” Ayon sa pagkaunawa ng mga modernong tao, anong uri ng tao ang isang matuwid na tao noong panahong iyon? Ang isang matuwid na tao ay dapat na isang perpektong tao. Alam ba ninyo kung ang perpektong taong ito ay perpekto sa mata ng tao o perpekto sa mata ng Diyos? Walang duda, ang perpektong taong ito ay perpekto sa mata ng Diyos at hindi sa mata ng tao. Sigurado yan! Ito ay dahil bulag ang tao at hindi makakita, at tanging Diyos lamang ang tumitingin sa buong mundo at sa bawat isang tao, tanging Diyos lamang ang nakaaalam na si Noe ay perpektong tao. Kaya ang balak ng Diyos na sirain ang mundo gamit ang isang baha ay nagsimula sa sandaling tinawag Niya si Noe.
Pagdating ng panahong iyon, nilayon ng Diyos na tawagin si Noe upang gawin ang isang napakahalagang bagay. Bakit pa Niya kailangang gawin iyon? Dahil may balak ang Diyos sa Kanyang puso sa sandaling iyon. Ang balak Niya ay sirain ang mundo gamit ang isang baha. Bakit sisirain ang mundo? Ang sabi rito: “At sumama ang lupa sa harap ng Dios, at ang lupa ay napuno ng karahasan.” Ano ang nakikita mo mula sa pariralang “at ang lupa ay napuno ng karahasan”? Isang di-pangkaraniwang bagay sa lupa kapag ang mundo at ang mga tao nito ay tiwali hanggang kasukdulan, at iyon ay: “at ang lupa ay napuno ng karahasan.” Sa kasalukuyang wika, ang ibig sabihin ng “at ang lupa ay napuno ng karahasan” ay nasa kaguluhan ang lahat. Para sa tao, ang ibig sabihin nito ay walang kaayusan sa lahat ng kalakaran sa buhay, at ang mga bagay ay totoong magulo at mahirap pamahalaan. Sa mata ng Diyos, ang ibig sabihin ay masyadong tiwali ang mga tao sa mundo. Gaano katiwali? Tiwali hanggang sa antas na hindi na matiis ng Diyos na makita pa at hindi na mapagpasensyahan pa. Tiwali hanggang sa antas na nagpasya na ang Diyos na sirain ito. Noong naging buo na ang loob ng Diyos na sirain ang mundo, nagbalak Siyang maghanap ng taong gagawa ng isang daong. At pinili ng Diyos si Noe na gawin ang bagay na ito, na hayaang gawin ni Noe ang daong. Bakit si Noe? Sa mata ng Diyos, si Noe ay isang matuwid na tao, at kahit anong ipagawa ng Diyos sa kanya ay alinsunod niyang gagawin ito. Ang ibig sabihin ay gagawin niya ang anumang sabihin ng Diyos na gawin niya. Nais ng Diyos na makakita ng isang katulad nito upang makatrabaho Niya, upang tapusin ang Kanyang ipinagkatiwala, upang tapusin ang Kanyang gawain sa lupa. Noong panahong iyon, may iba pa bang tao bukod kay Noe na makatatapos ng ganoong gawain? Tiyak na wala! Si Noe lang ang tanging kandidato, ang nag-iisang taong maaaring tumapos sa ipinagkatiwala ng Diyos, kaya pinili siya ng Diyos. Ngunit ang saklaw at mga pamantayan ba ng Diyos para sa pagligtas ng mga tao noon ay katulad rin ngayon? Ang sagot ay walang pasubaling may pagkakaiba! Bakit ko tinatanong? Si Noe lamang ang tanging matuwid na tao sa mata ng Diyos noong panahong iyon, na ang ibig sabihin ay hindi matuwid ang kanyang mga anak at asawa, ngunit pinangalagaan pa rin ng Diyos ang mga taong ito dahil kay Noe. Hindi humiling ang Diyos sa kanila ng tulad ng paghiling Niya sa mga tao ngayon, at sa halip ay pinanatiling buhay lahat ang walong miyembro ng pamilya ni Noe. Natanggap nila ang pagpapala ng Diyos dahil sa pagiging matuwid ni Noe. Kung wala si Noe, wala sana sa kanila ang nakatapos sa ipinagkatiwala ng Diyos. Samakatuwid, si Noe lamang sana ang taong dapat nakaligtas mula sa pagkasira ng mundo noong panahong iyon, at ang iba ay mga nakinabang lamang. Ipinakikita nito na sa panahon bago opisyal na sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain sa pamamahala, ang mga panuntunan at pamantayang ginamit Niya sa mga tao at hiningi mula sa kanila ay medyo maluwag. Para sa mga tao sa kasalukuyan, ang paraan kung paano pinakitunguhan ng Diyos ang pamilya ni Noe na walong katao ay para bang hindi makatarungan. Ngunit kung ihahambing sa dami ng gawaing ginagawa Niya ngayon sa mga tao at sa dami ng Kanyang salitang ipinahahayag Niya, ang pakikitungo na ibinigay ng Diyos sa pamilya ni Noe na walong katao ay pawang panuntunan lamang ng gawain dala ng mga kalagayang nakapaligid sa Kanyang gawain sa panahong iyon. Kung paghahambingin, mas marami bang natanggap ang pamilya ni Noe na walong katao mula sa Diyos o ang mga tao sa kasalukuyan?
Ang pagtawag kay Noe ay isang simpleng bagay, ngunit ang pangunahing punto ng ating pinag-uusapan – ang katangian ng Diyos, ang Kanyang kolooban, at ang Kanyang diwa sa naitalang ito – ay hindi simple. Upang maunawaan ang ilang mga aspetong ito ng Diyos, dapat muna nating maunawaan ang uri ng taong nais tawagin ng Diyos, at sa pamamagitan nito, maunawaan ang Kanyang katangian, kalooban, at diwa. Napakahalaga nito. Kaya sa mata ng Diyos, ano kayang uri ng tao itong tao na tinatawag Niya? Ang taong ito ay dapat isang tao na nakikinig sa Kanyang mga salita, nakasusunod sa Kanyang mga tagubilin. Kasabay nito, dapat ang taong ito ay may pagpapahalaga rin sa pananagutan, isang tao na isasagawa ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagturing dito bilang pananagutan at tungkulin na nakatalagang tuparin nila. Kung ganoon, ang taong ito ba ay kinakailangang nakakakilala sa Diyos? Hindi. Noong panahong iyon, wala pang gaanong naririnig si Noe tungkol sa mga katuruan ng Diyos o naranasan ang kahit ano sa gawain ng Diyos. Samakatuwid, ang kaalaman ni Noe tungkol sa Diyos ay napakaliit. Bagamat nakatala rito na si Noe ay nabuhay nang kasama ang Diyos, nakita ba niya kailanman ang persona ng Diyos? Ang sagot ay tiyak na hindi! Dahil sa mga panahong iyon, tanging ang mga mensahero lamang ng Diyos ang pumupunta sa mga tao. Habang maaari nilang katawanin ang Diyos sa pagsasabi at paggawa ng mga bagay, ipinaaabot lamang nila ang kalooban ng Diyos at ang Kanyang mga layunin. Hindi ipinahayag sa tao nang harapan ang persona ng Diyos. Sa bahaging ito ng banal na kasulatan, ang tanging nakikita natin ay kung ano ang dapat gawin nitong tao na si Noe at kung ano ang mga tagubilin ng Diyos sa kanya. Kaya ano ang diwang ipinahayag ng Diyos dito? Ang lahat ng mga ginagawa ng Diyos ay naplano nang may katiyakan. Kapag nakakakita Siya ng isang bagay o sitwasyong nagaganap, may nakalaang pamantayan upang sukatin ito sa Kanyang mga mata, at ang pamantayang ito ang magsasabi kung magsasagawa Siya ng isang plano upang tugunan ito o kung paano harapin ang bagay at sitwasyong ito. Hindi malamig ang Kanyang loob o walang pakiramdam sa lahat ng bagay. Sa katunayan ito ay lubos na kabaliktaran. May bersikulo dito na sinabi ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng tao ay dumating sa harap ko; sapagka't ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila'y aking lilipuling kalakip ng lupa.” Sa mga salita ng Diyos dito, sinabi ba Niyang lilipulin lamang Niya ang mga tao? Hindi! Ang sabi ng Diyos ay lilipulin Niya ang lahat ng mga nabubuhay na laman. Bakit gusto ng Diyos ang panlilipol? May isa pang paghahayag ng katangian ng Diyos dito: sa mga mata ng Diyos, may hangganan ang Kanyang pasensiya sa kasamaan ng tao, sa karumihan, karahasan, at kasuwailan ng lahat ng laman. Ano ang Kanyang hangganan? Tulad ng sinabi ng Diyos: “At tiningnan ng Dios ang lupa, at, narito sumama; sapagka't pinasama ng lahat ng tao ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa.” Ano ang ibig sabihin ng pariralang “sapagka't pinasama ng lahat ng tao ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa”? Ito ay nangangahulugan na anumang nabubuhay, kasama na ang mga sumusunod sa Diyos, ang mga tumatawag sa pangalan ng Diyos, ang mga minsan ay naghandog ng mga sinunog na alay sa Diyos, ang mga nagsalita ng pagkilala sa Diyos at nagpuri pa sa Diyos – sa sandaling ang kanilang mga asal ay mapuno ng kasamaan at makaabot sa mga mata ng Diyos, kailangan Niyang lipulin sila. Iyan ang hangganan ng Diyos. Kaya hanggang saan nanatiling mapagpasensiya ang Diyos sa tao at sa kasamaan ng lahat ng laman? Hanggang sa lahat ng mga tao, maging mga sumusunod sa Diyos o hindi mananampalataya, ay hindi lumalakad sa tamang landas. Hanggang sa ang tao ay hindi lang bulok ang moralidad at puno ng kasamaan, ngunit wala na ring naniniwalang may Diyos, lalo nang wala ang naniniwala na ang mundo ay pinaghaharian ng Diyos at makapagdadala ang Diyos ng liwanag at ng tamang landas. Hanggang sa ang tao ay nasuklam sa pag-iral ng Diyos at hindi pinayagang umiral ang Diyos. Sa sandaling umabot sa puntong ito ang kasamaan ng tao, mawawalan na ng pasensiya ang Diyos. Ano ang papalit rito? Ang pagdating ng poot ng Diyos at parusa ng Diyos. Hindi ba isang bahagi iyon ng pahayag ng katangian ng Diyos? Sa panahong ito, mayroon pa bang matuwid na tao sa mata ng Diyos? Mayroon pa bang perpektong tao sa mata ng Diyos? Ito ba ay panahon kung saan ang asal ng lahat ng tao sa lupa ay masama sa mata ng Diyos? Sa araw at panahong ito, bukod doon sa mga gustong gawing ganap ng Diyos, iyong mga makakasunod sa Diyos at makakatanggap ng Kanyang kaligtasan, hindi ba hinahamon ng lahat ng taong laman ang hangganan ng pasensiya ng Diyos? Hindi ba puno ng karahasan ang lahat ng mga nangyayari sa tabi mo, ang mga nakikita ng mga mata mo, at naririnig ng mga tainga mo, at personal na nararanasan mo sa araw-araw sa mundong ito? Sa mata ng Diyos, hindi ba dapat na wakasan ang ganitong uri ng mundo, ang ganitong uri ng panahon? Bagamat ang kalagayan sa kasalukuyang panahon ay ibang-iba sa kalagayan noong panahon ni Noe, ang mga damdamin at poot ng Diyos para sa kasamaan ng tao ay nananatiling ganap na katulad noong panahong iyon. Nagagawang maging mapagpasensiya ang Diyos dahil sa Kanyang gawain, ngunit alinsunod sa lahat ng mga uri ng mga kalagayan at mga kundisyon, matagal na sanang dapat ginunaw ang mundong ito sa mata ng Diyos. Ang sitwasyon ay malayo at lampas na sa kung ano ang mundo noong ginunaw sa pamamagitan ng baha. Ngunit ano ang pagkakaiba? Ito rin ang bagay na pinakanagpapalungkot sa puso ng Diyos, at marahil isang bagay na wala sa inyo ang makapagpapahalaga.
Sa naitalang ito na kuwento ni Noe, may nakikita ba kayong bahagi ng katangian ng Diyos? May hangganan ang pagpapasensiya ng Diyos para sa kasamaan, karumihan at karahasan ng tao. Kapag umabot Siya sa hangganang iyon, hindi na siya magiging mapagpasensiya at sa halip ay sisimulan na ang Kanyang bagong pamamahala at bagong plano, sisimulan nang gawin ang dapat Niyang gawin, ipahahayag ang Kanyang mga gawa at ang kabilang bahagi ng Kanyang katangian. Ang pagkilos Niyang ito ay hindi upang ipakita na hindi Siya dapat saktan kailanman ng tao o ipakita na Siya ay puno ng kapangyarihan at poot, at hindi upang ipakita na kaya Niyang lipulin ang sangkatauhan. Ito ay dahil ang Kanyang katangian at ang Kanyang banal na diwa ay hindi na pinahihintulutan, ubos na ang pasensiya para sa ganitong uri ng sangkatauhan na mabuhay sa Kanyang harapan, mabuhay sa ilalim ng Kanyang kapangyarihan. Ang ibig sabihin, kapag ang buong sangkatauhan ay laban sa Kanya, kapag wala Siyang maaaring iligtas sa buong mundo, wala na Siyang pasensiya para sa ganitong uri ng sangkatauhan, at isasagawa nang walang anumang pag-aalinlangan ang Kanyang plano – ang lipulin ang ganitong uri ng sangkatauhan. Ang ganitong kilos ng Diyos ay itinakda ng Kanyang katangian. Ito ay isang hindi maiiwasang kahihinatnan, at isang kahihinatnan na dapat tiisin ng bawat nilikha sa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos. Hindi ba nito ipinakikita na sa kasalukuyang panahon, hindi na mahintay ng Diyos na makumpleto ang Kanyang plano at iligtas ang mga taong nais Niyang iligtas? Sa ilalim ng mga kalagayang ito, ano ang pinakamahalaga sa Diyos? Hindi kung paanong ang mga hindi sumusunod sa Kanya o ang mga lumalaban sa Kanya ay pagbantaan Siya, labanan Siya, o kung paano manirang-puri ang mga tao laban sa Kanya. Ang mahalaga lamang sa Kanya ay kung ang mga sumusunod sa Kanya, ang mga kinauukulan ng Kanyang kaligtasan sa Kanyang plano ng pamamahala, ay nagawa na Niyang ganap, kung nakamit ba nila ang ikasisiya Niya. Para sa mga tao na bukod sa mga sumusunod sa Kanya, naglalaan lamang Siya paminsan-minsan ng kaunting kaparusahan upang ipahiwatig ang Kanyang poot. Halimbawa: mga sunami, mga lindol, mga pagputok ng bulkan, at iba pa. Kasabay nito, malakas din Niyang ipinagtatanggol at inaalagaan ang mga sumusunod sa Kanya at mga malapit na Niyang iligtas. Ang katangian ng Diyos ay ito: sa isang dako, maaari Niyang bigyan ang mga taong balak Niyang gawing ganap ng kasukdulang pagpapasensiya at pagpaparaya, at hintayin sila hanggang sa posibleng makakaya Niya; sa kabilang dako, matindi Siyang nagagalit at nasusuklam sa angkan ni Satanas na hindi sumusunod sa Kanya at lumalaban sa Kanya. Bagamat wala Siyang pakialam kung itong angkan ni Satanas ay sumunod sa Kanya o sumasamba sa Kanya, kinamumuhian Niya pa rin sila habang pinagpapasensiyahan sila ng Kanyang puso, at sa Kanyang pagtatakda ng katapusan nitong angkan ni Satanas, hinihintay rin Niya ang pagdating ng mga hakbang ng Kanyang plano sa pamamahala.
Tingnan natin ang susunod na pahayag.
2. Ang Pagpapala ng Diyos kay Noe Matapos ang Baha
(Gen 9:1-6) At binasbasan ng Dios si Noe at ang kaniyang mga anak, at sa kanila'y sinabi, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami at inyong kalatan ang lupa. At ang takot sa inyo at sindak sa inyo ay mapapasa bawa't hayop sa lupa, at sa bawa't ibon sa himpapawid; lahat ng umuusad sa lupa, at lahat ng isda sa dagat, ay ibinibigay sa inyong kamay. Bawa't gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; gaya ng mga sariwang pananim na lahat ay ibinibigay ko sa inyo. Nguni't ang lamang may buhay, na siya niyang dugo, ay huwag ninyong kakanin. At tunay na hihingan ko ng sulit ang inyong dugo, ang dugo ng inyong mga buhay: sa kamay ng bawa't ganid ay hihingan ko ng sulit; at sa kamay ng tao, sa kamay ng bawa't kapatid ng tao ay hihingan ko ng sulit ang buhay ng tao. Ang magbubo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay mabububo ang kaniyang dugo: sapagka't sa larawan ng Dios nilalang ang tao.
Ano ang nakikita mo mula sa pahayag na ito? Bakit ko napili ang mga bersikulong ito? Bakit hindi ako kumuha ng hango sa buhay ni Noe at ng kanyang pamilya sa loob ng daong? Dahil ang impormasyong iyon ay walang gaanong kaugnayan sa paksang pag-uusapan natin sa araw na ito. Ang ating bibigyang-pansin ay ang katangian ng Diyos. Kung nais mong malaman ang tungkol sa mga detalyeng iyon, maaari ninyong kunin ang Bibliya at basahin nang inyong sarili. Hindi natin ito pag-uusapan dito. Ang pangunahing bagay na pag-uusapan natin sa araw na ito ay tungkol sa kung paano malalaman ang mga pagkilos ng Diyos.
Matapos tanggapin ni Noe ang mga tagubilin ng Diyos at gawin ang daong at mabuhay sa pagdaan ng mga araw na gumamit ang Diyos ng baha upang gunawin ang mundo, nakaligtas ang kanyang pamilyang walong katao. Bukod sa pamilya ni Noe na walong katao, ang lahat ng sangkatauhan ay nalipol, at ang lahat ng mga nabubuhay sa daigdig ay nalipol. Kay Noe, binigyan siya ng Diyos ng mga pagpapala, at may mga sinabi sa kanya at sa kanyang mga anak na lalaki. Ang mga bagay na ito ang ibinigay ng Diyos sa kanya at mga pagpapala rin ng Diyos sa kanya. Ito ang pagpapala at pangakong ibinigay ng Diyos sa isang taong makapakikinig sa Kanya at makatatanggap ng Kanyang mga tagubilin, at ang paraan rin kung paano nagpapabuya ang Diyos sa mga tao. Ang ibig sabihin, kung si Noe man ay isang perpektong tao o isang matuwid na tao sa mata ng Diyos, at gaano man karami ang kaalaman niya tungkol sa Diyos, sa madaling salita, si Noe at ang kanyang tatlong anak na lalaki ay nakinig lahat sa mga salita ng Diyos, nakipagtulungan sa gawain ng Diyos, at ginawa ang dapat nilang gawin alinsunod sa mga tagubilin ng Diyos. Ang bunga nito, natulungan nila ang Diyos sa pagpanatili ng mga tao at iba’t-ibang mga nabubuhay na bagay matapos ang pagkagunaw ng mundo sa pamamagitan ng baha, at sa gayun ay nakapag-ambag nang malaki sa susunod na hakbang ng plano sa pamamahala ng Diyos. Dahil sa lahat ng kanyang nagawa, pinagpala siya ng Diyos. Marahil para sa mga tao sa kasalukuyan, ang ginawa ni Noe ay ni hindi karapat-dapat banggitin. Baka iniisip pa ng ilan: Walang ginawa si Noe; nakapagpasiya na ang Diyos na pangalagaan siya, kaya tiyak na mapapangalagaan siya. Ang kanyang pagkaligtas ay hindi sa kanyang kapurihan. Ito ang gusto ng Diyos na mangyari, dahil ang tao ay walang-kibo. Ngunit hindi ito ang iniisip ng Diyos. Para sa Diyos, kung ang tao man ay dakila o hamak, basta’t makikinig sila sa Kanya, makasusunod sa Kanyang mga tagubilin at sa Kanyang mga ipinagkakatiwala, at maaaring makipagtulungan sa Kanyang gawain, sa Kanyang kalooban, at sa Kanyang plano, upang matupad ng maayos ang Kanyang kalooban at ang Kanyang plano, ang asal na iyon ay karapat-dapat para sa Kanyang pagkilala at karapat-dapat na makatanggap ng Kanyang pagpapala. Pinahahalagahan ng Diyos ang ganitong mga tao, at tinatangi ang kanilang mga gawa at ang kanilang pag-ibig at paggiliw para sa Kanya. Ito ang saloobin ng Diyos. Kaya bakit pinagpala ng Diyos si Noe? Dahil ganito pakitunguhan ng Diyos ang mga ganoong paggawa at pagsunod ng tao.
Tungkol sa pagpapala ng Diyos kay Noe, sasabihin ng ilan: “Kung ang tao ay makikinig sa Diyos at bibigyang-saya ang Diyos, kung gayon nararap na pagpalain ng Diyos ang tao. Di ba’t hindi na kailangang banggitin yan?” Maaari ba nating sabihin iyan? Sabi ng ilang tao: “Hindi.” Bakit hindi natin maaaring sabihin iyan? Sabi ng ilang tao: “Ang tao ay hindi karapat-dapat magtamasa ng pagpapala ng Diyos.” Hindi ito lubusang tama. Dahil kapag ang isang tao ay tumanggap ng mga ipinagkakatiwala ng Diyos, may pamantayan ang Diyos sa paghusga kung ang mga pagkilos ng isang tao ay mabuti o masama at kung ang taong iyan ay sumunod, at kung ang taong iyan ay nakatupad sa kalooban ng Diyos at kung ang kanilang ginagawa ay pasado. Ang mahalaga sa Diyos ay ang puso ng tao, hindi ang panlabas nilang mga ginagawa. Hindi ito isang kaso na dapat pagpalain ng Diyos ang isang tao basta gumagawa sila, hindi alintana kung paano man sila gumawa. Ito ang maling pagka-unawa ng tao sa Diyos. Hindi lamang tumitingin ang Diyos sa huling resulta ng mga bagay, ngunit mas nagbibigay-diin sa kung ano ang kalagayan ng puso ng tao at kung ano ang saloobin ng tao sa pagpapatuloy ng mga bagay, at nakatingin kung may pagsunod, pagsasaalang-alang, at kagustuhang magbigay-saya sa Diyos sa kanilang puso. Gaano karami ang kaalaman ni Noe tungkol sa Diyos noong panahong iyon? Kasing-dami ba ng mga doktrinang alam na ninyo ngayon? Sa mga aspeto ng katotohanan tulad ng mga konsepto at kaalaman sa Diyos, nakatanggap ba siya ng kasing-daming pagpapainom at pagpapastol tulad ninyo? Hindi! Ngunit may isang katunayang hindi maikakaila: Sa mga kamalayan, mga isipan, at kahit sa kailaliman ng mga puso ng mga tao sa kasalukuyan, ang kanilang mga konsepto at saloobin sa Diyos ay malabo at di-tiyak. Maaari mo pa ngang sabihin na may mga taong negatibo ang saloobin tungkol sa pag-iral ng Diyos. Ngunit sa puso ni Noe at sa kanyang kamalayan, ang pag-iral ng Diyos ay ganap at walang alinlangan, at kaya ang kanyang pagsunod sa Diyos ay walang halo at kayang tumayo sa pagsubok. Ang kanyang puso ay malinis at bukas sa Diyos. Hindi niya kailangan ng masyadong maraming kaalaman sa mga doktrina upang makumbinsi ang sariling sumunod sa bawat salita ng Diyos, ni hindi rin niya kailangan ng maraming katunayan upang patunayan ang pag-iral ng Diyos, upang matanggap niya kung ano ang ipinagkatiwala ng Diyos at makayang gawin ang anumang ipinagagawa sa kanya ng Diyos. Ito ang mahalagang pagkakaiba ni Noe at ng mga tao sa kasalukuyan, at ito rin ang tiyak na tunay na kahulugan ng kung ano ang isang perpektong tao sa mata ng Diyos. Ang nais ng Diyos ay mga taong tulad ni Noe. Siya ang uri ng taong pinupuri ng Diyos, at tiyak rin na uri ng taong pinagpapala ng Diyos. May natanggap ba kayong anumang kaliwanagan mula rito? Ang mga tao ay tumitingin sa mga tao mula sa labas, samantalang ang tinitingnan ng Diyos ay ang mga puso ng mga tao at ang kanilang diwa. Hindi pinapayagan ng Diyos ang sinumang magkaroon ng anumang pagkakahati ng puso o alinlangan tungo sa Kanya, ni hindi rin Niya pinapayagan ang mga taong maghinala o subukin Siya sa anumang paraan. Kaya kahit na ang mga tao sa kasalukuyan ay harap-harapan sa salita ng Diyos, o maaari mo pang sabihing harap-harapan sa Diyos, dahil sa anumang bagay na nasa kailaliman ng kanilang mga puso, ang pag-iral ng kanilang masamang diwa, at ang kanilang mapanlaban na saloobin sa Kanya, sila ay nahahadlangan sa kanilang tunay na paniniwala sa Diyos, at nahaharangan sa kanilang pagsunod sa Kanya. Dahil dito, napakahirap para sa kanilang maabot ang pagpapalang tulad ng ipinagkaloob ng Diyos kay Noe.
Mula sa: Ang Salita'y Nagpakita sa Katawang-tao
Ang pinagmulan: "Ang Gawain ng Diyos, Ang Katangian ng Diyos, at Ang Diyos Mismo I(3)"
Rekomendasyon: Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay itinatag ng personal na bumalik na Panginoong Jesus sa mga huling araw
Pagsaliksik sa Kidlat ng Silanganan
Bakit pinalalaganap ng mga Kristiano ang Ebanghelyo ?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento