Ang Makapangyarihang Diyos ay ang pangalawang pagdating ng Panginoon Jesus. Pakikinig sa Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos, Pagkilala sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Tinatanggap natin ang lahat ng naghahanap ng katotohanan na pumarito at maghanap.

Talaan2

2017-04-23

Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos - Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

buhay, Cristo, Diyos, Iglesia, katotohanan,

Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos - Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II


Ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos

Ngayong narinig ninyo sa nakaraang pagbabahagi ang tungkol sa awtoridad ng Diyos, nakatitiyak Ako na nasangkapan na kayo ng sapat na mga salita sa bagay na ito. Gaano man ang kaya ninyong tanggapin, tarukin at unawain ay lahat depende sa kung gaanong pagsisikap ang ibubuhos ninyo dito. Umaasa Ako na buong sikap ninyong maaabot ang bagay na ito; huwag kayong makitungo dito nang hindi bukal sa puso kahit sa anong paraan! Ngayon, ang pagkilala ba sa awtoridad ng Diyos ay katumbas ng pagkilala sa kabuuan ng Diyos? Maaaring masabi ng isang tao na ang pagkilala sa awtoridad ng Diyos ay ang simula ng pagkilala sa natatanging Diyos Mismo, at masasabi rin ng iba na ang pagkilala sa awtoridad ng Diyos ay nangangahulugang nakatapak na ang isang tao sa pintuan ng pagkakilala sa diwa ng natatanging Diyos Mismo. Ang pag-unawang ito ay isang bahagi ng pagkilala sa Diyos. Ano ang iba pang bahagi, kung gayon? Ito ang paksa na nais Kong ibahagi ngayon–ang matuwid na disposisyon ng Diyos.

Pumili Ako ng dalawang bahagi mula sa Biblia kung saan ibabahagi ang tungkol sa paksa ngayon: Ang unang tatalakayin ay ang pagwasak ng Diyos sa Sodoma, na matatagpuan sa Genesis 19:1–11 at sa Genesis 19:24–25; ang pangalawang tatalakayin ay tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa Ninive, na matatagpuan sa Jonas 1:1–2, bilang karagdagan sa pangatlo at pang-apat na kabanata ng aklat na ito. Umaasa Ako na naghihintay na kayong lahat na marinig ang Aking sasabihin tungkol sa dalawang bahaging ito. Ang Aking natural na sasabihin ay hindi mawawalay sa tema ng pagkilala sa Diyos Mismo at pagkilala sa Kanyang diwa, ngunit ano ang magiging pagtuon ng pagbabahagi ngayon? May nakakaalam ba sa inyo? Anong mga bahagi ng Aking pagbabahagi tungkol sa “Awtoridad ng Diyos” ang nakapukaw ng inyong pansin? Bakit nasabi Ko na ang Isa ang tanging nagtataglay ng gayong awtoridad at kapangyarihan ay ang Diyos Mismo? Ano ang nais Kong ipaliwanag nang sabihin iyon? Ano ang nais Kong ipaalam sa inyo? Ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ba ay isang bahagi ng kung paano ipinamamalas ang Kanyang diwa? Bahagi ba ang mga ito ng Kanyang diwa na nagpapatunay ng Kanyang pagkakakilanlan at katayuan? Nasabi ba sa inyo ng mga katanungang ito ang nais Kong sabihin? Ano ang nais Kong maunawaan ninyo? Pag-isipan ito nang mabuti.

Dahil sa Pagmamatigas na Paglaban sa Diyos, Winasak ang Tao sa Pamamagitan ng Poot ng Diyos
Una, tingnan natin ang ilang sipi sa kasulatan na naglalarawan sa “Pagwasak ng Diyos sa Sodoma.”

Gen 19:1–11 At nagsidating ang dalawang anghel sa Sodoma, nang nagtatakip silim; at si Lot ay nakaupo sa pintuang-bayan ng Sodoma: at sila’y nakita ni Lot, at nagtindig upang salubungin sila; at iniyukod ang mukha sa lupa; At nagsabi, Ngayon nga mga panginoon ko, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo’y magsiliko at magsipasok sa bahay ng inyong lingkod, at kayo’y matira sa buong magdamag, at maghugas ng inyong mga paa, at sa madaling araw ay magsipagbangon kayo at magpatuloy ng inyong paglakad. At kanilang sinabi, Hindi, kundi sa langsangan mananahan kami sa buong magdamag. At kaniyang pinakapilit sila; at sila’y nagsiliko, at nagsipasok sa kaniyang bahay; at sila’y kaniyang pinaghandaan, at ipinagluto ng mga tinapay na walang levadura, at nagsikain. Datapuwa’t bago nagsihiga, ang bahay ay kinulong ng mga tao sa bayan sa makatuwid baga’y ng mga tao sa Sodoma, na mga binata at gayon din ng mga matanda ng buong bayan sa buong palibot; At kanilang tinawagan si Lot, at sinabi sa kaniya, Saan nangaroon ang mga lalaking dumating sa iyo ng gabing ito? ilabas mo sila sa amin upang kilalanin namin sila. At nilabas sila ni Lot sa pintuan, at isinara ang pinto sa likuran niya. At sinabi niya, Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid ko, na huwag kayong gumawa ng ganiyang kasamaan. Narito, ngayon, may dalawa akong anak na babae, na hindi nakakilala ng lalake; ipinamamanhik ko sa inyo, na sila’y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang magalingin ninyo sa inyong paningin: huwag lamang ninyong gawan ng anoman ang mga lalaking ito; yamang sila’y nangasa silong ng aking bubungan. At sinabi nila, Umurong ka! At sinabi pa nila, Ang taong ito’y naparito upang makipamayan, at ibig niyang maging hukom: ngayon nga’y gagawan ka namin ng lalong masama kay sa kanila. At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan. Datapuwa’t iniunat ng mga lalake ang kanilang kamay at binatak si Lot sa loob ng bahay at kanilang sinarhan ang pintuan. At ang mga taong nangasa pintuan ng bahay ay mga pinagbulag nila, ang munti’t malaki: ano pa’t sila’y nangayamot sa paghahanap ng pintuan.

Gen 19:24–25 Nang magkagayo’y nagpaulan si Jehova sa Sodoma at Gomorra ng azufre at apoy mula kay Jehova na buhat sa langit; At ginunaw Niya ang mga bayang yaon, at ang buong Kapatagan at ang lahat ng nangananahan sa mga bayang yaon, at ang tumutubo sa lupang yaon.

Mula sa mga siping ito, hindi mahirap na makita na ang kasalanan at katiwalian ng Sodoma ay umabot na sa kalagayang kasuklam-suklam sa parehong tao at Diyos, at sa mga mata ng Diyos, nararapat lamang kung gayon na gunawin ang lungsod. Ngunit ano ang nangyari sa loob ng lungsod, bago ito wasakin? Ano ang maaaring matutuhan ng mga tao mula sa mga pangyayaring ito? Ano ang ipinakikitang damdamin ng Diyos sa mga pangyayaring ito sa mga tao tungkol sa Kanyang disposisyon? Upang maunawaan ang buong kuwento, maingat nating basahin ang nakatala sa Kasulatan…

Katiwalian ng Sodoma: Nagpapasiklab ng Galit sa Tao, Nagdudulot ng Pagkapoot sa Diyos

Nang gabing iyon, tinanggap ni Lot ang dalawang sugo mula sa Diyos at ipinaghanda sila ng makakain. Pagkatapos maghapunan, bago sila matulog, pinalibutan ng mga tao mula sa buong lungsod ang tirahan ni Lot at tinawag nang pasigaw si Lot. Ang sigaw nila ayon sa Kasulatan, “Saan nangaroon ang mga lalaking dumating sa iyo ng gabing ito? ilabas mo sila sa amin upang kilalanin namin sila.” Sino ang nagsabi ng mga salitang ito? Para kanino ang sinabing ito? Ito ang sinabi ng mga tao ng Sodoma, na nagsisigaw sa labas ng bahay ni Lot, at ito ay para kay Lot. Ano kaya ang mararamdaman kapag narinig ang ganitong mga salita? Galit ka ba? Nakakasakit ba ang mga salitang ito sa iyo? Nagpupuyos ka ba sa galit? Hindi kaya pahiwatig kay Satanas ang mga salitang ito? Sa pamamagitan nito, mararamdaman mo ba ang kasamaan at kadiliman sa lungsod na ito? Sa kanilang mga salita, mararamdaman mo ba ang kalupitan at kabangisan sa pag-uugali ng mga taong ito? Mararamdaman mo ba ang malala nilang katiwalian sa kanilang ikinikilos? Sa pamamagitan ng nilalaman ng kanilang sinabi, hindi mahirap makita na ang kanilang napakasamang kalikasan at malupit na disposisyon ay nakaabot na sa antas na hindi na makontrol ng kanilang sarili. Bukod kay Lot, lahat ng tao sa lungsod na ito ay walang pagkakaiba kay Satanas; ang makita lamang ang ibang tao ay umudyok na sa mga tao na saktan at lipulin sila…. Ang mga bagay na ito ay hindi lamang nakapagbibigay sa isang tao ng pakiramdam sa nakakatakot at nakakasindak na kalikasan ng lungsod, kundi pati ang anino ng kamatayan sa paligid nito; nagpapahiwatig din ang mga ito ng kasamaan at pagkauhaw sa dugo.

Habang natagpuan niya ang kanyang sarili kaharap ng grupo ng masasamang-loob, mga taong punong-puno ng karumal-dumal na mithiin, paano tumugon si Lot? Ayon sa Kasulatan: “Ipinamamanhik ko sa inyo, huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan. Narito, ngayon, may dalawa akong anak na babae, na hindi nakakilala ng lalake; ipinamamanhik ko sa inyo, na sila’y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang magalingin ninyo sa inyong paningin: huwag lamang ninyong gawan ng anoman ang mga lalaking ito; yamang sila’y nangasa silong ng aking bubungan.” Ang ibig sabihin ni Lot sa kanyang mga salita ay ang sumusunod: Handa niyang ibigay ang kanyang dalawang anak na babae sa mga tao upang pag-ingatan ang mga sugo. Wala sa katwiran, dapat sana’y pumayag na ang mga tao sa mga kundisyon ni Lot at iniwan na ang dalawang sugo; lalo pa nga, hindi naman talaga nila kilala ang mga sugo, at tuwirang walang kinalaman sa kanila; hindi naman nasaktan ng dalawang sugong ito ang kanilang mga kawilihan. Ngunit dahil sa udyok ng kanilang napakasamang kalikasan, hindi nila iniwan ang bagay na ito. Sa halip, pinatindi lamang nila ang kanilang pagnanais. Ito pa ang isa nilang pag-uusap na walang pag-aalinlangan na makapagpapalinaw sa tunay na masamang kalikasan ng mga taong ito; gayundin naman, dito malalaman at mauunawaan ng tao ang dahilan kung bakit nais ng Diyos na gunawin ang lungsod na ito.

Kaya ano ang sumunod nilang sinabi? Ang sabi sa Biblia: “At sinabi nila, Umurong ka! At sinabi pa nila, Ang taong ito’y naparito upang makipamayan, at ibig niyang maging hukom: ngayon nga’y gagawan ka namin ng lalong masama kay sa kanila. At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan.” Bakit nais nilang sirain ang pinto? Ang dahilan ay masyadong nasasabik lamang silang saktan ang dalawang sugong iyon. Ano ang ginagawa ng mga sugong ito sa Sodoma? Ang layunin nila sa pagpunta doon ay upang sagipin si Lot at ang kanyang pamilya; ngunit nagkamali ang mga tao ng lungsod nang isipin na dumating sila upang gumanap ng mga opisyal na tungkulin. Dahil hindi nila tinanong ang kanilang pakay, tanging haka-haka ang dahilan kaya gustong saktan ng mga tao ang dalawang sugo; nais nilang saktan ang dalawang tao na wala namang kinalaman sa kanila. Maliwanag na nawala nang lubusan ng mga mamamayan ng lungsod na ito ang kanilang pagkatao at katuwiran. Ang antas ng kanilang kabaliwan at pagkamabagsik ay wala nang ipinagkaiba sa masamang kalikasan ni Satanas na nananakit at lumilipol sa mga tao.

Nang hilingin nila ang mga taong ito kay Lot, ano ang ginawa ni Lot? Mula sa mga talata, alam nating hindi sila ibinigay ni Lot. Kilala ba ni Lot ang dalawang sugong ito ng Diyos? Siyempre hindi! Ngunit bakit niya nagawang iligtas ang dalawang taong ito? Alam ba niya kung ano ang kanilang gagawin kaya sila dumating? Bagaman hindi niya alam ang dahilan ng kanilang pagdating, alam niya na sila ay mga lingkod ng Diyos, kaya tinanggap niya sila. Ang kanyang pagtawag sa mga lingkod ng Diyos na mga panginoon ay karaniwang nagpapakita na isang tagasunod ng Diyos si Lot, hindi katulad ng ibang nasa loob ng Sodoma. Kaya, nang dumating sa kanya ang mga sugo ng Diyos, inilagay niya sa panganib ang kanyang sariling buhay upang tanggapin ang dalawang lingkod na ito; at dagdag pa, ipinagpalit niya ang kanyang dalawang anak na babae upang ingatan itong dalawang lingkod. Ito ang matuwid na gawa ni Lot; ito rin ang nakikitang pagpapahayag ng kalikasan at diwa ni Lot, at ito rin ang dahilan kaya isinugo ng Diyos ang Kanyang mga lingkod upang iligtas si Lot. Nang maharap sa panganib, iningatan ni Lot ang dalawang lingkod na ito na walang ibang inaalala; tinangka pa niyang ipagpalit ang kanyang dalawang anak na babae para sa kaligtasan ng mga lingkod. Bukod kay Lot, mayroon pa kayang ibang tao sa lungsod na kayang gawin ang ganito? Tulad ng pinatunayan ng pangyayari–wala! Kaya, sinabi na ang bawat isa sa loob ng Sodoma, bukod kay Lot, ang layon ng pagkawasak at gayundin ang layon na karapat-dapat sa pagwasak.

Winasak ang Sodoma Dahil Napoot ang Diyos

Nang makita ng mga taga-Sodoma ang dalawang lingkod na ito, hindi nila itinanong kung ano ang kanilang dahilan sa pagdating, ni may isa man lang na nagtanong kung dumating ba sila upang ipalaganap ang kalooban ng Diyos. Sa kabaligtaran, bumuo sila ng isang malaking pangkat ng mga tao at, kahit walang anumang paliwanag, dumating sila para dakpin ang dalawang lingkod na ito na gaya ng mga asong gubat o mababangis na mga lobo. Pinagmasdan ba ng Diyos ang mga bagay na ito habang nangyayari? Ano kaya ang iniisip ng Diyos sa Kanyang puso sa uri ng pag-uugaling ito ng tao, sa bagay na ito? Nagpasya ang Diyos na wasakin na ang lungsod na ito; hindi na Siya mag-aatubili o maghihintay pa, ni magpapakita pa ng pagtitiyaga. Dumating na ang Kanyang araw, at inihanda na Niya ang gawaing nais Niyang gawin. Kaya, ang sabi sa Genesis 19:24–25, “Nang magkagayo’y nagpaulan si Jehova sa Sodoma at Gomorra ng azufre at apoy mula kay Jehova na buhat sa langit; At ginunaw Niya ang mga bayang yaon, at ang buong Kapatagan at ang lahat ng nangananahan sa mga bayang yaon, at ang tumutubo sa lupang yaon.” Sinasabi ng dalawang bersikulong ito sa mga tao ang paraan ng pagwasak ng Diyos sa lungsod na ito; gayundin sinasabi sa mga tao kung ano ang winasak ng Diyos. Una, isinasaad sa Biblia na sinunog ng Diyos ang lungsod sa pamamagitan ng apoy, at ang lawak nito ay sapat na upang malipol ang lahat ng tao at nabubuhay sa lupa. Ibig sabihin, hindi lamang winasak ng apoy na nagmula sa langit ang lungsod; sinira din nito ang lahat ng tao at lahat ng nabubuhay na bagay sa loob nito, na walang anumang naiwan kahit isang bakas. Pagkatapos masunog ang lungsod, sa lugar ay walang makitang buhay na mga bagay. Wala nang may buhay ni anumang palatandaan nito. Ang lungsod ay naging kaparangan, isang lugar na walang laman at puspos ng nakabibinging katahimikan. Wala nang anumang masasamang gawa na laban sa Diyos sa lugar na ito; wala nang mangyayaring patayan o pagdanak ng dugo.

Bakit nais ng Diyos na sunugin ang lungsod na ito nang lubusan? Ano ang makikita ninyo dito? Matitiis bang panoorin ng Diyos ang sangkatauhan at ang kalikasan, na Kanyang sariling nilikha, na mawasak na katulad nito? Kung makakaya mong maunawaan ang galit ng Diyos na si Jehova mula sa apoy na bumaba mula sa langit, kung gayon, hindi mahirap na makita ang antas ng Kanyang galit mula sa layon ng Kanyang pagwasak, gayundin sa antas ng pagkawasak sa lungsod na ito. Kapag kinasuklaman ng Diyos ang isang lungsod, ibibigay Niya dito ang Kanyang kaparusahan. Kapag nainis ang Diyos sa isang lungsod, padadalhan Niya ito ng paulit-ulit na babala ng Kanyang galit sa mga tao. Ngunit kapag nagpasya ang Diyos na wakasan na at wasakin ang isang lungsod–iyon ay, kapag nasaktan na ang Kanyang poot at kamahalan–hindi na Siya magsasabi pa ng anumang mga kaparusahan o mga babala. Sa halip, tuluyan na Niya itong wawasakin. Lubusan na Niya itong paglalahuin. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos.

Matapos ang Paulit-ulit na Pagtanggi at Pagsuway ng Sodoma sa Kanya, Nilipol na ito ng Diyos nang Lubusan

Sa sandaling magkaroon tayo ng pagkalahatang pang-unawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos, maibabalik natin ang ating pansin sa lungsod ng Sodoma–ang nakita ng Diyos bilang isang lungsod ng kasalanan. Sa pag-unawa sa kalagayan ng lungsod na ito, maiintindihan natin kung bakit nais ng Diyos na wasakin ito at bakit winasak Niya ito nang lubusan. Mula dito, maaari na nating malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos.

Mula sa pananaw ng isang tao, ang Sodoma ay isang lungsod na makakapagbigay ng ganap na kasiyahan sa pagnanasa at kasamaan ng tao. Nakatutukso at nakabibighani, may kasamang tugtugan at sayawan gabi-gabi, ang karangyaan nito ang nagtulak sa mga tao sa pagkabighani at kahibangan. Kinain ng kasamaan ang puso ng mga tao at inakit sila sa pagkabulok. Ito ang lungsod na kung saan ang marurumi at masasamang espiritu ay naghuhuramentado; punong-puno ito ng kasalanan at pagpatay at nangangamoy dugo at pagkabulok. Isa itong lungsod na pinalamig ang mga tao hanggang buto, isang lungsod na iiwasan ng isang tao. Wala kahit isa sa lungsod na ito–mapalalaki man o babae, bata man o matanda–ang naghanap ng tunay na daan; walang nagnais sa liwanag o naghangad na lumayo mula sa kasalanan. Nabuhay sila sa pagkontrol, pagtitiwali at pandaraya ni Satanas. Nawala na ang kanilang pagkatao; nawala nila ang kanilang mga katinuan, at pati na ang orihinal na layunin ng tao sa pag-iral. Nakagawa sila ng hindi mabilang na mga kasalanan ng pagtanggi laban sa Diyos; tinanggihan nila ang Kanyang paggabay at kinalaban ang Kanyang kalooban. Ang kanilang masasamang gawa ang nagtulak sa mga taong ito, sa buong lungsod at sa bawat nabubuhay dito, unti-unti, patungo sa daan ng pagkawasak.

Bagaman hindi nakasulat sa dalawang siping ito ang mga detalye na naglalarawan sa lawak ng katiwalian ng mga mamamayan ng Sodoma, at sa halip ay itinala ang kanilang pakikitungo sa dalawang lingkod ng Diyos matapos na sila ay dumating sa lungsod, ang isang simpleng katotohanan ay maaaring ibunyag ang lawak na kung saan ang mga tao sa Sodoma ay mga tiwali, masasama at lumalaban sa Diyos. Dahil dito, ang tunay na mukha at kalooban ng mga mamamayan ng lungsod ay nahayag din. Hindi lamang sa hindi nila tinanggap ang mga babala ng Diyos, hindi rin sila takot sa Kanyang kaparusahan. Sa kabaligtaran, kinasuklaman nila ang galit ng Diyos. Walang taros na nilabanan nila ang Diyos. Walang halaga kung ano ang ginawa Niya o paano Niya ito ginawa, lalo lamang lumala ang kanilang masamang kalikasan, at paulit-ulit nilang nilabanan ang Diyos. Ang mga taga-Sodoma ay galit sa pag-iral ng Diyos, sa Kanyang pagdating, sa Kanyang kaparusahan, at lalo na sa Kanyang mga babala. Wala silang nakitang mahalaga sa kanilang paligid. Sinisila at sinasaktan nila ang lahat ng taong kaya nilang silain at saktan, at gayundin ang kanilang pagtrato sa mga lingkod ng Diyos. Tungkol sa kabuuan ng masasamang gawa na ginawa ng mga taga-Sodoma, ang pananakit sa mga lingkod ng Diyos ay maliit na bahagi lamang, at ang kanilang masamang kalikasan na inihayag nito ay katulad lamang ng isang maliit na patak sa malawak na dagat. Kaya, pinili ng Diyos na wasakin sila sa pamamagitan ng apoy. Hindi gumamit ang Diyos ng baha, ni hindi Siya gumamit ng bagyo, lindol, dambuhalang mga alon, o iba pang paraan upang wasakin ang lungsod. Ano ang kahulugan ng paggamit ng Diyos ng apoy upang wasakin ang lungsod na ito? Ang ibig sabihin nito ay ganap na nawasak ang lungsod; ibig sabihin ay ganap na naglaho ang lungsod sa ibabaw ng lupa at mula sa pag-iral nito. Dito, ang “pagwasak” ay hindi lamang tumutukoy sa pagkawala ng anyo at istruktura o panlabas na anyo ng lungsod; nangangahulugan din ito na ang mga kaluluwa ng mga taong nasa loob ng lungsod ay huminto nang mabuhay, at lubos nang nalipol. Sa madaling sabi, lahat ng tao, mga pangyayari at mga bagay na nakaugnay sa lungsod ay nawasak na. Wala nang kasunod na buhay o muling pagkakatawang-tao para sa kanila; nilipol na sila ng Diyos mula sa sangkatauhan, sa Kanyang nilalang, minsan at magpakailanman. Ang “paggamit ng apoy” ay nagpapahiwatig ng pagpigil sa kasalanan, at nangangahulugan ito ng katapusan ng kasalanan; titigil na sa pag-iral at pagkalat ang kasalanang ito. Nangangahulugan ito na ang kasamaan ni Satanas ay nawala na sa mataba nitong lupa gayundin ang libingan na pumayag na magkaroon ng lugar na tirahan at panirahan ito. Sa digmaan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, ang paggamit ng Diyos ng apoy ay tatak ng Kanyang pagtatagumpay kung saan namarkahan si Satanas. Ang pagkawasak ng Sodoma ay isang malaking maling hakbang sa mithiin ni Satanas na kalabanin ang Diyos sa pamamagitan ng pagtitiwali at pag-ubos sa mga tao, at isa rin itong nakahihiyang tanda ng panahon sa pag-unlad ng sangkatauhan nang tanggihan ng tao ang patnubay ng Diyos at pinabayaan ang sarili niya sa bisyo. Bukod pa rito, isa itong talaan ng tunay na pahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos.

Nang tinupok ng apoy na ipinadala ng Diyos mula sa langit ang Sodoma hanggang sa maging abo, nangangahulugan ito na ang lungsod na tinawag na “Sodoma” ay hindi na iiral, at maging ang lahat ng naroon sa loob mismo ng lungsod. Winasak na ito sa pamamagitan ng galit ng Diyos; naglaho na ito sa ilalim ng poot at kamahalan ng Diyos. Dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos, tinanggap ng Sodoma ang makatarungang kaparusahan nito; dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos, tinanggap nito ang makatarungang katapusan. Ang katapusan ng pag-iral ng Sodoma ay dahil sa kasamaan nito, at dahil din ito sa pagnanais ng Diyos na hindi na kailanman muling makita ang lungsod na ito, maging ang mga taong nabuhay dito o anumang may buhay na lumago sa loob ng lungsod. Ang “pagnanais ng Diyos na hindi na kailanman muling makita ang lungsod na ito” ay dahil sa Kanyang poot, gayundin sa Kanyang kamahalan. Sinunog ng Diyos ang lungsod dahil sa kasamaan at kasalanan nito na dahilan para magalit, mainis at masuklam Siya dito at ninais na hindi na kailanman muling makita ito o maging ang sinumang tao at bagay na nabubuhay sa loob nito. Nang matapos masunog ang lungsod, na mga abo na lamang ang naiwan, tunay ngang tumigil na ito sa pag-iral sa paningin ng Diyos; kahit na ang Kanyang alaala dito ay nawala na, nabura na. Nangangahulugan ito na hindi lamang winasak ng ipinadalang apoy mula sa langit ang buong lungsod ng Sodoma at ang makasalanang mga tao sa loob nito, ni hindi lamang nito nilipol ang lahat ng bagay sa loob ng lungsod na nabahiran ng kasalanan; higit pa rito, winasak ng apoy na ito ang mga alaala ng kasamaan ng sangkatauhan at pagtutol laban sa Diyos. Ito ang layunin ng Diyos sa pagsunog sa buong lungsod.

Ang sangkatauhan ay naging tiwali nang sagad. Hindi nila kilala kung sino ang Diyos o kung saan sila nagmula. Kapag binanggit mo ang Diyos, ang mga taong ito ay aatake, maninirang puri, at maglalapastangan. Kahit na dumating ang mga lingkod ng Diyos upang ikalat ang Kanyang babala, hindi man lamang nagpakita ng mga tanda ng pagsisisi ang mga tiwaling taong ito; hindi nila iniwan ang kanilang masamang asal. Sa kabaliktaran, walang hiyang sinaktan nila ang mga lingkod ng Diyos. Ang kanilang ipinahayag at isiniwalat ay ang kanilang kalikasan at diwa ng masidhing pagkapoot sa Diyos. Makikita natin na ang paglaban ng mga tiwaling taong ito sa Diyos ay higit pa sa pahayag ng kanilang tiwaling disposisyon, na gaya ng mas higit pa ito sa paninirang-puri o panunukso na umuusbong mula sa kakulangan ng pag-unawa sa katotohanan. Hindi ang kahangalan ni kawalang kaalaman ang dahilan ng kanilang masamang pag-uugali; hindi ito dahil sa nalinlang ang mga taong ito, at tiyak na hindi dahil sa nailigaw sila. Ang kanilang pag-uugali ay nakaabot na sa antas ng garapalan at walang hiyang paglaban, pagsalungat at pakikipagtunggali sa Diyos. Walang pag-aalinlangan, ang ganitong uri ng pag-uugali ng tao ay makapagpapagalit sa Diyos, at makapagpapagalit sa Kanyang disposisyon–isang disposisyon na hindi dapat masaktan. Kaya, tuwiran at ganap na pinakawalan ng Diyos ang Kanyang poot at ang Kanyang kamahalan; ito ang tunay na pahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon. Kaharap ng isang lungsod na nag-uumapaw sa kasalanan, hinangad ng Diyos na wasakin ito sa pinakamabilis na paraan hangga’t maaari; ninais Niyang lipulin ang mga mamamayan sa loob nito at ang lahat ng kanilang mga kasalanan sa pinakaganap na paraan, upang hindi na umiral ang mga tao ng lungsod na ito at upang mahinto na ang kasalanan sa paglaganap sa lugar na ito. Ang pinakamabilis at pinakaganap na paraan ng pagsasagawa nito ay ang sunugin ito sa pamamagitan ng apoy. Ang iniisip ng Diyos sa mga taga-Sodoma ay hindi sila basta iwanan o balewalain; sa halip, ginamit Niya ang Kanyang poot, kamahalan at awtoridad upang parusahan, ibagsak at lubos na wasakin ang mga taong ito. Hindi lamang pisikal na pagwasak ang Kanyang iniisip sa kanila kundi pagwasak din ng kanilang kaluluwa, isang walang hanggang pagpuksa. Ito ang tunay na pagpapahiwatig ng pagnanais ng Diyos na sila ay “huminto sa pag-iral.”

Bagaman Nakatago ang Poot ng Diyos at Nakalihim sa Tao, Hindi Nito Kinukunsinti ang Pagkakasala

Ang pakikitungo ng Diyos sa kabuuan ng hangal at mangmang na sangkatauhan ay pangunahing nakabase sa awa at pagpapaubaya. Sa kabilang banda, ang Kanyang poot ay nakatago sa lubhang napakalawak na bahagi ng panahon at ng mga bagay-bagay; nakalihim ito sa tao. Bilang resulta, mahirap para sa tao na makitang inilalabas ng Diyos ang Kanyang poot, at mahirap ding maunawaan ang Kanyang poot. Dahil dito, pinapagaan ng tao ang poot ng Diyos. Kapag humarap na ang tao sa huling gawain ng Diyos at hakbang ng pagpapaubaya at pagpapatawad sa tao–iyan ay, kapag ang huling pagkakataon ng kaawaan ng Diyos at huling babala Niya ay makaabot sa kanila–kung gagamitin pa rin nila ang parehong mga paraan ng pagsalungat sa Diyos at hindi gumawa ng kahit anong pagsisikap upang magsisi, ayusin ang kanilang mga pag-uugali o tanggapin ang Kanyang kaawaan, hindi na ipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang pagpapaubaya at pagtitiyaga sa kanila. Sa kabaligtaran, ito ay ang panahon na babawiin na ng Diyos ang Kanyang kaawaan. Kasunod nito, ipadadala na lamang Niya ang Kanyang poot. Maaari Niyang ipahayag ang Kanyang poot sa iba’t ibang mga paraan, gaya ng kung paanong maaari Siyang gumamit ng iba’t ibang mga pamamaraan upang parusahan at wasakin ang mga tao.

Ang paggamit ng Diyos ng apoy upang wasakin ang lungsod ng Sodoma ang pinakamabilis Niyang paraan upang lubos na lipulin ang isang sangkatauhan o isang bagay. Ang pagsunog sa mga mamamayan ng Sodoma ay nagwasak ng higit pa sa kanilang mga pisikal na katawan; winasak nito ang kabuuan ng kanilang mga espiritu, kanilang mga kaluluwa at kanilang mga katawan, tinitiyak na ang mga tao sa loob ng lungsod na ito ay hindi na iiral sa kapwa mundong materyal at mundong hindi nakikita ng tao. Ito ay isang paraan kung saan ibinubunyag ng Diyos at ipinadarama ang Kanyang poot. Ang paraan ng pahayag at pagpapadamang ito ay isang aspeto ng diwa ng poot ng Diyos, gayundin, ito ay likas na pahayag ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot, humihinto Siyang ibunyag ang anumang kaawaan o kagandahang loob, ni hindi na Niya ipinakikita pa ang Kanyang pagpapaubaya o pagtitiyaga; walang tao, bagay o dahilan na makahihimok sa Kanya upang patuloy na maging matiyaga, na muling ibigay ang Kanyang awa, at minsan pang ipagkaloob ang Kanyang pagpaparaya. Sa lugar ng mga bagay na ito, walang isa mang sandaling pag-aalinlangan, ipadadala ng Diyos ang Kanyang poot at kamahalan, gagawin kung ano ang Kanyang ninanasa, at isasagawa Niya ang mga bagay na ito sa isang mabilis at malinis na paraan ayon sa Kanyang sariling mga hangarin. Ito ang paraan kung saan ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot at kamahalan, na hindi dapat magkasala ang tao, at ito ay isa ring pagpapahayag ng isang aspeto ng Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag nasaksihan ng mga tao na nagpapakita ng pag-aalala at pagmamahal ang Diyos sa tao, hindi nila maramdaman ang Kanyang poot, makita ang Kanyang kamahalan o madama ang hindi Niya pagpapaubaya sa pagkakasala. Ang mga bagay na ito ang laging nagbubunsod sa mga tao na maniwala na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay tanging pagkaawa, pagpapaubaya at pagmamahal lamang. Gayunman, kapag nakita ng isang tao na winasak ng Diyos ang isang lungsod o kinamuhian ang sangkatauhan, ang Kanyang poot sa pagwasak sa tao at ang Kanyang kamahalan ang nagbibigay-daan sa mga tao na masilayan ang kabilang panig ng matuwid Niyang disposisyon. Ito ang hindi pagkunsinti ng Diyos sa pagkakasala. Ang disposisyon ng Diyos na hindi kumukunsinti ang pagkakasala ay lumalampas sa imahinasyon ng anumang nilikhang nilalang, at sa gitna ng mga di-nilikhang nilalang, walang may kakayahang pakialaman ito o antigin ito; at higit sa lahat, hindi ito kayang gayahin o tularan. Sa gayon, ang aspetong ito ng disposisyon ng Diyos ang siyang dapat pinakamabuting kilalanin ng sangkatauhan. Tanging ang Diyos Mismo ang may ganitong uri ng disposisyon, at tanging Diyos Mismo ang nagmamay-ari ng ganitong uri ng disposisyon. Ang Diyos ang nagmamay-ari ng ganitong uri ng matuwid na disposisyon dahil nasusuklam Siya sa kasamaan, kadiliman, pagka-mapanghimagsil at sa mga masamang gawa ni Satanas–pagtitiwali at paglamon sa sangkatauhan–sapagkat kinasusuklaman Niya ang lahat ng gawa ng kasalanan sa paglaban sa Kanya at dahil sa Kanyang banal at walang-dungis na diwa. Ito ang dahilan kaya hindi Niya hahayaan ang sinumang nilikha o di-nilikhang nilalang na hayagang salungatin o labanan Siya. Kahit ang isang indibidwal na pinagpakitaan Niyang minsan ng awa o pinili ay kailangan lamang pukawin ang Kanyang disposisyon at labagin ang Kanyang prinsipyo ng katiyagaan at pagpaparaya, at pakakawalan Niya at ibubunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon na wala kahit katiting mang awa o pag-aalinlangan–isang disposisyon na hindi kinukunsinti ang pagkakasala.

Ang Poot ng Diyos ay Isang Pananggalang sa Lahat ng Makatarungang Puwersa at Lahat ng Positibong Bagay

Sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga halimbawang ito ng pananalita, kaisipan at mga kilos ng Diyos, makakaya mo kayang unawain ang matuwid na disposisyon ng Diyos, isang disposisyon na hindi maaaring saktan? Sa katapusan, ito ay isang aspeto ng disposisyon na natatangi sa Diyos Mismo, hindi alintana kung gaano man ang kayang unawain ng tao. Ang hindi pagkunsinti ng Diyos sa pagkakasala ang Kanyang bukod-tanging diwa; ang poot ng Diyos ang Kanyang bukod-tanging disposisyon; ang kamahalan ng Diyos ang Kanyang bukod-tanging diwa. Ang prinsipyo sa likod ng galit ng Diyos ay naglalarawan sa pagkakakilanlan at katayuan na Siya lamang ang nagtataglay. Hindi na kailangang banggitin ng sinuman na ito ay sagisag din ng diwa ng natatanging Diyos Mismo. Ang disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang sariling likas na diwa. Hindi ito nagbabago kahit kailan sa pagdaan ng panahon, ni magbago man kapag nagbabago ang lokasyon. Ang Kanyang likas na disposisyon ay ang Kanyang tunay na diwa. Hindi alintana kung kanino man Niya iniuukol ang Kanyang ginagawa, hindi nagbabago ang Kanyang diwa, at maging ang Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag ginalit ng isang tao ang Diyos, yaong Kanyang ipinadadala ay ang Kanyang likas na disposisyon; sa pagkakataong ito, ang prinsipyo sa likod ng Kanyang galit ay hindi nagbabago, ni maging ang Kanyang natatanging pagkakakilanlan at katayuan. Hindi Siya nagagalit dahil may nagbago sa Kanyang diwa o dahil ang Kanyang disposisyon ay nagbunga ng iba’t ibang mga elemento, kundi dahil ang pagsalungat ng tao sa Kanya ay nakakasala sa Kanyang disposisyon. Ang lantarang pagpapagalit ng tao sa Diyos ay isang matinding hamon sa sariling pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Sa pananaw ng Diyos, kapag hinahamon Siya ng tao, kinakalaban Siya ng tao at sinusubok ang Kanyang galit. Kapag sinasalungat ng tao ang Diyos, kapag kinakalaban ng tao ang Diyos, kapag patuloy na sinusubok ng tao ang galit ng Diyos–na kung kailan din nagiging laganap ang kasalanan–ang poot ng Diyos ay natural na mabubunyag at makikita mismo. Samakatuwid, ang pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang poot ay sumisimbulo na lahat ng puwersa ng kasamaan ay titigil sa pag-iral; sumisimbulo ito na ang lahat ng puwersang salungat ay wawasakin. Ito ang pagiging natatangi ng matuwid na disposisyon ng Diyos, at ito ang pagiging natatangi ng poot ng Diyos. Kapag hinamon ang dignidad at kabanalan ng Diyos, kapag ang makatarungang mga puwersa ay hinadlangan at hindi nakita ng tao ang mga ito, ipadadala ng Diyos ang Kanyang poot. Dahil sa diwa ng Diyos, lahat ng puwersang iyon sa mundo na kumakalaban sa Diyos, sumasalungat at nakikipagtalo sa Kanya ay masasama, tiwali at hindi makatarungan; nagmula at kabilang ang mga ito kay Satanas. Dahil makatarungan ang Diyos, nasa liwanag at walang-bahid na banal, lahat ng bagay na masama, tiwali at kabilang kay Satanas ay maglalaho sa pagpapakawala ng poot ng Diyos.

Bagaman ang pagbuhos ng poot ng Diyos ay isang aspeto ng pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon, ang galit ng Diyos ay siguradong walang kinikilingan kung sino ang layon nito o hindi ito walang prinsipyo. Sa kabaligtaran, hindi naman kahit kailan madaling magalit ang Diyos, ni padalus-dalos na ibinubunyag ang Kanyang poot at Kanyang kamahalan. Dagdag pa rito, ang poot ng Diyos ay lubhang kontrolado at sukat; hindi ito maikukumpara kahit kailan sa kung paanong ang tao ay magsisiklab sa isang matinding poot o magbubulalas ng kanyang galit. Maraming pag-uusap sa pagitan ng tao at ng Diyos ang nakatala sa Biblia. Ang mga sinasabi ng ilan sa mga inidibiduwal na ito ay mabababaw, walang alam, at parang bata, ngunit hindi sila pinabagsak ng Diyos, ni hinatulan man. Isang halimbawa, sa panahon ng pagsubok kay Job, paano pinakitunguhan ng Diyos na si Jehova ang tatlong kaibigan ni Job at ang iba pa pagkatapos Niyang marinig ang mga salitang kanilang sinabi kay Job? Hinatulan ba sila ng Diyos? Nagsiklab ba Siya sa matinding pagkagalit sa kanila? Wala Siyang ginawang ganoon! Sa halip sinabi Niyang makiusap si Job sa kanila, na ipanalangin sila; sa kabilang banda, hindi matinding dinamdam ng Diyos ang kanilang mga pagkakamali. Ang mga pangyayaring ito ay kumakatawan lahat sa pangunahing saloobin kung paanong pinakikitunguhan ng Diyos ang tiwali, mangmang na sangkatauhan. Samakatuwid, ang pagpapakawala ng poot ng Diyos ay hindi isang pagpapahayag o paglalabas ng Kanyang nararamdaman. Ang poot ng Diyos ay hindi isang ganap na pagsabog ng galit gaya nang pagkaunawa ng tao rito. Hindi pinakakawalan ng Diyos ang Kanyang poot dahil sa hindi Niya kayang kontrolin ang Kanyang sariling damdamin o dahil ang Kanyang galit ay nakaabot na sa punto ng pagkulo at dapat nang ilabas. Sa kabaligtaran, ang Kanyang poot ay pagpapakita ng Kanyang matuwid na disposisyon at isang tunay na pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon; ito ay isang sumasagisag na pahayag ng Kanyang banal na diwa. Ang Diyos ay poot, hindi kinukunsinti ang pagkakasala– hindi nito sinasabi na ang galit ng Diyos ay hindi kumikilala sa gitna ng mga dahilan o walang prinsipyo; ang tiwaling sangkatauhan ang tanging nag-aangkin sa walang prinsipyo, walang-katiyakang pagbulalas ng matinding galit na hindi kumikilala sa gitna ng mga dahilan. Sa sandaling magkaroon na ng katayuan ang isang tao, madalas ay mahihirapan na siyang kontrolin ang kanyang damdamin, kaya’t masisiyahan siyang samantalahin ang mga pangyayari upang ipahayag ang kanyang kawalang-kasiyahan at ilabas ang kanyang mga damdamin; madalas siyang sumisiklab sa matinding galit kahit walang malinaw na dahilan, upang ibunyag lamang ang kanyang kakayahan at malaman ng ibang tao na ang kanyang katayuan at pagkakakilanlan ay iba roon sa mga ordinaryong tao. Siyempre, ang mga tiwaling tao na walang anumang katayuan ay malimit ding mawawalan ng kontrol. Ang kanilang galit ay kadalasang dulot ng pinsala sa kanilang indibiduwal na mga benepisyo. Upang mapangalagaan ang kanilang sariling katayuan at dignidad, madalas na ilalabas ng tiwaling sangkatauhan ang kanilang mga damdamin at ibubunyag ang kanilang mayabang na kalikasan. Ang tao ay sisiklab sa galit at ilalabas ang kanyang mga damdamin upang maipagtanggol ang pag-iral ng kasalanan, at ang mga pagkilos na ito ang mga paraan ng tao upang maipahayag ang kanyang kawalang-kasiyahan. Ang mga aksyong ito ay puno ng karumihan; puno ang mga ito ng mga balak at mga intriga; puno ang mga ito ng katiwalian at kasamaan ng tao; higit pa rito, puno ang mga ito ng mga matayog na mithiin at pagnanasa ng tao. Kapag nilabanan ng katarungan ang kasamaan, hindi sisiklab sa galit ang tao upang ipagtanggol ang pag-iral ng katarungan; kasalungat nito, kapag ang mga puwersa ng katarungan ay nanganib, inusig at nilusob, ang gawi ng tao ay isa ng di-pagpansin, pag-iwas o pag-urong. Subali’t, kapag nakaharap naman sa mga puwersa ng kasamaan, ang gawi ng tao ay isa ng pagtustos, at pagyuko at pagkudkod. Samakatuwid, ang paglalabas ng tao ay isang pagtakas para sa mga puwersa ng kasamaan, isang pagpapahayag ng talamak at hindi-mapigil na masamang ugali ng taong makalaman. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot, gayon pa man, lahat ng puwersa ng kasamaan ay mapahihinto; lahat ng kasalanang nakapipinsala sa tao ay mapatitigil; lahat ng puwersa ng kalaban na humahadlang sa gawain ng Diyos ay ipakikita, ihihiwalay at susumpain; lahat ng kasabwat ni Satanas na sumasalungat sa Diyos ay parurusahan, bubunutin. Sa kanilang kinalalagyan, ang gawain ng Diyos ay magpapatuloy nang malaya sa anumang mga hadlang; ang plano ng pamamahala ng Diyos ay magpapatuloy sa pag-unlad nang unti-unti ayon sa nakatakda; magiging malaya sa panggugulo at pandaraya ni Satanas ang hinirang na bayan ng Diyos; masisiyahan sa pangunguna at pagtutustos ng Diyos sa gitna ng tahimik at mapayapang kapaligiran yaong mga sumusunod sa Diyos. Ang poot ng Diyos ay isang sanggalang na pumipigil sa lahat ng puwersa ng kasamaan mula sa pagdami at paglaganap, at isa rin itong sanggalang na nag-iingat sa pag-iral at paglaganap ng lahat ng matuwid at positibong mga bagay at walang-hanggang babantayan sila mula sa pagkasupil at pagkawasak.

Makikita ba ninyo ang diwa ng poot ng Diyos sa Kanyang pagwasak sa Sodoma? May nakasama bang iba sa Kanyang sobrang pagkagalit? Ang sobra bang pagkagalit ng Diyos ay dalisay? Sabi nga ng tao, wala bang halo ang poot ng Diyos? Mayroon bang anumang daya sa likod ng Kanyang poot? Mayroon bang anumang sabwatan? Mayroon bang hindi-masabing mga sikreto? Masasabi Ko sa inyo nang matigas at taimtim: Walang bahagi sa poot ng Diyos na magsasanhi upang magduda ang isang tao. Dalisay ang Kanyang galit, walang-halong galit at walang kinakandiling ibang mga hangarin o mga layunin. Ang dahilan ng Kanyang galit ay dalisay, walang-bahid at hindi mapipintasan. Isa itong likas na pahayag at pagpapakita ng Kanyang banal na diwa; isa itong bagay na hindi taglay ng mga nilikha. Bahagi ito ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos, at ito ay isa ring kitang-kitang pagkakaiba sa pagitan ng kinauukulang mga diwa ng Lumikha at Kanyang nilalang.

Hindi alintana kung magalit man ang isang tao sa harapan ng iba o sa kanilang likuran, ang bawat isa ay may iba’t ibang hangarin at layunin. Marahil ay itinatayo nila ang kanilang karangalan, o maaaring ipinagtatanggol nila ang kanilang pansariling mga kagustuhan, pinapanatili ang kanilang imahe o iniingatan ang kanilang mukha. May ilang nagsasanay ng pagpigil sa kanilang galit, samantalang ang iba ay mas mapusok at sumisiklab sa labis na galit sa tuwing nais nila nang walang kahit katiting na pagpipigil. Sa madaling salita, ang galit ng tao ay nagmumula sa kanyang tiwaling disposisyon. Ano man ang layunin nito, mula ito sa laman at sa kalikasan; wala itong kinalaman sa katarungan o kawalang-katarungan sapagkat walang anuman sa kalikasan at diwa ng tao ang umaayon sa katotohanan. Samakatuwid, ang galit ng tiwaling sangkatauhan at ang poot ng Diyos ay hindi dapat banggitin sa parehong sukatan. Walang pagtatangi, ang gawi ng isang tao na ginawang tiwali ni Satanas ay nagsisimula sa pagnanais na pangalagaan ang katiwalian, at ito ay batay sa katiwalian; sa gayon ang galit ng tao ay hindi maaaring banggitin gaya ng pagbanggit sa poot ng Diyos, kahit gaano man kawasto ito kung tingnan sa teorya. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang matinding pagkapoot, nahihinto ang mga puwersa ng kasamaan, nawawasak ang masasamang bagay, samantalang tinatamasa ng matutuwid at positibong mga bagay ang pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, at sila ay pinahihintulutang magpatuloy. Ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot dahil ang hindi-makatarungan, negatibo at masasamang bagay ay humahadlang, nanggugulo o sumisira sa normal na gawain at pagsulong ng makatarungan at positibong mga bagay. Ang layunin ng galit ng Diyos ay hindi para protektahan ang Kanyang sariling katayuan at pagkakakilanlan, kundi para ingatan ang pag-iral ng makatarungan, positibo, maganda at mabuting mga bagay, upang pangalagaan ang mga batas at kaayusan ng normal na pananatiling buhay ng sangkatauhan. Ito ang ugat na dahilan ng poot ng Diyos. Ang labis na pagkagalit ng Diyos ay napakawasto, likas at tunay na pahayag ng Kanyang disposisyon. Walang mga hangarin sa likod ng Kanyang labis na pagkapoot, ni pandaraya man o pagbabalak; o higit sa lahat, ang Kanyang pagkapoot ay walang taglay na pagnanasa, panlilinlang, malisya, karahasan, kasamaan o anumang bagay na ibinabahagi lahat ng tiwaling sangkatauhan. Bago ipinadadala ng Diyos ang Kanyang labis na pagkapoot, napansin na Niya ang diwa ng bawat bagay nang lubhang malinaw at ganap, at nakapagbuo na Siya ng tumpak, malinaw na mga pakahulugan at mga konklusyon. Sa gayon, ang layunin ng Diyos sa bawat bagay na Kanyang ginagawa ay sinlinaw ng kristal, tulad ng Kanyang saloobin. Hindi natataranta ang Kanyang pag-iisip; hindi Siya bulag; hindi Siya mapusok; hindi Siya padalus-dalos; higit pa, may prinsipyo Siya. Ito ang praktikal na aspeto ng poot ng Diyos, at dahil sa praktikal na aspetong ito ng poot ng Diyos kaya naabot ng sangkatauhan ang karaniwang pag-iral nito. Kung wala ang poot ng Diyos, bababa ang sangkatauhan sa mga kalagayan ng pamumuhay na hindi karaniwan; ang lahat ng bagay na matuwid, maganda at mabuti ay mawawasak at hihinto sa pag-iral. Kung wala ang poot ng Diyos, ang mga batas at mga alituntunin ng pag-iral para sa mga nilikhang nilalang ay masisira o maaaring tuluyang bumagsak. Simula sa paglikha sa tao, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pangalagaan at panatilihin ang normal na pag-iral ng sangkatauhan. Sapagkat ang Kanyang matuwid na disposisyon ay naglalaman ng poot at kamahalan, ang lahat ng masasamang tao, mga bagay, kaganapan at lahat ng bagay na gumagambala at sumisira sa karaniwang pag-iral ng sangkatauhan ay naparurusahan, nakokontrol at nawawasak dahil sa Kanyang poot. Sa mga nakalipas na libu-libong taon, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pabagsakin at wasakin ang lahat ng uri ng marumi at masamang mga espiritu na kumakalaban sa Diyos at kumikilos bilang mga kasabwat at tagapagpatupad ni Satanas sa Kanyang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan. Sa gayon, ang gawain ng Diyos na pagliligtas sa tao ay laging nauuna ayon sa Kanyang plano. Masasabi natin na dahil sa pag-iral ng poot ng Diyos, ang pinakamatuwid na gawain sa kalagitnaan ng mga tao ay hindi kailanman nawasak.

Ngayon na may pagkaunawa na kayo sa diwa ng poot ng Diyos, dapat tiyak na may mas mabuti na kayong pagkaunawa sa kung paano kikilalanin ang kasamaan ni Satanas!

Bagaman si Satanas ay Mukhang Makatao, Makatarungan at Mabuti, Ito ay Malupit at Masama sa Diwa

Napapanalunan ni Satanas ang katanyagan nito sa pamamagitan ng pandaraya sa mga tao. Madalas nitong itinatatag ang sarili nito bilang isang tagapanguna at huwaran ng pagkamakatuwiran. Sa ilalim ng bandila ng pagbabantay sa pagkamakatuwiran, pinipinsala nito ang tao, nilalamon ang kanilang mga kaluluwa, at ginagamit ang lahat ng pamamaraan upang pamanhirin, dayain, at sulsulan ang tao. Ang layunin nito ay pasang-ayunin ang tao at pasunurin sa masamang pag-uugali nito, upang isama ang tao sa paglaban sa awtoridad at dakilang kapangyarihan ng Diyos. Gayunman, kapag naging marunong na ang isang tao hinggil sa mga pagbabalak, pakana at kasuklam-suklam na mga palabas nito at ayaw nang magpatuloy na tapak-tapakan at lokohin nito o patuloy na alipinin nito, o maparusahan at mawasak na kasama nito, binabago ni Satanas ang dating malasantong palabas nito at pinupunit ang huwad na maskara nito upang ibunyag ang tunay na masama, malisyoso, pangit at mabagsik na mukha nito. Wala itong ibang nais kundi lipulin ang lahat ng yaong tumatangging sumunod dito at yaong mga lumalaban sa masasama nitong mga puwersa. Sa pagkakataong ito, hindi na makakapagpakita si Satanas ng isang mapagkakatiwalaan, maginoong anyo; sa halip, mabubunyag ang tunay na pangit at maladiyablong anyo nito sa likod ng pag-aanyong tupa. Sa sandaling mahayag sa liwanag ang mga pamamaraan ni Satanas, sa sandaling malantad ang tunay nitong anyo, magpupuyos ito sa labis na pagkapoot at ilalantad ang kalupitan nito; ang pagnanais nitong pinsalain at lamunin ang mga tao ay lalo lamang titindi. Ang dahilan nito ay sumiklab ito sa galit dahil sa pagkagising ng tao; nagbubuo ito ng isang malakas na paghihiganti laban sa tao dahil sa kanilang hangarin na manabik sa kalayaan at kaliwanagan, at makawala mula sa kulungan nito. Ang labis na poot nito ay naglalayong ipagtanggol ang kasamaan nito at ito rin ay isang tunay na pagbubunyag ng malupit na kalikasan nito.

Sa bawat pagkakataon, inilalantad ng gawi ni Satanas ang masamang kalikasan nito. Mula sa lahat ng masasamang gawa na dinala ni Satanas sa tao—mula sa naunang mga pagsisikap nito na dayain ang tao upang sundin ito, hanggang sa panggagamit nito sa tao, kung saan ay kinakaladkad nito ang tao tungo sa masasama nitong gawa, at paghihiganti ni Satanas tungo sa tao matapos malantad ang tunay nitong mga anyo at nakilala at tinalikdan ito ng tao—wala kahit isa ang nabigong ilantad ang masamang diwa ni Satanas; wala kahit isa ang nabigong patunayan na si Satanas ay walang kaugnayan sa mga positibong bagay; wala kahit isa ang nabigong patunayan na si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng masasamang bagay. Ang bawat isa sa mga kilos nito ay pangangalaga sa kasamaan nito, pagpapanatili sa pagpapatuloy ng masasamang gawa nito, pagkalaban sa matuwid at positibong mga bagay, pagsira sa mga batas at kaayusan ng karaniwang pag-iral ng sangkatauhan. Ang mga ito ay napopoot sa Diyos at ang mga ito ang wawasakin ng poot ng Diyos. Bagaman si Satanas ay may sariling pagkapoot, ang poot nito ay isang pamamaraan upang mailabas ang masamang kalikasan nito. Ang dahilan kung bakit si Satanas ay naiinis at galit na galit ay: Nalantad ang di-masambit na mga pamamaraan nito; ang mga lihim na balak nito ay hindi madaling takasan; ang marahas na mithiin at pagnanasa nito na palitan ang Diyos at kumilos bilang Diyos ay nasira at nahadlangan; ang layunin nitong kontrolin ang buong sangkatauhan ay hindi nangyari at hindi na kailanman matutupad. Ang paulit-ulit na pagtawag ng Diyos sa Kanyang poot ang nagpahinto sa pagsasakatuparan ng mga balak ni Satanas at pumigil sa pagdami at paglaganap ng kasamaan ni Satanas; kaya, kapwa kinamumuhian at kinatatakutan ni Satanas ang poot ng Diyos. Ang bawat paglalapat ng poot ng Diyos ay hindi lamang naglalantad sa tunay na kasuklam-suklam na anyo ni Satanas; inilalantad din nito ang masasamang pagnanasa ni Satanas sa liwanag. Kasabay nito, ang mga dahilan ng labis na pagkapoot ni Satanas laban sa sangkatauhan ay ganap nang nailantad. Ang pagsabog ng labis na poot ni Satanas ay isang tunay na pagbubunyag ng masamang kalikasan nito, isang paglalantad ng mga pamamaraan nito. Siyempre, sa bawat pagsiklab ng galit ni Satanas, ipinahahayag nito ang pagkawasak ng masasamang bagay; ipinahahayag nito ang proteksyon at pagpapatuloy ng mga positibong bagay, at ipinahahayag nito ang kalikasan ng poot ng Diyos—ang hindi kayang saktan!

Hindi Dapat Umasa ang Tao sa Karanasan at Imahinasyon upang Malaman ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos

Kapag nakita mo ang iyong sarili na nakaharap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, sasabihin mo kaya na may halo ang salita ng Diyos? Sasabihin mo kayang may kasinungalingan sa likod ng pagkapoot ng Diyos, at ang Kanyang pagkapoot ay may halo? Sisiraan mo ba ang Diyos, sasabihing ang Kanyang disposisyon ay hindi naman kailangang lubos na matuwid? Kapag nakikitungo sa bawat isang gawa ng Diyos, kailangang tiyakin mo muna na malaya ang matuwid na disposisyon ng Diyos mula sa anumang ibang mga elemento, na ito ay banal at walang kapintasan; kasama sa mga gawang ito ang pagpapabagsak, kaparusahan at pagwasak ng Diyos sa sangkatauhan. Walang pagtatangi, ang bawat isa sa mga gawa ng Diyos ay nangyari sa mahigpit na pag-ayon sa Kanyang likas na disposisyon at Kanyang plano—hindi kasama dito ang kaalaman, tradisyon at pilosopiya ng sangkatauhan—at ang bawat isa sa mga gawa ng Diyos ay isang pagpapahayag ng Kanyang disposisyon at diwa, na walang kaugnayan sa anumang bagay na kabilang sa tiwaling sangkatauhan. Sa mga pagkaintindi ng tao, tanging ang pag-ibig ng Diyos, kaawaan at pagpapaubaya sa sangkatauhan ang walang-bahid, walang-halo at banal. Gayunman, walang nakaaalam na ang labis na galit ng Diyos at ang Kanyang poot ay wala ring halo; dagdag pa rito, walang nakapagmuni-muni ng mga tanong tulad ng bakit hindi kinukunsinti ng Diyos ang pagkakasala o bakit ang Kanyang labis na galit ay napakalaki. Sa kabaligtaran, napagkakamalan ng ilan ang poot ng Diyos na damdamin ng tiwaling sangkatauhan; ang pagkaunawa nila sa galit ng Diyos ay labis na pagkapoot ng tiwaling sangkatauhan; buong pagkakamali rin nilang ipinalalagay na ang labis na poot ng Diyos ay katulad lamang ng likas na pahayag ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan. Nagkamali sila sa paniniwala na ang pagpapadala ng poot ng Diyos ay katulad lamang ng galit ng tiwaling sangkatauhan, na nagmumula sa sama ng loob; naniniwala pa sila na ang pagpapalabas ng poot ng Diyos ay pagpapahayag ng Kanyang damdamin. Pagkatapos ng pagbabahaging ito, umaasa Ako na ang bawat isa sa inyo ay hindi na magkakaroon ng anumang mga maling pagkaintindi, mga guni-guni o mga pag-aakala tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos, at umaasa Ako na pagkatapos ninyong marinig ang Aking mga salita, magkakaroon na kayo sa inyong mga puso ng tunay na pagkakilala tungkol sa poot ng matuwid na disposisyon ng Diyos, na maisasantabi na ninyo ang anumang nakaraang maling pagkaunawa sa poot ng Diyos, na kaya na ninyong baguhin ang inyong mga maling paniniwala at mga pananaw tungkol sa diwa ng poot ng Diyos. Dagdag pa rito, umaasa Ako na magkakaroon na kayo ng tumpak na pakahulugan sa disposisyon ng Diyos sa inyong mga puso, na hindi na kayo magkakaroon pa ng anumang pag-aalinlangan tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos, na hindi na ninyo ipagpupumilit ang anumang pantaong pagmamatuwid o imahinasyon tungo sa tunay na disposisyon ng Diyos. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang tunay na sariling diwa. Hindi ito isang bagay na hinubog o isinulat ng tao. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay ang Kanyang matuwid na disposisyon at wala itong mga relasyon o mga ugnayan sa alinman sa nilikha. Ang Diyos Mismo ay ang Diyos Mismo. Hindi Siya kailanman magiging bahagi ng nilikha, at kahit na maging kaanib Siya ng mga nilikhang nilalang, ang Kanyang likas na disposisyon at diwa ay hindi magbabago. Samakatuwid, ang pagkilala sa Diyos ay hindi pagkilala sa isang bagay; hindi ito pagsusuri sa isang bagay, ni pag-unawa sa isang tao. Kapag ginagamit mo ang iyong kaisipan o pamamaraan ng pagkilala sa isang bagay o pag-unawa sa isang tao upang makilala ang Diyos, kung gayon hindi mo kailanman makakayang maabot ang kaalaman ng Diyos. Ang pagkilala sa Diyos ay hindi nakasalalay sa karanasan o imahinasyon, at samakatuwid hindi mo dapat ipagpilitan kahit kailan ang iyong karanasan o imahinasyon sa Diyos. Gaano man marahil kayaman ang iyong karanasan at imahinasyon, may hangganan pa rin ang mga iyan; bukod dito, ang iyong imahinasyon ay hindi umaayon sa mga katunayan, at lalong hindi ito umaayon sa katotohanan, at ito ay hindi kaayon sa tunay na disposisyon at diwa ng Diyos. Hindi ka kailanman magtatagumpay kung aasa ka lamang sa iyong imahinasyon upang maunawaan ang diwa ng Diyos. Ang tanging paraan ay ganito: tanggapin lahat ang nagmumula sa Diyos, at pagkatapos, unti-unting danasin at unawain ito. Darating ang araw na liliwanagan ka ng Diyos upang Siya ay lubos mong maunawaan at makilala dahil sa iyong pakikipag-tulungan at dahil sa iyong pagkagutom at pagkauhaw para sa katotohanan. At sa pamamagitan nito, tatapusin na natin ang bahaging ito ng ating pag-uusap.

Nakakamit ng Tao ang Awa at Pagpaparaya ng Diyos sa pamamagitan ng Tapat na Pagsisisi
Ang sumusunod ay ang biblikal na kasaysayan ng “Pagliligtas ng Diyos sa Ninive.”

Jonas 1:1–2 Ang salita nga ni Jehova ay dumating kay Jonas na anak ni Amittai, na nagsasabi, Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at humiyaw ka laban doon; sapagka’t ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap Ko.

Jonas 3 At ang salita ni Jehova ay dumating kay Jonas na ikalawa, na nagsasabi, Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at ipangaral mo ang pangaral na Aking iniutos sa iyo. Sa gayo’y bumangon si Jonas, at naparoon sa Ninive, ayon sa salita ni Jehova. Ang Ninive nga ay totoong malaking bayan, na tatlong araw na lakarin. At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya’y sumigaw, at nagsasabi, Apat na pung araw pa at ang Ninive ay mawawasak. At ang bayan ng Ninive ay sumampalataya sa Dios; at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan sa kanila hanggang sa kaliitliitan sa kanila. At ang mga balita ay dumating sa hari sa Ninive, at siya’y tumindig sa kaniyang luklukan, at hinubad niya ang kaniyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo. At kaniyang inihayag at itinanyag sa buong Ninive sa pasiya ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, na sinasabi, Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anomang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; Kundi mangagbalot sila ng kayong magaspang, ang tao at gayon din ang hayop, at magsidaing silang mainam sa Dios: oo, talikdan ng bawa’t isa ang kaniyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang mga kamay. Sino ang nakaaalam kung manumbalik ang Dios at magsisisi, at hihiwalay sa kaniyang mabangis na galit, upang tayo’y huwag mangamatay. At nakita ng Dios ang kanilang mga gawa, na sila’y nagsihiwalay sa kanilang masamang lakad; at nagsisi ang Dios sa kasamaan, na Kaniyang sinabing Kaniyang gagawin sa kanila; at hindi Niya ginawa.

Jonas 4 Nguni’t naghinanakit na mainam si Jonas, at siya’y nagalit. At siya’y nanalangin kay Jehova, at nagsabi, Ako’y nakikipanayam sa Iyo, Oh Jehova, di baga ito ang aking sinabi, nang ako’y nasa aking lupain pa? Kaya’t ako’y nagmadaling tumakas na patungo sa Tarsis; sapagka’t talastas ko na Ikaw ay Dios na mapagbiyaya, at puspos ng kahabagan, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob, at nagsisisi Ka sa kasamaan. Kaya nga, Oh Jehova, isinasamo ko sa Iyo, na kitlin Mo ang aking buhay; sapagka’t mabuti sa akin ang mamatay kay sa mabuhay. At sinabi ni Jehova, Mabuti baga ang iyong ginagawa na magalit? Nang magkagayo’y lumabas si Jonas sa bayan, at naupo sa dakong silanganan ng bayan, at doo’y gumawa siya ng isang balag, at naupo siya sa ilalim niyaon sa lilim, hanggang sa kaniyang makita kung ano ang mangyayari sa bayan. At naghanda ang Diyos na Jehova ng isang halamang kikayon, at pinataas sa itaas ni Jonas, upang maging lilim sa kaniyang ulo, upang iligtas siya sa kaniyang masamang kalagayan. Sa gayo’y natuwang mainam si Jonas dahil sa kikayon. Nguni’t naghanda ang Dios ng isang uod nang magumaga nang kinabukasan at sinira ang halamang kikayon, na anopa’t natuyo. At nangyari, nang sumikat ang araw, na naghanda ang Dios ng mainit na hanging silanganan; at sinikatan ng araw ang ulo ni Jonas, na anopa’t siya’y nanglupaypay, at hiniling niya tungkol sa kaniya na siya’y mamatay, at nagsasabi, Mabuti sa akin ang mamatay kay sa mabuhay. At sinabi ng Dios kay Jonas, Mabuti baga ang ginagawa mo na magalit dahil sa kikayon? At kaniyang sinabi, Mabuti ang ginagawa ko na magalit hanggang sa kamatayan. At sinabi ni Jehova, Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga Ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawang pung libong katao na hindi marunong magmunimuni ng kanilang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?

Buod ng Kasaysayan ng Ninive

Bagaman ang kasaysayan ng “Pagliligtas ng Diyos sa Ninive” ay maigsi lamang, pinapayagan nito na sulyapan ang kabilang bahagi ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Upang lubos na maunawaan kung ano ang nilalaman ng bahaging iyon, kailangang balikan natin ang Kasulatan at tingnan ang isa sa mga ginawa ng Diyos.

Tingnan muna natin ang pasimula ng kasaysayang ito: “Ang salita nga ni Jehova ay dumating kay Jonas na anak ni Amittai, na nagsasabi, Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at humiyaw ka laban doon; sapagka’t ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap Ko” (Jonas 1:1–2). Sa mga siping ito mula sa Kasulatan, alam natin na inutusan ng Diyos na si Jehova si Jonas na magtungo sa lungsod ng Ninive. Bakit Niya inutusan si Jonas na magpunta sa lungsod na ito? Malinaw ang sinabi sa Biblia tungkol dito: Ang kasamaan ng mga tao sa buong lungsod ay nakaabot sa paningin ng Diyos na si Jehova, kaya isinugo Niya si Jonas upang ipahayag sa kanila ang nais Niyang gawin. Kahit na walang nakatala kung sino si Jonas, ito ay, siyempre, walang kaugnayan sa pagkilala sa Diyos. Kaya, hindi ninyo kailangang makilala ang taong ito. Ang tanging kailangan ninyong malaman ay kung ano ang iniutos ng Diyos kay Jonas na gawin at bakit ginawa Niya ang bagay na ito.

Umabot ang Babala ng Diyos na si Jehova sa mga Taga-Ninive

Magpatuloy tayo sa ikalawang sipi, ang ikatlong kabanata ng Aklat ni Jonas: “At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya’y sumigaw, at nagsasabi, Apat na pung araw pa at ang Ninive ay mawawasak.” Ito ang mga salita na direktang ipinasasabi ng Diyos kay Jonas para sa mga taga-Ninive. Siyempre, ito rin ang mga salita na nais sabihin ng Diyos na si Jehova sa mga taga-Ninive. Sinasabi sa mga tao ng mga salitang ito na nagsimulang kasuklaman at kamuhian ng Diyos ang mga mamamayan ng lungsod dahil ang kanilang kasamaan ay nakarating na sa paningin ng Diyos, kaya ninais Niyang wasakin ang lungsod na ito. Gayunman, bago wasakin ng Diyos ang lungsod, ipaaalam muna Niya ito sa mga taga-Ninive, at kasabay niyan ay bibigyan Niya sila ng pagkakataon na magsisi sa kanilang kasamaan at magsimula ng panibago. Magtatagal lamang ng apatnapung araw ang pagkakataong ito. Sa madaling salita, kapag hindi nagsisi ang mga tao sa loob ng lungsod, aminin ang kanilang mga kasalanan o magpatirapa sa harap ng Diyos na si Jehova sa loob ng apatnapung araw, wawasakin ng Diyos ang lungsod tulad ng ginawa Niya sa Sodoma. Ito ang nais sabihin ng Diyos na si Jehova sa mga taga-Ninive. Malinaw na hindi ito simpleng pahayag. Hindi lamang nito ipinapahiwatig ang galit ng Diyos na si Jehova, ipinapahiwatig din nito ang Kanyang damdamin sa mga taga-Ninive; at gayundin, nagsisilbi rin ang simpleng pahayag na ito bilang taimtim na babala sa mga taong naninirahan sa loob ng lungsod. Ang babalang ito ang magsasabi sa kanila na ang kanilang masasamang gawa ay nagdulot ng pagkapoot ng Diyos na si Jehova, at magsasabi sa kanila na ang kanilang masasamang gawain ang magdadala sa kanila sa bingit ng kanilang sariling pagkalipol; kaya, ang buhay ng bawat isa sa Ninive ay nasa nalalapit na kapahamakan.

Ang Payak na Pagkakaiba ng Reaksyon ng Ninive at Sodoma sa Babala ng Diyos na si Jehova

Ano ang ibig sabihin ng mapabagsak? Sa pangkaraniwang termino, ang ibig sabihin nito ay paglaho. Ngunit sa anong paraan? Sino ang makakapagpabagsak sa isang buong lungsod? Siyempre, imposibleng magawa ng isang tao ang gayong gawain. Hindi mga hangal ang mga taong ito; sa sandaling narinig nila ang pahayag na ito, nakuha na nila ang ideya. Alam nila na mula ito sa Diyos; alam nila na isasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain; alam nila na ang kanilang kasamaan ang nagpasiklab sa poot ng Diyos na si Jehova at nagdala ng Kanyang galit sa kanila, kaya sila ay malapit nang puksain kasama ng kanilang lungsod. Paano kumilos ang mga mamamayan ng lungsod matapos nilang marinig ang babala ng Diyos na si Jehova? Inilarawan ng Biblia ang malinaw na detalye kung paano tumugon ang mga tao, mula sa kanilang hari hanggang sa pangkaraniwang tao. Batay sa tala ng Kasulatan: “At ang bayan ng Ninive ay sumampalataya sa Dios; at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan sa kanila hanggang sa kaliitliitan sa kanila. At ang mga balita ay dumating sa hari sa Ninive, at siya’y tumindig sa kaniyang luklukan, at hinubad niya ang kaniyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo. At kaniyang inihayag at itinanyag sa buong Ninive sa pasiya ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, na sinasabi, Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anomang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; Kundi mangagbalot sila ng kayong magaspang, ang tao at gayon din ang hayop, at magsidaing silang mainam sa Dios: oo, talikdan ng bawa’t isa ang kaniyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang mga kamay. …”

Matapos marinig ang pahayag ng Diyos na si Jehova, ang mga mamamayan ng Ninive ay nagpakita ng pag-uugali na lubos na kabaliktaran ng mga tao sa Sodoma—ang mga mamamayan ng Sodoma ay hayagang kinalaban ang Diyos, nagpapatuloy mula sa kasamaan hanggang sa kasamaan, ngunit matapos marinig ang mga salitang ito, hindi binalewala ng mga taga-Ninive ang bagay na ito, ni tinanggihan man; sa halip, naniwala sila sa Diyos at nagpahayag ng pag-aayuno. Ano ang tinutukoy ng “naniwala” dito? Ang salitang ito ay nagpapahiwatig ng pananampalataya at pagpapasakop. Kung gagamitin natin ang mismong ginawa ng mga taga-Ninive upang ipaliwanag ang salitang ito, nangangahulugan ito na naniwala sila na gagawin at kayang gawin ng Diyos ang Kanyang sinabi, at nakahanda silang magsisi. Ang mga taga-Ninive ba ay nakadama ng takot sa harap ng nalalapit na panganib? Ang kanilang paniniwala ang nagdulot ng takot sa kanilang mga puso. Pero ano ang magagamit natin upang patunayan ang paniniwala at takot ng mga taga-Ninive? Tulad ng sinasabi sa Biblia: “at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan sa kanila hanggang sa kaliitliitan sa kanila.” Ito ang magsasabi na ang mga taga-Ninive ay tunay na naniwala, at nagdulot ng takot ang paniniwalang ito, na humantong sa pag-aayuno at pagsusuot ng sako. Ganito nila ipinakita ang simula ng kanilang pagsisisi. Sa lubos na kabaliktaran sa mga taga-Sodoma, hindi lamang sa hindi nilabanan ng mga taga-Ninive ang Diyos, malinaw din nilang ipinakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng kanilang pag-uugali at mga pagkilos. At siyempre, hindi lamang ito para sa mga karaniwang mamamayan ng Ninive; maging ang kanilang hari ay hindi natatangi.

Ang Pagsisisi ng Hari ng Ninive ang Pumukaw sa Papuri ng Diyos na si Jehova

Nang marinig ng hari ng Ninive ang balitang ito, tumayo siya mula sa kanyang trono, hinubad ang kanyang balabal, nagdamit ng sako at umupo sa abo. Pagkatapos ay kanyang ipinahayag na wala kahit isa ang papayagang tumikim ng anuman, at walang mga hayop, mga tupa at baka ang kakain o iinom ng tubig. Pareho na ang tao at ang hayop ay magdadamit ng sako; lahat ng mamamayan ay magmamakaawa sa Diyos. Ipinahayag din ng hari na bawat isa sa kanila ay tatalikod na sa kanilang masasamang gawain at tatalikdan ang karahasan ng kanilang mga kamay. Sa paghatol sa sunod-sunod na mga gawaing ito, ipinakita ng hari ng Ninive ang kanyang taos-pusong pagsisisi. Ang sunod-sunod na mga pagkilos na kanyang ginawa—pagtayo mula sa kanyang trono, paghubad sa kanyang balabal ng pagiging hari, pagdamit ng sako at pag-upo sa abo—ang nagpahayag sa mga tao na isinantabi ng hari ng Ninive ang kanyang katayuan bilang hari at nagdamit ng sako kasama ang mga pangkaraniwang mamamayan. Masasabi natin na ang hari ng Ninive ay hindi nanatili sa kanyang pagiging hari para ipagpatuloy ang kanyang masamang gawa o ang karahasan sa kanyang mga kamay matapos marinig ang balita mula sa Diyos na si Jehova; sa halip, isinantabi niya ang awtoridad na kanyang hawak at nagsisi sa harap ng Diyos na si Jehova. Sa pagkakataong ito, hindi nagsisisi ang hari ng Ninive bilang hari; humarap siya sa Diyos upang magkumpisal at magsisi sa kanyang mga kasalanan bilang isang pangkaraniwang nilalang ng Diyos. Bukod pa dito, sinabihan din niya ang buong lungsod na magkumpisal at magsisi sa kanilang mga kasalanan sa harap ng Diyos na si Jehova tulad ng ginawa niya; dagdag pa dito, may tiyak siyang plano kung paano isasagawa ito, tulad ng makikita sa Kasulatan: “Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anomang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig: ... at magsidaing silang mainam sa Diyos: oo, talikdan ng bawa’t isa ang kanyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang mga kamay.” Bilang tagapamahala ng lungsod, ang hari ng Ninive ay nagtataglay ng pinakamataas na katayuan at kapangyarihan at makakaya niyang gawin ang anumang bagay na kanyang naisin. Nang matanggap ang pahayag ng Diyos na si Jehova, maaari naman niyang balewalain na lang ito o nangumpisal na lamang at nagsisi sa kanyang mga kasalanan nang nag-iisa; kung pipiliin ng mga tao sa lungsod ang magsisi o hindi, maaari naman niyang pabayaan na lamang nang lubusan ang bagay na ito. Ngunit hindi kailanman ito ginawa ng hari ng Ninive. Hindi lamang siya tumayo mula sa kanyang trono, nagdamit ng sako at naupo sa abo at nangumpisal at nagsisi sa kanyang mga kasalanan sa harap ng Diyos na si Jehova, inutusan din niya ang lahat ng tao at mga hayop sa buong lungsod na gayon din ang gawin. Inutusan pa niya ang mga tao na “buong taimtim na tumawag sa Diyos.” Sa pamamagitan ng mga sunod-sunod na gawaing ito, tunay na nagampanan ng hari ng Ninive kung paano maging tagapamahala; ang kanyang mga ginawa ay isang bagay na mahirap gawin ng sinumang hari sa kasaysayan ng tao, at isang bagay din na walang nakagawa. Ang mga gawaing ito ay maaaring tawagin na wala pang nakagagawa noon sa kasaysayan ng sangkatauhan; sila ay karapat-dapat na parehong alalahanin at tularan ng sangkatauhan. Simula sa pagsisimula ng tao, pinangunahan ng bawat hari ang kanyang mga nasasakupan na tanggihan at labanan ang Diyos. Wala kahit isa ang pinangunahan ang kanyang mga nasasakupan na magsumamo sa Diyos upang tubusin sila sa kanilang kasamaan, tanggapin ang pagpapatawad ng Diyos na si Jehova at maiwasan ang nalalapit na kaparusahan. Subalit ang hari ng Ninive ay nakayang pangunahan ang kanyang mga nasasakupan na manumbalik sa Diyos, iwan na ang kanilang makasalanang mga gawa at layuan na ang karahasan sa kanilang mga kamay. Bukod pa dito, nagawa rin niyang iwanan ang kanyang trono, at bilang ganti, nagbago ang isip at nag-iba ang damdamin ng Diyos na si Jehova at binawi ang Kanyang poot, at hinayaan ang mga mamamayan ng lungsod na maligtas at malayo mula sa pagkawasak. Ang mga ginawa ng hari ay maaari lamang matawag na isang pambihirang himala sa kasaysayan ng tao; at maaari din silang matawag na isang modelo ng tiwaling sangkatauhan na mangumpisal at magsisi sa kanilang mga kasalanan sa harap ng Diyos.

Nakikita ng Diyos ang Tapat na Pagsisisi sa Kaibuturan ng mga Puso ng mga Taga-Ninive

Pagkatapos mapakinggan ang pagpapahayag ng Diyos, ang hari ng Ninive at ang kanyang mga nasasakupan ay nagsagawa ng serye ng mga pagkilos. Ano ang kalikasan ng kanilang asal at mga gawa? Sa madaling salita, ano ang diwa ng kabuuan ng kanilang pag-uugali? Bakit nila ginawa ang kanilang nagawa? Sa mata ng Diyos, matapat ang kanilang pagsisisi, hindi lamang dahil buong sikap silang nagsumamo sa Diyos at nangumpisal sa kanilang mga kasalanan sa harap Niya, kundi dahil na rin sa iniwan na nila ang kanilang masamang pag-uugali. Ginawa nila ang ganito dahil matapos nilang marinig ang mga salita ng Diyos, labis silang natakot at naniwala na gagawin Niya ang Kanyang sinabi. Sa pamamagitan ng pag-aayuno, pagdadamit ng sako at pag-upo sa abo, ninais nilang ipahayag ang kanilang pagpayag na baguhin ang kanilang mga pamamaraan at tumigil na sa kasamaan, upang manalangin sa Diyos na si Jehova na pigilin ang Kanyang galit, upang magsumamo sa Diyos na si Jehova na bawiin ang Kanyang pasya, gayundin ang malaking kapahamakan na malapit nang dumating sa kanila. Sa pamamagitan ng pagsiyasat sa lahat ng kanilang pag-uugali, makikita natin na naunawaan na nila na ang kanilang nakaraang masasamang gawa ay kasuklam-suklam sa Diyos na si Jehova at naunawan nila ang dahilan kung bakit malapit na Niya silang puksain. Dahil sa mga katwirangf ito, ninais nilang lahat na lubusang magsisi, talikuran ang kanilang masasamang gawa, at iwanan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling salita, nang maunawaan na nila ang pahayag ng Diyos na si Jehova, ang bawat isa sa kanila ay nakadama ng takot sa kanilang mga puso; hindi na nila ipinagpatuloy ang kanilang masamang pag-uugali ni hindi na nagpatuloy na gawin ang mga gawaing kinamumuhian ng Diyos na si Jehova. Dagdag pa dito, nagsumamo sila sa Diyos na si Jehova na patawarin ang kanilang mga nakaraang kasalanan at huwag silang parusahan batay sa kanilang mga nakaraang ginawa. Nakahanda silang hindi na kailanman muling mamumuhay sa kasamaan at gagawa na sila ayon sa mga ipinag-uutos ng Diyos na si Jehova, hindi na nila kailanman muling pasisiklabin ang galit ng Diyos na si Jehova. Tapat at ganap ang kanilang pagsisisi. Galing ito sa kaibuturan ng kanilang mga puso at hindi nagkukunwari, ni hindi ito pansamantala.

Sa sandaling nalaman ng mga taga-Ninive, mula sa kataas-taasang hari hanggang sa kanyang mga nasasakupan, na nagagalit sa kanila ang Diyos na si Jehova, ang bawat isa sa kanilang mga gagawin, ang kanilang buong asal, maging ang bawat pagpapasya at pagpili ay malinaw at lantad sa paningin ng Diyos. Nagbago ang puso ng Diyos ayon sa kanilang pag-uugali. Ano ang nasa isip ng Diyos ng mga sandaling iyon? Kayang sagutin ng Biblia ang tanong na iyan para sa iyo. Ayon sa nakatala sa Kasulatan: “At nakita ng Dios ang kanilang mga gawa, na sila’y nagsihiwalay sa kanilang masamang lakad; at nagsisi ang Dios sa kasamaan, na Kaniyang sinabing Kaniyang gagawin sa kanila; at hindi Niya ginawa.” Bagaman binago ng Diyos ang Kanyang isip, walang bagay na magulo tungkol sa kalagayan ng Kanyang kaisipan. Binago lamang Niya ang kalagayan mula sa paghahayag ng Kanyang galit tungo sa pagpapakalma ng Kanyang galit, at pagkatapos ay nagpasya na huwag nang dalhin ang malupit na kapahamakan sa lungsod ng Ninive. Ang dahilan kung bakit napagpasyahan ito ng Diyos—na iligtas ang mga taga-Ninive mula sa malupit na kapahamakan—nang napakabilis ay napagmasdan ng Diyos ang puso ng bawat tao sa Ninive. Nakita Niya ang kanilang itinatago mula sa kalaliman ng kanilang mga puso: ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, ang kanilang tapat na paniniwala sa Kanya, ang kanilang malalim na pakiramdam kung paano na ang kanilang masasamang gawa ay lubos na nagpagalit sa Kanyang disposisyon, at nagdulot ng takot sa nalalapit na kaparusahan ng Diyos na si Jehova. At gayundin naman, narinig din ng Diyos na si Jehova ang mga panalangin mula sa kaibuturan ng kanilang mga puso na taimtim na nakiusap na pigilin Niya ang Kanyang galit laban sa kanila upang makaiwas sila sa parating na kapahamakan. Nang mapansin ng Diyos ang lahat ng pangyayaring ito, unti-unting naglaho ang Kanyang galit. Kahit gaano kalaki ang Kanyang galit sa nakaraan, nang makita Niya ang tapat na pagsisisi sa kaibuturan ng mga puso ng mga taong ito, nabagbag nito ang Kanyang puso, kaya’t hindi Niya makayang dalhin ang kapahamakan sa kanila, at humupa na ang Kanyang galit sa kanila. Sa halip, patuloy Niyang ipinadama ang Kanyang awa at pagpapaubaya sa kanila at patuloy silang ginabayan at tinustusan.

Kung ang Paniniwala Mo sa Diyos ay Totoo, Madalas Mong Matatanggap ang Kanyang Pagkalinga

Ang pagbabago ng Diyos ng Kanyang mga intensyon sa mga mamamayan ng Ninive ay walang kasamang pag-aalinlangan o kalabuan. Sa halip, pag-iba ito ng anyo mula sa ganap na pagkagalit tungo sa ganap na pagpaparaya. Ito ay isang tunay na pahayag ng diwa ng Diyos. Ang Diyos ay hindi kailanman nag-aalangan o nag-aatubili sa Kanyang mga kilos; ang mga prinsipyo at mga layunin sa likod ng Kanyang mga kilos ay malinaw at tumatagos sa lahat, dalisay at walang kapintasan, tiyak na walang mga daya o mga balakin na nakahalo sa loob. Sa madaling salita, walang nakahalong kadiliman o kasamaan sa diwa ng Diyos. Nagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive dahil ang kanilang masasamang gawa ay nakaabot na sa Kanyang paningin; sa panahong iyon, ang Kanyang galit ay nagmula sa Kanyang diwa. Ngunit, nang mawala na ang galit ng Diyos at minsan pa ay Kanyang ipinagkaloob ang pagpaparaya sa mga taga-Ninive, lahat ng Kanyang ipinahayag ay ang Kanya pa ring sariling diwa. Ang kabuuan ng pagbabagong ito ay dahil sa pagbabago sa pag-uugali ng tao para sa Diyos. Sa loob ng buong panahong ito, ang hindi maaaring saktan na disposisyon ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagparayang diwa ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagmahal at maawaing diwa ng Diyos ay hindi nagbago. Kapag nakagawa ng masasamang gawa ang mga tao at magkasala sa Diyos, ipadadala Niya ang Kanyang galit sa kanila. Kapag tunay na nagsisi ang mga tao, magbabago ang puso ng Diyos, at huhupa ang Kanyang galit. Kapag nagpatuloy ang mga tao sa pagmamatigas na paglaban sa Diyos, ang Kanyang matinding galit ay hindi mapipigil; ang Kanyang poot ay unti-unting ididiin hanggang sa sila ay mawasak. Ito ang diwa ng disposisyon ng Diyos. Magpapahayag man ang Diyos ng poot o awa at kagandahang-loob, ang asal, pag-uugali at saloobin ng tao para sa Diyos na nagmumula sa kalaliman ng kanyang puso ang magdidikta ng kung ano ang ipapahayag sa pamamagitan ng pahayag ng disposisyon ng Diyos. Kung patuloy na isasailalim ng Diyos ang isang tao sa Kanyang poot, malamang na ang puso ng taong ito ay lumalaban sa Diyos. Dahil hindi siya kailanman nagsisi nang lubusan, hindi nagpakumbaba sa harap ng Diyos o nagtaglay ng tunay na paniniwala sa Diyos, hindi niya kailanman nakamit ang awa at pagpaparaya ng Diyos. Kapag ang isang tao ay madalas makatanggap ng pag-iingat ng Diyos at madalas makamit ang Kanyang awa at pagpaparaya, ibig sabihin ang taong ito sa kanyang puso ay walang alinlangan na may tunay na paniniwala sa Diyos, at ang kanyang puso ay hindi lumalaban sa Diyos. Madalas siyang nagsisisi sa harap ng Diyos; kaya, kahit madalas dumating sa kanya ang disiplina ng Diyos, hindi ang Kanyang poot.

Ang maikling kwentong ito ay nagpapahintulot sa mga tao na makita ang puso ng Diyos, para makita ang pagiging totoo ng Kanyang diwa, para makita na ang Kanyang galit at ang pagbabago ng Kanyang puso ay may dahilan. Sa kabila ng malinaw na pagkakaiba na ipinakita ng Diyos nang Siya ay magalit at nang baguhin Niya ang Kanyang puso, bagay na nagpaniwala sa mga tao na parang may malaking puwang o malaking pagkakaiba sa pagitan ng dalawang aspetong ito ng diwa ng Diyos—ang Kanyang galit at ang Kanyang pagpaparaya—ang saloobin ng Diyos sa pagsisisi ng mga taga-Ninive ay muling nagbigay ng pagkakataon sa mga tao na makita ang kabilang bahagi ng tunay na disposisyon ng Diyos. Ang pagbabago ng puso ng Diyos ay tunay na nagbibigay ng pagkakataon sa sangkatauhan na makitang muli ang katotohanan ng awa at kabutihan ng Diyos at upang makita ang tunay na pahayag ng diwa ng Diyos. Ngunit kailangan ng sangkatauhan na kilalanin na ang awa at kabutihan ng Diyos ay hindi mga kathang-isip, ni mga gawa-gawa lamang. Ito ay dahil totoo ang nararamdaman ng Diyos sa pagkakataon na iyon; ang pagbabago ng puso ng Diyos ay totoo; tunay na minsan pang ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan.

Ang Tunay na Pagsisisi sa Puso ng mga Taga-Ninive ang Nagdulot sa Kanila ng Awa ng Diyos at Nagpabago sa Kanilang Sariling Katapusan

May anumang pagkakasalungat ba sa pagitan ng pagbabago ng puso ng Diyos at sa Kanyang poot? Siyempre wala! Ito ay sapagkat may dahilan ang pagpaparaya ng Diyos sa pagkakataong ito. Ano kaya ang dahilan na ito? Ito ang sinabi sa Biblia: “Bawat tao ay lumayo sa kanyang masamang gawi” at “iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay.”

Ang “masamang gawi” ay hindi tumutukoy sa isang dakot na masasamang gawa, kundi ang masamang pinagmumulan sa likod ng pag-uugali ng mga tao. “Ang paglayo sa kanyang masamang gawi” ay nangangahulugan na hindi na nila kailanman muling gagawin ang mga gawaing ito. Sa madaling salita, hindi na sila kailanman muling mamumuhay sa masamang gawing ito; ang paraan, pinagmulan, layunin, intensyon at prinsipyo ng kanilang mga gawain ay nagbagong lahat; hindi na nila kailanman muling gagamitin ang mga pamamaraan at mga prinsipyong ito upang magdulot ng kasiyahan at kaligayahan sa kanilang mga puso. Ang “iniwan” sa “iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay” ay nangangahulugan na binitawan o isinantabi, upang ganap na makawala sa nakaraan at hindi na kailanman muling babalikan. Nang iwanan ng mga taga-Ninive ang karahasan sa kanilang mga kamay, pinatunayan at kinatawan nito ang tunay nilang pagsisisi. Pinagmamasdan ng Diyos ang panlabas na kalagayan ng mga tao, gayundin ang kanilang mga puso. Nang mapansin ng Diyos ang tunay na pagsisisi nang walang pag-aalinlangan sa puso ng mga taga-Ninive, at napansin din na tinalikdan na nila ang kanilang masasamang gawi at iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, binago Niya ang Kanyang puso. Ibig sabihin, ang asal at pag-uugali ng mga taong ito at ang iba’t ibang pamamaraan ng kanilang paggawa, gayundin ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa mga kasalanan sa kanilang puso, ang dahilan kaya nagbago ang puso ng Diyos, nagbago ang Kanyang mga intensiyon, umatras sa Kanyang pagpapasya at hindi na sila parurusahan o lilipulin man. Kaya nagkaroon ang mga taga-Ninive ng ibang katapusan. Nailigtas nila ang kanilang sariling mga buhay at natamo rin nila ang awa at pagpaparaya ng Diyos, kung saan iniatras din ng Diyos ang Kanyang poot.

Ang Awa at Pagpaparaya ng Diyos ay Hindi Bihira—Ang Totoong Pagsisisi ng Tao ang Ganoon

Kahit gaano man ang galit ng Diyos sa mga taga-Ninive, sa sandaling nagpahayag sila ng pag-aayuno at nagsuot ng sako at naupo sa abo, unti-unting lumambot ang Kanyang puso, at nagsimulang baguhin ang Kanyang puso. Nang sabihin Niyang wawasakin Niya ang kanilang lungsod—ang panahon bago ang kanilang pangungumpisal at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan— galit pa rin sa kanila ang Diyos. Nang dumaan sila sa serye ng mga pagsisisi, unti-unting humupa ang galit ng Diyos sa mga taga-Ninive at napalitan ng awa at pagpaparaya sa kanila. Walang anumang salungatan tungkol sa magkaparehong pahayag ng dalawang aspeto ng disposisyon ng Diyos sa magkaparehong pangyayari. Paano mauunawaan at malalaman ng isang tao ang ganitong kawalan ng pagkakasalungatan? Magkasunod na ipinahayag ng Diyos ang dalawang magkatapat na bahaging ito ng mga diwa nang magsisi ang mga taga-Ninive, upang makita ng mga tao ang pagiging totoo at pagka-di-napupuno ng diwa ng Diyos. Ginamit ng Diyos ang Kanyang saloobin upang sabihin sa mga tao ang mga sumusunod: Ito ay hindi dahil kinukunsinti ng Diyos ang mga tao, o hindi Niya nais na maawa sa kanila; ito ay dahil sa bihira silang magsisi nang tapat sa Diyos, at bihirang tunay na talikdan ng mga tao ang kanilang masasamang gawi at iwanan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling sabi, kapag nagagalit ang Diyos sa tao, umaasa Siya na makakaya ng tao na magsisi nang tapat, at umaasa Siya na makikita ang tunay na pagsisisi ng tao, na dahil dito, buong laya Niyang ipagpapatuloy na ipagkaloob ang Kanyang awa at pagpaparaya sa tao. Ibig sabihin nito na ang masamang ugali ng tao ang nagdudulot ng poot ng Diyos, at kung saan ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay ipagkakaloob sa mga nakikinig sa Diyos at tunay na nagsisisi sa harap Niya, sa mga makatatalikod sa kanilang masasamang gawi at maiiwan ang karahasan ng kanilang mga kamay. Ang saloobin ng Diyos ay malinaw na ipinahayag sa Kanyang pakikitungo sa mga taga-Ninive: Ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay hindi lubhang mahirap na makamit; hinihingi Niya sa isa ang tunay na pagsisisi. Hangga’t ang mga tao ay tatalikod sa kanilang masasamang gawi at iiwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, babaguhin ng Diyos ang Kanyang puso at ang Kanyang saloobin sa kanila.

Ang Matuwid na Disposisyon ng Lumikha ay Tunay at Malinaw

Nang binago ng Diyos ang Kanyang puso para sa mga taga-Ninive, isang pagkukunwari lamang ba ang Kanyang awa at pagpaparaya? Siyempre hindi! Kung gayon, ano ang hinahayaan ng pagbabago sa pagitan ng dalawang aspetong ito ng disposisyon ng Diyos sa panahon ng magkaparehong pangyayari na makita mo? Ang disposisyon ng Diyos ay ganap na buo; hindi ito kahit kailan nahahati. Naghahayag man Siya ng galit o awa at pagpaparaya tungo sa mga tao, ang lahat ng ito ay pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos ay tunay at malinaw. Binabago Niya ang Kanyang isip at saloobin batay sa pag-unlad ng mga bagay-bagay. Ang pagbabago ng Kanyang saloobin tungo sa mga taga-Ninive ay nagsasabi sa sangkatauhan na mayroon Siyang sariling mga kaisipan at ideya; hindi Siya isang robot o luwad na rebulto, kundi ang buhay na Diyos Mismo. Maaari Siyang magalit sa mga mamamayan ng Ninive, kagaya ng maaari Niyang patawarin ang kanilang mga nakaraan batay sa kanilang mga pag-uugali; maaari Siyang magpasya na magpadala ng kasawian sa mga taga-Ninive, at maaari Niyang baguhin ang Kanyang pagpapasya dahil sa kanilang pagsisisi. Mas gusto ng mga tao na ilapat ang mga alituntunin nang wala-sa-loob, at mas gusto nilang gamitin ang mga alituntunin upang itatag at bigyang-kahulugan ang Diyos, tulad ng kanilang pagnanais na gumamit ng mga pormula upang alamin ang disposisyon ng Diyos. Kaya, batay sa kinasasaklawan ng kaisipan ng tao, ang Diyos ay hindi nag-iisip, ni wala Siyang anumang makabuluhang mga ideya. Sa realidad, ang mga kaisipan ng Diyos ay patuloy na nagbabago ayon sa mga pagbabago sa mga bagay-bagay at sa mga kapaligiran; habang ang mga kaisipang ito ay nagbabago, mabubunyag ang iba’t ibang aspeto ng diwa ng Diyos. Sa panahong ito ng proseso ng pagbabago, sa sandaling binabago ng Diyos ang Kanyang puso, ibinubunyag Niya sa sangkatauhan ang katotohanan ng pag-iral ng Kanyang buhay, at ibinubunyag Niya na ang Kanyang matuwid na disposisyon ay tunay at malinaw. Bukod pa rito, ginagamit ng Diyos ang Kanyang sariling tunay na mga pahayag upang patunayan sa sangkatauhan ang katotohanan ng pag-iral ng Kanyang poot, Kanyang awa, Kanyang mapagmahal-na-kabaitan at Kanyang pagpaparaya. Ang Kanyang diwa ay mabubunyag sa anumang sandali at saan mang lugar alinsunod sa mga pag-unlad ng mga bagay-bagay. May angkin Siyang poot ng isang leon at kahabagan at pagpaparaya ng isang ina. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay hindi hinahayaang mapagdudahan, malabag, mabago o mabaluktot ng sinumang tao. Sa lahat ng pangyayari at mga bagay-bagay, ang matuwid na disposisyon ng Diyos, iyon ay, ang poot ng Diyos at awa ng Diyos, ay mabubunyag anumang sandali at saan mang lugar. Malinaw Niyang ipinahahayag ang mga aspetong ito sa bawat sulok at bitak ng kalikasan at maliwanag na isinasakatuparan ang mga iyon sa bawat sandali. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi limitado ng panahon o lugar, o sa madaling salita, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi ipinapahayag na parang makina o ibinubunyag ayon sa idinidikta ng mga hangganan ng panahon o lugar. Sa halip, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay malayang naihahayag at nabubunyag sa anumang panahon o saan mang lugar. Nang nakita mong binago ng Diyos ang Kanyang puso at huminto sa paghahayag ng Kanyang poot at tumigil sa pagwasak sa lungsod ng Ninive, masasabi mo ba na mahabagin at mapagmahal lamang ang Diyos? Masasabi mo ba na ang poot ng Diyos ay naglalaman ng walang-saysay na mga salita? Kapag ipinadarama ng Diyos ang matinding poot at iniuurong ang Kanyang awa, masasabi mo ba na hindi Siya nakakaramdam ng tunay na pagmamahal sa sangkatauhan? Naghahayag ng matinding poot ang Diyos bilang tugon sa masasamang gawa ng mga tao; ang Kanyang poot ay walang kapintasan. Ang puso ng Diyos ay naaantig ng pagsisisi ng mga tao, at ang pagsisising ito ang siyang bumabago sa Kanyang puso. Ang pagiging naantig Niya, ang pagbabago ng Kanyang puso gayundin ang Kanyang awa at pagpaparaya sa tao ay lubos na walang kapintasan; ang mga iyon ay malinis, dalisay, walang-dungis at walang-halo. Ang pagpaparaya ng Diyos ay dalisay na pagpaparaya; ang Kanyang awa ay dalisay na awa. Ibubunyag ng Kanyang disposisyon ang poot, gayon din ang awa at pagpaparaya, batay sa pagsisisi ng tao at sa kanyang naiibang asal. Kahit ano man ang Kanyang ibinubunyag at ipinahahayag, lahat ng ito ay dalisay; lahat ng ito ay direkta; ang diwa nito ay iba mula roon sa anumang nilikha. Ang mga prinsipyo ng mga pagkilos na ipinapahayag ng Diyos, ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya o anumang partikular na pagpapasya, gayundin ang anumang nag-iisang pagkilos, ay walang-bahid ng anumang mga kapintasan o dungis. Ayon sa naipapasya ng Diyos at ayon sa kilos Niya, kaya tinatapos Niya ang Kanyang mga pagbalikat. Ang ganitong mga uri ng mga resulta ay tiyak at walang-kapintasan sapagkat ang pinagmulan ng mga iyon ay walang-kapintasan at walang-dungis. Ang poot ng Diyos ay walang-kapintasan. Gayundin, ang awa at pagpaparaya ng Diyos, na hindi taglay ng anumang nilalang, ay banal at walang-kapintasan, at makakatayo ang mga iyon sa pagtatalo at karanasan.

Matapos maunawaan ang kasaysayan ng Ninive, nakikita ba ninyo ang kabilang panig ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Nakikita ba ninyo ang kabilang panig ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos? Mayroon bang sinuman sa sangkatauhan na nagtataglay ng ganitong uri ng disposisyon? Mayroon bang sinuman na nagtataglay nitong uri ng poot na tulad ng sa Diyos? Mayroon bang sinuman na nagtataglay ng awa at pagpaparaya na tulad ng sa Diyos? Sino sa gitna ng sangnilikha ang makakatawag ng gayon katinding poot at nagpapasya na wasakin o magdala ng kalamidad sa sangkatauhan? At sino ang karapat-dapat na magkaloob ng awa, na magparaya at patawarin ang tao, at sa gayon ay binabago ang pasya ng isa na wasakin ang tao? Ipinahahayag ng Lumikha ang Kanyang matuwid na disposisyon sa pamamagitan ng Kanyang sariling natatanging mga pamamaraan at prinsipyo; wala Siya sa ilalim ng pagpigil o mga pagbabawal ng sinumang mga tao, alinmang mga pangyayari o bagay-bagay. Dahil sa Kanyang natatanging disposisyon, walang sinuman ang nakakapagbago sa Kanyang mga kaisipan at mga ideya, ni walang sinuman ang nakakahimok sa Kanya at baguhin ang alinman sa Kanyang mga pagpapasya. Ang kabuuan ng asal at mga kaisipan ng sangnilikha ay umiiral sa ilalim ng paghatol ng Kanyang matuwid na disposisyon. Walang sinumang makakapigil sa Kanyang pagkapoot o pagkaawa; tanging ang diwa lamang ng Lumikha—o sa madaling salita, ang matuwid na disposisyon ng Lumikha—ang nakapagpapasya rito. Ito ang natatanging kalikasan ng matuwid na disposisyon ng Lumikha!

Sa sandaling nasusuri at nauunawaan natin ang pagbabago ng saloobin ng Diyos sa mga taga-Ninive, nakakaya ba ninyong gamitin ang salitang "natatangi" upang ilarawan ang awa na taglay ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Sinabi na natin sa nakaraan na ang poot ng Diyos ay isang aspeto ng diwa ng Kanyang natatanging matuwid na disposisyon. Bibigyang-kahulugan Ko ngayon ang dalawang aspeto, ang poot ng Diyos at ang awa ng Diyos, bilang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay banal; ito ay di-naaagrabyado at napagdududahan; ito ay isang bagay na hindi taglay ng sinuman sa mga nilalang o hindi-nilalang na mga kabuuan. Ito ay parehong natatangi at para lamang sa Diyos. Sinasabi nito na ang poot ng Diyos ay banal at di-naaagrabyado; at gayundin naman, ang isa pang aspeto ng matuwid na disposisyon ng Diyos—ang awa ng Diyos—ay banal at hindi maaaring sumala. Walang sinuman sa mga nilikha o hindi-nilikhang kabuuan ang makakapalit o kayang kumatawan sa Diyos sa Kanyang mga pagkilos, ni walang makakapalit o kayang kumatawan sa Kanya sa pagwasak sa Sodoma o sa pagliligtas sa Ninive. Ito ang tunay na pagpapahayag ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos.

Ang Taos na Damdamin ng Lumikha Tungo sa Sangkatauhan

Madalas na sinasabi ng mga tao na hindi madaling bagay ang kilalanin ang Diyos. Ngunit sinasabi Ko na ang pagkilala sa Diyos ay hindi isang mahirap na bagay kahit kailan, sapagkat madalas na hinahayaan ng Diyos ang tao na sumaksi sa Kanyang mga gawa. Hindi kailanman itinitigil ng Diyos ang Kanyang pakikipag-usap sa sangkatauhan; hindi Niya kailanman tinatakpan ang Sarili Niya mula sa tao, ni naitatago Niya ang Sarili Niya. Ang Kanyang mga kaisipan, ang Kanyang mga ideya, ang Kanyang mga salita at Kanyang mga gawa ay ibinubunyag na lahat sa sangkatauhan. Samakatuwid, hanggga’t ninanais ng tao na kilalanin ang Diyos, maaari niyang unawain at kilalanin Siya sa pamamagitan ng lahat ng uri ng mga paraan at pamamaraan. Ang dahilan kung bakit pabulag na iniisip ng tao na sinasadyang iwasan siya ng Diyos, na sinasadyang pagtaguan ng Diyos ang sangkatauhan, na ang Diyos ay walang intensyon na hayaan ang tao na unawain at kilalanin Siya, ay yaong hindi niya alam kung sino ang Diyos, ni ninanais niya na maunawaan ang Diyos; lalong higit pa, wala siyang pakialam sa mga kaisipan, mga salita o mga gawa ng Lumikha…. Sa totoo lang, kung ginagamit lamang ng isa ang kanilang bakanteng oras upang pagtuunan ng pansin at unawain ang mga salita o gawa ng Lumikha, at magbigay ng kaunting pansin sa mga kaisipan ng Lumikha at sa tinig ng Kanyang puso, hindi magiging mahirap para sa kanila na matanto na nakikita at malinaw ang mga kaisipan, mga salita at mga gawa ng Lumikha. Gayundin, kakailanganin ang kaunting pagsisikap upang matanto na ang Lumikha ay nasa kalagitnaan ng tao sa lahat ng panahon, na lagi Siyang nakikipag-usap sa tao at sa kabuuan ng sangnilikha, at Siya ay gumaganap ng mga bagong gawa sa araw-araw. Ang Kanyang diwa at disposisyon ay ipinahahayag sa Kanyang pakikipag-usap sa tao; ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay lubos na ibinubunyag sa Kanyang mga gawa; Sinasamahan Niya at inoobserbahan ang sangkatauhan sa lahat ng sandali. Tahimik Siyang nagsasalita sa sangkatauhan at sa buong sangnilikha sa Kanyang tahimik na mga salita: Ako ay nasa mga kalangitan, at Ako ay nasa kalagitnaan ng Aking sangnilikha. Ako ay patuloy na nagmamasid; Ako ay naghihintay; Ako ay nasa iyong tabi…. Ang Kanyang mga kamay ay mainit-init at malakas; ang Kanyang mga yapak ay magaan; ang Kanyang tinig ay mahina at malambing; ang Kanyang anyo ay pabalik-balik, niyayakap ang buong sangkatauhan; ang Kanyang mukha ay maganda at mahinhin. Hindi Siya kailanman umalis, ni naglaho man. Araw at gabi, Siya ang palaging kasama ng sangkatauhan. Ang Kanyang matapat na pag-iingat at natatanging pagmamahal sa sangkatauhan, gayon din ang Kanyang tunay na pagmamalasakit at pag-ibig sa tao, ay ipinakita nang paunti-unti nang iligtas Niya ang lungsod ng Ninive. Sa partikular, ang pag-uusap sa pagitan ng Diyos na si Jehova at ni Jonas ay naglantad nang mas malinaw sa pagkahabag ng Lumikha sa sangkatauhan na nilikha Niya Mismo. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, makakamit mo ang malalim na pagkaunawa sa taos na mga damdamin ng Diyos para sa sangkatauhan…

Ang mga sumusunod ay nakatala sa Aklat ni Jonas 4:10–11: “At sinabi ni Jehova, Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawang pung libong katao na hindi marunong magmunimuni ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?” Ang mga ito ang aktuwal na sinabi ng Diyos na si Jehova, sa pag-uusap sa pagitan Niya at ni Jonas. Bagaman ang pag-uusap na ito ay maigsi lamang, ito ay puno ng pagkalinga ng Lumikha sa sangkatauhan at ng Kanyang pag-aatubili na bitawan siya. Ang mga salitang ito ay nagpapahayag ng tunay na saloobin at mga nararamdaman ng Diyos sa Kanyang puso para sa Kanyang sangnilikha, at sa pamamagitan ng malinaw na mga salitang ito, na ang katulad ay madalang marinig ng tao, ay ipinangungusap ng Diyos ang Kanyang tunay na intensyon para sa sangkatauhan. Ang pag-uusap na ito ay kumakatawan sa saloobin na taglay ng Diyos sa mga mamamayan ng Ninive—ngunit anong uri ng saloobin ito? Ito ang saloobin na Kanyang taglay sa mga taga-Ninive bago at pagkatapos ng kanilang pagsisisi. Ganito rin ang pagtrato ng Diyos sa sangkatauhan. Sa loob ng mga salitang ito, matatagpuan ng isa ang Kanyang mga kaisipan, gayon din ang Kanyang disposisyon.

Anong mga kaisipan ng Diyos ang ibinubunyag sa mga salitang ito? Sa masusing pagbabasa ay makikita agad na ginagamit Niya ang salitang “awa”; ang paggamit sa salitang ito ay nagpapakita ng tunay na saloobin ng Diyos para sa sangkatauhan.

Mula sa isang pananaw ng kahulugan ng salita, maaaring bigyang-kahulugan ang salitang “awa” sa iba’t ibang paraan: una, ang mahalin at ingatan, ang maramdaman ang pagiging malambing sa isang bagay; pangalawa, ang magmahal nang buong giliw; panghuli, ang parehong ayaw na saktan ito at hindi kayang tiisin ang gawin ito. Sa madaling sabi, nagpapahiwatig ito ng magiliw na pagmamahal at pag-ibig, gayundin ang hindi pagnanais na isuko ang isang tao o isang bagay; nangangahulugan ito ng awa at pagpaparaya ng Diyos sa tao. Bagaman gumamit ang Diyos ng isang salita na madalas ginagamit ng mga tao, inilalantad ng paggamit ng salitang ito ang tinig ng puso ng Diyos at ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan.

Kahit na ang lungsod ng Ninive ay puno ng mga taong tiwali, masama at marahas katulad niyaong sa Sodoma, ang kanilang pagsisisi ang nagsanhi sa Diyos para baguhin ang Kanyang puso at magpasya na hindi na sila wasakin. Dahil ang kanilang pagtugon sa mga salita at tagubilin ng Diyos ay nagpakita ng saloobing ganap na kabaliktaran niyaong sa mga mamamayan ng Sodoma, at dahil sa kanilang tapat na pagpapasakop sa Diyos at tapat na pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, gayon din sa kanilang tunay at matapat na pag-uugali sa lahat ng pagkakataon, minsan pa ay ipinakita ng Diyos ang Kanyang taos-pusong awa at ipinagkaloob ito sa kanila. Ang gantimpala ng Diyos at ang Kanyang pagkahabag sa sangkatauhan ay imposibleng gayahin ng sinuman; walang tao ang makakapagtaglay ng awa o pagpaparaya ng Diyos, maging ng Kanyang tapat na damdamin tungo sa sangkatauhan. Mayroon bang sinuman na ipinapalagay mong dakilang lalaki o babae, o maging isang makapangyarihang tao, na, mula sa isang mataas na kalagayan, na nagsasalita bilang isang dakilang lalaki o babae o sa isang pinakamataas na kalagayan, na makakapangusap ng ganitong uri sa sangkatauhan o sa sangnilikha? Sino sa kalagitnaan ng sangkatauhan ang makaaalam ng mga kundisyon ng pamumuhay ng sangkatauhan na tulad ng palad ng kanilang mga kamay? Sino ang makakapagdala ng pasanin at pananagutan para sa pag-iral ng sangkatauhan? Sino ang may kakayahang iproklama ang pagwasak ng isang lungsod? At sino ang may kakayahang patawarin ang isang lungsod? Sino ang makakapagsabi na minamahal nila ang kanilang sariling nilikha? Tanging ang Lumikha! Tanging ang Lumikha ang naaawa sa sangkatauhang ito. Tanging ang Lumikha ang nagpapakita ng lambing at pagmamahal sa sangkatauhang ito. Tanging ang Lumikha ang may tunay at hindi napapatid na pagmamahal para sa sangkatauhan. Gayundin, tanging ang Lumikha ang makakapagkaloob ng kaawaan sa sangkatauhang ito at umiibig sa Kanyang buong sangnilikha. Lumulundag at sumasakit ang Kanyang puso sa bawat kilos ng tao: Siya ay nagagalit, nababalisa, at nagdadalamhati sa kasamaan at katiwalian ng tao. Siya ay nalulugod, nagagalak, nagpapatawad at nagsasaya sa pagsisisi at paniniwala ng tao; ang bawat isa sa Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay umiiral at umiikot para sa sangkatauhan; kung ano at kung anong mayroon Siya ay lubos na ipinahahayag para sa kapakanan ng sangkatauhan; ang kabuuan ng Kanyang mga damdamin ay nakaugnay sa pag-iral ng sangkatauhan. Para sa kapakanan ng sangkatauhan, naglalakbay Siya at nagmamadali; tahimik Niyang ibinibigay ang bawat himaymay ng Kanyang buhay; iniaalay Niya ang bawat minuto at segundo ng Kanyang buhay…. Hindi Niya kailanman nalaman kung paano kaawaan ang Kanyang sariling buhay, ngunit lagi Niyang kinakaawaan at minamahal ang sangkatauhan na Kanya Mismong nilikha …. Ibinibigay Niya ang lahat ng kung anong mayroon Siya para sa sangkatauhang ito…. Iginagawad Niya ang Kanyang awa at pagpaparaya nang walang kundisyon at walang inaasahang kagantihan. Ginagawa lamang Niya ito upang patuloy na mananatili ang sangkatauhan sa Kanyang harapan, na tinatanggap ang Kanyang tustos ng buhay; ginagawa lamang Niya ito upang maaaring isang araw ay magpasakop sa Kanya ang sangkatauhan at kilalanin na Siya ang Isa na nag-aalaga sa pag-iral ng tao at nagtutustos ng buhay ng buong sangnilikha.

Ipinapahayag ng Lumikha ang Kanyang Tunay na Mga Damdamin Para sa Sangkatauhan

Ang pag-uusap na ito sa pagitan ng Diyos na si Jehova at ni Jonas ay walang duda na isang pagpapahayag ng tunay na nararamdaman ng Lumikha sa sangkatauhan. Sa isang banda, ipinaaalam nito sa mga tao ang tungkol sa pag-unawa ng Lumikha sa buong sangnilikha sa ilalim ng Kanyang utos; tulad ng sinabi ng Diyos na si Jehova, “At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawang pung libong katao na hindi marunong magmunimuni ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?” Sa madaling salita, ang pag-unawa ng Diyos sa Ninive ay hindi pahapyaw lamang. Alam Niyang hindi lamang ang bilang ng mga nabubuhay sa loob ng lungsod (kasama na ang mga tao at mga hayop), alam din Niya kung ilan ang hindi nakaaalam sa pagitan ng kanilang kanan at kaliwang kamay—ibig sabihin, ilang bata at kabataan ang naroroon. Ito ay isang matibay na patunay sa lubos na pagkaunawa ng Diyos sa sangkatauhan. Sa kabilang banda, ipinaaalam ng pag-uusap na ito sa mga tao ang tungkol sa saloobin ng Lumikha para sa sangkatauhan, ibig sabihin, ang bigat ng sangkatauhan sa puso ng Lumikha. Katulad lamang ito ng sinabi ng Diyos na si Jehova: “Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive sa malaking bayang yaon…?” Ito ay mga salita ng paninisi ng Diyos na si Jehova kay Jonas, ngunit lahat ng iyon ay totoo.

Bagaman pinagkatiwalaan si Jonas upang ipahayag ang salita ng Diyos na si Jehova sa mga taga-Ninive, hindi niya naunawaan ang intensyon ng Diyos na si Jehova, ni naunawaan ang Kanyang mga pag-aalala at mga inaasahan para sa mga mamamayan ng lungsod. Sa pamamagitan ng mahigpit na pangangaral na ito, nais ng Diyos na sabihin sa kanya na ang sangkatauhan ay produkto ng Kanyang sariling mga kamay, at ang Diyos ay naglaan ng maingat na paggawa para sa bawat tao; dala-dala ng bawat tao ang mga pag-asa ng Diyos; tinatamasa ng bawat tao ang tustos na buhay ng Diyos; para sa bawat tao, nagbayad ang Diyos ng isang malaking halaga. Ang mahigpit na pangangaral na ito ay nagpaalala rin kay Jonas na pinapahalagahan ng Diyos ang sangkatauhan, ang gawa ng Kanyang sariling mga kamay, tulad ng pagpapahalaga ni Jonas sa halaman. Hindi sila basta iiwanan ng Diyos sa anumang paraan hanggang sa huling sandali; lalo na, napakaraming bata at mga inosenteng hayop sa loob ng lungsod. Kapag nakikitungo sa mga batang ito at sa mga inosenteng nilalang ng Diyos, na hindi man lamang alam ang kaibahan ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa, lalong hindi kayang tapusin ng Diyos ang kanilang buhay at alamin ang kanilang kalalabasan sa gayong madaliang paraan. Umasa ang Diyos na makita silang lumaki; umasa Siya na hindi sila lalakad sa landas na parehong nilakaran ng kanilang mga matatanda, na hindi na nila kailangang muling marinig ang babala ng Diyos na si Jehova, at sasaksi sila sa nakaraan ng Ninive. Lalong higit pa rito, umasa ang Diyos na makita ang mga taga-Ninive pagkatapos nilang magsisi, na makita ang hinaharap ng Ninive matapos ang kanilang pagsisisi, at higit na mahalaga, na makita ang Ninive na muling namumuhay sa ilalim ng awa ng Diyos. Kaya, sa mata ng Diyos, ang mga nilikhang ito na hindi alam ang kaibahan ng kanilang kanan sa kaliwang kamay ay ang kinabukasan ng Ninive. Sila ang papasan sa kasuklam-suklam na nakaraan ng Ninive, tulad ng kanilang pagpasan sa mahalagang tungkulin ng pagiging saksi sa nakaraan at hinaharap ng Ninive sa ilalim ng paggabay ng Diyos na si Jehova. Sa pahayag na ito ng Kanyang tunay na nararamdaman, iniharap ng Diyos na si Jehova ang awa ng Lumikha para sa sangkatauhan sa kanyang kabuuan. Ipinakita nito sa sangkatauhan na ang “awa ng Lumikha” ay hindi isang walang-laman na parirala, ni isang hungkag na pangako; mayroon itong matibay na mga prinsipyo, mga pamamaraan at layunin. Siya ay tunay at totoo, at hindi gumagamit ng mga kasinungalingan o pagpapanggap, at sa parehong paraang ito, ang Kanyang awa ay walang hanggang ipinagkakaloob sa buong sangkatauhan sa bawat panahon at kapanahunan. Gayunpaman, hanggang sa mismong araw na ito, ang pakikipag-usap ng Lumikha kay Jonas ay ang nag-iisa at natatanging pahayag ng Diyos kung bakit nagpapakita Siya ng awa sa sangkatauhan, kung paano Siya nagpapakita ng awa sa sangkatauhan, gaano Siya nagpaparaya sa sangkatauhan at ang Kanyang tunay na nararamdaman para sa sangkatauhan. Ang maikli ngunit malinaw na pakikipag-usap ng Diyos na si Jehova ay nagpapahayag ng Kanyang kumpletong mga kaisipan para sa sangkatauhan; ito ay isang tunay na pagpapahayag ng saloobin ng Kanyang puso tungo sa sangkatauhan; at isa rin itong matibay na patunay ng Kanyang pagkakaloob ng masaganang awa sa sangkatauhan. Ang Kanyang awa ay hindi lamang ipinagkakaloob sa nakatatandang mga henerasyon ng sangkatauhan; ito ay ipinagkakaloob din sa mga nakababatang miyembro ng sangkatauhan, kagaya lamang ng dati, mula sa isang henerasyon hanggang sa susunod. Bagaman ang poot ng Diyos ay madalas dumarating sa ilang lugar at ilang panahon ng sangkatauhan, ang awa ng Diyos ay hindi kailanman huminto. Sa Kanyang awa, ginagabayan at pinangungunahan Niya ang isang henerasyon ng Kanyang nilikha pagkatapos ng sumunod, tinutustusan at pinagpapala ang isang henerasyon ng nilikha pagkatapos ng sumunod, sapagkat ang Kanyang tunay na nararamdaman tungo sa sangkatauhan ay hindi kailanman magbabago. Tulad ng sinabi ng Diyos na si Jehova: “At hindi baga Ako manghihinayang sa Ninive…?” Lagi Niyang pinapahalagahan ang Kanyang sariling sangnilikha. Ito ang awa ng matuwid na disposisyon ng Lumikha, at ito rin ang dalisay na pagiging natatangi ng Lumikha!

Limang Uri ng mga Tao
Pansamantala, iiwan Ko muna ng ganoon ang ating pagbabahagi tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang susunod ay Aking uuriin ang mga tagasunod ng Diyos sa iba’t ibang kategorya, batay sa kanilang pagkaunawa sa Diyos at ang kanilang pagkaunawa at karanasan sa Kanyang matuwid na disposisyon, upang maaaring malaman ninyo ang yuggto na inyong kinabibilangan sa kasalukuyan gayundin ang inyong kasalukuyang tayog. Batay sa kanilang kaalaman tungkol sa Diyos at sa kanilang pagkaunawa sa Kanyang matuwid na disposisyon, ang iba’t ibang mga yugto at tayog na hinahawakan ng mga tao ay pangkalahatang maaaring mahati sa limang uri. Ang paksang ito ay ipinapalagay batay sa pagkakaalam sa natatanging Diyos at sa Kanyang matuwid na disposisyon; kaya, habang binabasa ninyo ang sumusunod na nilalaman, kailangang subukan ninyo nang buong ingat na alamin ng tumpak kung gaano kalaki ang pagkaunawa at kaalaman na mayroon kayo tungkol sa pagiging natatangi ng Diyos at ang Kanyang matuwid na disposisyon, at gamitin ninyo ito pagkatapos upang hatulan kung saang yugto na kayo tunay na nabibilang, gaano kalaki ang tunay ninyong tayog, at kung anong uri ng tao kayo talaga.

Unang Uri: Ang Yugto ng Sanggol na Nakabigkis ng Damit

Ano ang isang sanggol na nakabigkis ng damit? Ang isang sanggol na nakabigkis ng damit ay isang sanggol na kadarating pa lamang sa mundong ito, isang bagong silang. Ito ang panahon na ang mga tao ay nasa kanilang pinakamaliit at pinakamurang anyo.

Ang mga tao sa yugtong ito ay wala talagang taglay na kamalayan o kaalaman sa mga bagay tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Sila ay naguguluhan at walang alam sa lahat ng bagay. Ang mga taong ito ay maaaring naniwala sa Diyos sa matagal na panahon o hindi pa naman katagalan, ngunit ang kanilang pagkalito at walang nalalamang kalagayan at ang kanilang tunay na tayog ang naglagay sa kanila sa yugto ng isang sanggol na nakabigkis ng damit. Ang tiyak na kahulugan ng mga kalagayan ng isang sanggol na nakabigkis ng damit ay tulad ng: Gaano man katagal naniwala sa Diyos ang uri ng taong ito, lagi siyang matataranta, malilito at simpleng mag-isip; hindi niya alam kung bakit siya naniniwala sa Diyos, ni hindi niya alam kung sino ang Diyos o ano ang Diyos. Bagaman sumusunod siya sa Diyos, walang tumpak na kahulugan ang Diyos sa kanyang puso, at hindi niya malalaman kung ang sinusunod ba niya ay ang Diyos, mas lalo na kung talagang dapat siyang maniwala sa Diyos at sumunod sa Kanya. Ito ang tunay na mga kalagayan ng ganitong uri ng tao. Ang kaisipan ng mga taong ito ay malabo, at sa simpleng salita, ang kanilang paniniwala ay puno ng kalituhan. Lagi silang nabubuhay sa isang kalagayan ng pagkalito at tulala; natataranta, nalilito, at simpleng mag-isip ang nagbubuod sa kanilang mga kalagayan. Hindi nila kailanman nakita ni naramdaman ang pag-iral ng Diyos, kaya’t ang pakikipag-usap sa kanila tungkol sa pagkilala sa Diyos ay parang pagpapabasa sa kanila ng isang aklat na nakasulat sa heroglipiko; hindi nila maiintindihan ito ni tatanggapin man. Para sa kanila, ang pagkilala sa Diyos ay katulad ng pakikinig sa isang hindi kapani-paniwalang kuwento. Bagaman ang kanilang mga isipan ay maaaring malabo, sa katunayan ay matatag ang kanilang paniniwala na ang pagkilala sa Diyos ay isang lubos na pag-aaksaya ng panahon at lakas. Ito ang unang uri ng tao; isang sanggol na nakabigkis ng damit.

Ikalawang Uri: Ang Yugto ng Sanggol na Pinapasuso

Kung ihahambing sa isang sanggol na nakabigkis ng damit, ang uring ito ng tao ay may nagawang ilang progreso. Ang nakakalungkot, wala pa rin silang kahit anumang pagkaunawa sa Diyos. Kulang pa rin sila ng malinaw na pagkaunawa at pananaw tungkol sa Diyos, at hindi sila masyadong malinaw kung bakit kailangan nilang maniwala sa Diyos, ngunit sa kanilang mga puso may sarili silang layunin at malinaw na mga ideya. Hindi sila nag-aalala kung tama ba na maniwala sila sa Diyos. Ang mithiin at layunin na kanilang hinahanap sa pamamagitan ng paniniwala sa Diyos ay para matamasa ang Kanyang biyaya, para magkaroon ng kagalakan at kapayapaan, para mabuhay ng maginhawa, para matamo ang pagkalinga at pag-iingat ng Diyos at mabuhay sa ilalim ng mga pagpapala ng Diyos. Hindi nila iniisip kung anumang antas ang kanilang pagkakilala sa Diyos; wala silang pagnanais na hangaring maunawaan ang Diyos, ni mag-alala sila kung ano ang ginagawa ng Diyos o ano ang mga nais Niyang gawin. Walang taros lang nilang ninanais ang matamasa ang Kanyang biyaya at matanggap ang mas maraming pagpapala Niya; hinahangad nilang matanggap ang marami sa kasalukuyang kapanahunan, at buhay na walang hanggan sa kapanahunang darating. Ang kanilang mga kaisipan, paggugol at panata, at maging ang kanilang paghihirap, ay sama-sama sa parehong layunin: para makamit ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Wala silang malasakit para sa anumang bagay. Nakatitiyak lamang ang ganitong uri ng tao na maaaring ingatan silang ligtas ng Diyos at ipagkaloob sa kanila ang Kanyang biyaya. Masasabi ng sinuman na hindi sila interesado at hindi masyadong malinaw sa kung bakit nais ng Diyos na iligtas ang tao o ang nais ng Diyos na makuhang resulta sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawain. Hindi sila kailanman gumagawa ng paraan upang malaman ang diwa at matuwid na disposisyon ng Diyos, ni maaari silang mag-ukol ng interes na gawin ito. Hindi nila binibigyan ng pansin ang mga bagay na ito, ni magnais silang malaman ang mga ito. Hindi nila binalak na tanungin ang tungkol sa gawain ng Diyos, ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, ang kalooban ng Diyos o anumang may kaugnayan sa Diyos; ni hindi man lamang sila nabahala na tanungin ang tungkol sa mga bagay na ito. Ang dahilan ay dahil naniniwala sila na ang mga bagay na ito ay walang kaugnayan sa kanilang pagtamasa sa biyaya ng Diyos; ang iniisip lamang nila ay ang Diyos na kayang magkaloob ng biyaya at may kaugnayan sa kanilang mga pansariling interes. Wala silang interes sa kahit kanino pa man, kaya hindi sila maaaring pumasok sa realidad ng katotohanan, kahit gaano pa karaming taon na sila ay naniwala sa Diyos. Kung walang tao na magdidilig o magpapakain sa kanila nang madalas, mahihirapan silang magpatuloy sa landas ng paniniwala sa Diyos. Kung hindi nila matatamasa ang kanilang naunang kagalakan at kapayapaan o matamasa ang biyaya ng Diyos, mas malamang na sila ay umurong na. Ito ang pangalawang uri ng tao: ang taong nabubuhay sa yugto ng sanggol na pinapasuso.

Pangatlong Uri: Ang Yugto ng Inaawat na Sanggol o ang Yugto ng Pagiging Bata.

Ang grupong ito ng mga tao ay nagtataglay ng ilang malinaw na kamalayan. Ang mga taong ito ay may kamalayan na ang pagtamasa sa biyaya ng Diyos ay hindi nangangahulugan na taglay na nila mismo sa kanilang sarili ang tunay na karanasan; alam nila na kung hindi sila mapapagod sa paghanap ng kagalakan at kapayapaan, ng paghahanap ng biyaya, o kung makakaya nilang sumaksi sa pamamagitan ng pagbahagi sa kanilang mga karanasan sa pagtamasa sa biyaya ng Diyos o sa pamamagitan ng pagpuri sa mga pagpapala na ipinagkakaloob sa kanila ng Diyos, ang mga bagay na ito ay hindi nangangahulugan na taglay nila ang buhay, ni nangangahulugan na taglay nila ang realidad ng katotohanan. Simula nang sila ay nagkamalay, itinigil nila ang pag-asa nang labis na sila ay sasamahan lamang ng biyaya ng Diyos; sa halip, habang tinatamasa nila ang biyaya ng Diyos, kasabay na hinahangad nila ang gumawa ng ibang bagay para sa Diyos; handa silang isagawa ang kanilang mga tungkulin, na tiisin ang kaunting hirap at kapaguran, na magkaroon ng ilang antas ng pakikipagtulungan sa Diyos. Ngunit, dahil ang pagsunod nila sa kanilang paniniwala sa Diyos ay sobrang may halo, dahil ang pansariling mga intensyon at pagnanais na kanilang iniingatan ay sobrang malakas, dahil ang kanilang disposisyon ay sobrang mayabang, napakahirap para sa kanila na bigyang kasiyahan ang nais ng Diyos o maging tapat sa Diyos; kaya, madalas nilang hindi mauunawaan ang kanilang pansariling mga kagustuhan o igalang ang kanilang mga pangako sa Diyos. Madalas nilang masumpungan ang kanilang mga sarili sa mga kalagayang pagsasalungat: Gustong-gusto nilang bigyang kasiyahan ang Diyos sa posibleng pinakamataas na antas, ngunit ginagamit nila ang kanilang lakas upang kalabanin Siya; madalas silang mangako sa Diyos ngunit madali ring pabayaan ang kanilang mga pangako. Lalong madalas na nakikita nila ang kanilang mga sarili sa iba pang pagsasalungat na kalagayan: Buong katapatan silang naniniwala ngunit ikinakaila nila ang Diyos at lahat ng bagay na nagmumula sa Kanya; balisa silang umaasa na liliwanagan sila ng Diyos, pangungunahan sila, tutustusan sila, at tutulungan sila, ngunit ang sarili pa rin nilang pamamaraan ang sinusunod. Nais nilang unawain at kilalanin ang Diyos, ngunit hindi nila nais na lumapit sa Kanya. Sa halip, lagi nilang iniiwasan ang Diyos; sarado ang kanilang puso sa Kanya. Samantalang mayroon silang mababaw na pagkaunawa at karanasan sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan, at isang mababaw na konsepto ng Diyos at katotohanan, sa kawalang malay ay hindi pa rin nila maaaring pagtibayin o matiyak kung ang Diyos ang katotohanan; hindi nila maaaring pagtibayin kung talagang ang Diyos ay tunay na matuwid; ni hindi nila matitiyak ang pagiging totoo ng diwa at disposisyon ng Diyos, mas lalo na ang Kanyang tunay na pag-iral. Ang kanilang paniniwala sa Diyos ay laging may kaakibat na mga pag-aalinlangan at hindi pagkakaunawa, at mayroon ding mga imahinasyon at mga pagkaintindi. Habang tinatamasa nila ang biyaya ng Diyos, nag-aatubili din silang maranasan o isagawa ang ilan sa kanilang pinaniniwalaan na mga maaaring katotohanan, upang pagyamanin ang kanilang paniniwala, upang makatulong sa kanilang karanasan sa paniniwala sa Diyos, upang tiyakin ang kanilang pagkaunawa sa paniniwala sa Diyos, upang bigyang-kasiyahan ang kanilang mayabang na paglalakad sa landas ng buhay na mismo nilang itinatag at pagsasagawa ng isang matuwid na hangarin sa sangkatauhan. Gayundin, ginagawa din nila ang mga bagay na ito upang bigyang-kasiyahan ang kanilang sariling pagnanais para magkamit ng mga pagpapala, upang gumawa ng isang pagpupusta nang makakaya nila ang mas maraming pagpapala ng sangkatauhan, upang makamit ang ambisyosong pangarap at panghabang-buhay na pagnanais na hindi titigil hanggang makamit nila ang Diyos. Ang mga taong ito ay bihirang makatamo ng kaliwanagan ng Diyos, sapagkat ang kanilang naisin at ang kanilang intensyon na magkaroon ng mga pagpapala ay napakahalaga sa kanila. Wala silang pagnanais at hindi nila kayang isuko ito. Natatakot sila na kapag wala ang pagnanais na magkamit ng mga pagpapala, kung wala ang matagal nang pinakananais na mithiin na hindi pagpapahinga hangga’t hindi nila makamit ang Diyos, mawawala nila ang kanilang adhikain na maniwala sa Diyos. Kaya, hindi na nila nais harapin ang realidad. Hindi nila nais na harapin ang mga salita ng Diyos o ang gawain ng Diyos. Hindi nila nais na humarap sa diwa o disposisyon ng Diyos, mas lalo na ang pagtalakay sa paksang pagkilala sa Diyos. Ang dahilan ay sa sandaling palitan ng Diyos, ng Kanyang diwa at ng Kanyang matuwid na disposisyon ang kanilang mga imahinasyon, ang kanilang mga pangarap ay maglalahong parang usok; ang kanilang tinatawag na dalisay na pananampalataya at “mga gantimpala” na naipon sa maraming taon ng masikap na pagtatrabaho ay maglalaho at mauuwi sa wala; ang kanilang “teritoryo” na kanilang nilupig sa pamamagitan ng kanilang dugo at pawis sa maraming taon ay mabibingit sa pagbagsak. Magpapahiwatig ito na ang kanilang maraming taon ng paghihirap sa trabaho at pagsisikap ay mawalan ng saysay, at kailangan nilang magsimulang muli sa wala. Ito ang pinakamatinding kirot na kanilang papasanin sa kanilang mga puso, at ito ang resulta na pinakaayaw nilang makita; kaya lagi silang nakakulong sa ganitong uri ng kalagayan, tumatangging bumalik muli. Ito ang pangatlong uri ng tao: ang taong nasa yugto ng pagiging bata.

Ang tatlong uri ng mga tao na inilarawan sa itaas—sa madaling salita, ang mga taong nabubuhay sa tatlong yugtong ito—ay hindi nagtataglay ng anumang tunay na paniniwala sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos o sa Kanyang matuwid na disposisyon, ni wala silang anumang malinaw, siguradong pagkilala o pagpapatunay sa mga bagay na ito. Kaya, napakahirap para sa tatlong uri ng mga taong ito na pumasok sa realidad ng katotohanan, at napakahirap din para sa kanila na tanggapin ang awa ng Diyos, kaliwanagan o pagpapalinaw sapagkat ang pamamaraan ng kanilang paniniwala sa Diyos at ang kanilang maling saloobin tungo sa Diyos ay nagdudulot na maging imposible para sa Kanya na makapagtrabaho sa kanilang mga puso. Ang kanilang mga pag-aalinlangan, mga maling pagkaintindi at mga imahinasyon patungkol sa Diyos ay lumagpas na sa kanilang paniniwala at pagkaalam sa Diyos. Ito ang tatlong lubhang mapanganib na uri ng mga tao, gayundin ang tatlong lubhang mapanganib na mga yugto. Kapag pinanatili ng isang tao ang saloobin ng pag-aalinlangan sa Diyos, sa Kanyang diwa, sa Kanyang pagkakakilanlan, ang tungkol sa kung ang Diyos ang katotohanan at ang pagiging totoo ng Kanyang pag-iral at hindi makatitiyak sa mga bagay na ito, paano matatanggap ng sinuman na ang lahat ng bagay ay nagmula sa Diyos? Paano matatanggap ng sinuman ang katunayan na ang Diyos ang katotohanan, ang daan at ang buhay? Paano matatanggap ng sinuman ang pagkastigo at paghatol ng Diyos? Paano matatanggap ng isang tao ang pagliligtas ng Diyos? Paano makakamtan ng ganitong uri ng tao ang tunay na paggabay at pagtustos ng Diyos? Ang mga nasa tatlong yugtong ito ay kayang labanan ang Diyos, magbigay ng paghatol sa Diyos, lapastanganin ang Diyos o ipagkanulo ang Diyos kahit anumang oras. Makakaya nilang talikuran ang tunay na daan at ipagkanulo ang Diyos sa anumang oras. Masasabi ng sinuman na ang mga tao sa tatlong yugtong ito ay nabubuhay sa isang kritikal na kalagayan, sapagkat hindi sila nakapasok sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos.

Pang-apat na Uri: Ang Yugto ng Pagiging Ganap na Bata, o ang Pagkabata

Pagkatapos mawalay ang isang tao—iyon ay, kapag natamasa na nila ang sapat na dami ng biyaya, nagsisimula na silang magsaliksik kung ano ang ibig sabihin ng maniwala sa Diyos, ang naisin na maunawaan ang maraming tanong, tulad ng bakit nabubuhay ang tao, paano dapat mamuhay ang tao at bakit isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa tao. Kapag lumitaw ang mga hindi malinaw na kaisipan at mga nakalilitong pagkaunawa sa kanilang kalooban at nanatili ito sa kanilang kalooban, patuloy silang nakatatanggap ng pagdidilig at nakakayang magampanan din ang kanilang tungkulin. Sa panahong ito, wala na silang anumang mga pag-aalinlangan tungkol sa katotohanan ng pag-iral ng Diyos, at may tiyak na silang pagkaintindi sa kung ano ang kahulugan ng maniwala sa Diyos. Sa ibabaw ng pundasyong ito, nagkaroon sila ng unti-unting pagkakilala sa Diyos, at unti-unti nilang nakamtan ang mga kasagutan sa kanilang malalabong kaisipan at nakalilitong mga pagkaunawa tungkol sa diwa at disposisyon ng Diyos. Tungkol sa kanilang mga pagbabago sa disposisyon at gayon din sa kanilang kaalaman sa Diyos, ang mga tao sa yugtong ito ay nagsisimulang tumuntong sa tamang landas at pumasok sa isang panahon ng pagbabago. Sa loob ng yugtong ito na ang mga tao ay nagsisimulang magkaroon ng buhay. Ang malinaw na mga pahiwatig ng pagkakaroon ng buhay ay ang unti-unting kasagutan sa iba’t ibang mga katanungan na may kaugnayan sa pagkilala sa Diyos na nasa puso ng mga tao—mga hindi pagkakaunawaan, mga imahinasyon, mga pagkaintindi, at mga malabong pakahulugan sa Diyos—na hindi lamang nila lubos na pinaniwalaan at nalaman ang pagiging totoo ng pag-iral ng Diyos kundi nagtataglay din ng malinaw na kahulugan at oryentasyon ng Diyos sa kanilang mga puso, na ang tunay na pagsunod sa Diyos ang pumalit sa kanilang malabong pananampalataya. Sa yugtong ito, unti-unting nakikilala ng mga tao ang kanilang mga maling pagkaintindi sa Diyos at ang kanilang mga maling paghahangad at mga pamamaraan ng paniniwala. Nagsisimula na silang manabik sa katotohanan, manabik na maranasan ang paghatol, pagtutuwid, at disiplina ng Diyos, manabik sa pagbabago ng kanilang disposisyon. Unti-unti nilang iniiwan ang lahat ng uri ng pagkaintindi at mga imahinasyon tungkol sa Diyos sa yugtong ito; gayundin, binabago nila at itinutuwid ang kanilang maling kaalaman tungkol sa Diyos at tinatamo ang ilang tamang pangunahing kaalaman tungkol sa Diyos. Bagaman may bahagi ng kaalamang taglay ng mga tao sa yugtong ito ang hindi gaanong tiyak o tumpak, sa paanupaman ay dahan-dahan nilang sinisimulang iwan ang kanilang mga pagkaintindi, maling kaalaman at mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos; hindi na sila nananatili sa kanilang mga sariling pagkaintindi at mga imahinasyon tungkol sa Diyos. Sinisimulan nilang pag-aralan kung paano iwan—iwanan ang mga bagay na makikita sa kanilang mga sariling pagkaintindi, mula sa kaalaman at mula kay Satanas; nagsisimula silang magpasakop sa mga bagay na tama at positibo, kahit na sa mga bagay na nagmula sa mga salita ng Diyos at alinsunod sa katotohanan. Nagsisimula rin silang subukang maranasan ang mga salita ng Diyos, upang personal na malaman at isakatuparan ang Kanyang mga salita, upang tanggapin ang Kanyang mga salita bilang mga prinsipyo ng kanilang mga gawain at bilang batayan ng pagbabago ng kanilang disposisyon. Sa panahong ito, walang kamalay-malay na tinanggap ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, walang kamalay-malay na tinanggap ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay. Habang tinatanggap nila ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at tinatanggap ang mga salita ng Diyos, lalong nadagdagan ang kanilang kaalaman at naramdaman na ang Diyos na kanilang pinaniniwalaan sa kanilang mga puso ay tunay na umiiral. Sa mga salita ng Diyos, sa kanilang mga karanasan at sa kanilang mga buhay, lalo nilang naramdaman na ang Diyos ay laging pumapatnubay sa kapalaran ng tao, nangunguna at tumutustos sa tao. Sa pamamagitan ng kanilang pakikiisa sa Diyos, unti-unti nilang pinatunayan ang pag-iral ng Diyos. Kaya, bago nila maunaawan ito, hindi nila namalayan na pinagtibay na nila at buong tatag na naniwala sa gawain ng Diyos at pinagtibay ang mga salita ng Diyos. Sa sandaling pagtibayin ng mga tao ang mga salita ng Diyos at ang gawain ng Diyos, patuloy nilang itatanggi ang kanilang mga sarili, itatanggi ang kanilang mga sariling pagkaintindi, kaalaman, imahinasyon at gayundin, patuloy na hahanapin kung ano ang katotohanan at kung ano ang kalooban ng Diyos. Ang pagkakilala ng mga tao sa Diyos ay medyo mababaw sa panahong ito ng pag-unlad—ni hindi nila maipaliwanag nang maayos ang kaalamang ito gamit ang mga salita, ni magagawang ipaliwanag ito nang partikular—at mayroon lamang silang halatang pagkaunawa; ngunit kung itatabi sa tatlong naunang mga yugto, ang hindi pa ganap na buhay ng mga tao sa panahong ito ay nakatanggap na ng pagdidilig at pagtustos ng mga salita ng Diyos, at nagsimula nang tumubo. Katulad ito ng isang binhi na ibinaon sa lupa; pagkatapos makakuha ng kaunting tubig at mga sustansiya, susulpot na ito mula sa ilalim ng lupa; ang pagtubo nito ang kumakatawan sa pagsilang ng isang bagong buhay. Ang pagsilang na ito ng isang bagong buhay ang nagpahintulot na pagmasdan ng isang tao ang mga palatandaan ng buhay. Kapag may buhay, tiyak na lalago ang mga tao. Kaya, sa ibabaw ng mga pundasyong ito—dahan-dahan silang humahakbang patungo sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos, iniiwan ang kanilang mga sariling pagkaintindi, nakakamit ang patnubay ng Diyos—ang buhay ng mga tao ay tiyak na lalago sa bawat hakbang. Sa anong basehan masusukat ang paglagong ito? Nasusukat ito batay sa kanilang karanasan sa mga salita ng Diyos at sa kanilang tunay na pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Bagaman nahihirapan silang gamitin ang kanilang sariling mga salita upang malinaw na maipaliwanag ang kanilang kaalaman sa Diyos at ang Kanyang diwa sa panahong ito ng paglago, ang grupong ito ng mga tao ay hindi na maghahanap ng pansariling kaligayahan sa pamamagitan ng pagpapakasaya sa biyaya ng Diyos, o ipagpatuloy ang kanilang layunin sa kabila ng paniniwala sa Diyos, iyon ay upang makamit ang Kanyang biyaya. Sa halip, handa silang hanapin ang pamumuhay sa pamamagitan ng salita ng Diyos, upang sumailalim sa pagliligtas ng Diyos. Dagdag pa rito, nagtataglay sila ng pagtitiwala at handa nang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ito ang palatandaan ng isang tao sa yugto ng paglago.

Bagaman ang mga tao sa yugtong ito ay may kaunting kaalaman tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos, ang kaalamang ito ay napakalabo at hindi maunawaan. Dahil hindi nila maaaring maipaliwanag ito nang malinaw, pakiramdam nila ay nakapagtamo na sila ng kaunting bagay sa kanilang kalooban, dahil nagkaroon na sila ng kaunting kaalaman at pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol ng Diyos; ngunit sa halip ito ay ganap na mababaw, at nananatili ito sa panimulang baitang pa lamang. Ang grupong ito ng mga tao ay may kongkretong pananaw na kanilang ipinakikitungo sa biyaya ng Diyos. Ang pananaw na ito ay nakikita sa pagbabago ng mga layunin na kanilang tinatamo at sa paraan kung paano kamtin ang mga ito. Nakita na nila—sa mga salita at gawain ng Diyos, sa lahat ng uri ng Kanyang hinihingi sa tao at ang Kanyang mga pahayag sa tao—na kung hindi nila patuloy na hahanapin ang katotohanan, kung hindi nila patuloy na sisikaping pumasok sa realidad, kung hindi nila patuloy na kalugdan at kilalanin ang Diyos habang nararanasan nila ang Kanyang mga salita, mawawala nila ang kahalagahan ng paniniwala sa Diyos. Nakikita nila na kahit gaano nila tamasahin ang biyaya ng Diyos, hindi nila mababago ang kanilang disposisyon, mabibigyang kasiyahan o makikilala ang Diyos, at kung patuloy na mabubuhay ang mga tao sa kalagitnaan ng biyaya ng Diyos, hindi nila matatamo ang paglago, magkaroon ng buhay o makayang tanggapin ang kaligtasan. Sa kabuuan, kapag hindi tunay na mararanasan ng isang tao ang mga salita ng Diyos at hindi makayang makilala ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, mananatili siyang walang hanggan sa yugto ng pagiging isang sanggol, at hindi kailanman makagagawa kahit isang hakbang tungo sa paglago sa buhay. Kung mananatili ka magpakailanman sa yugto ng isang sanggol, kung hindi ka kailanman pumasok sa realidad ng salita ng Diyos, kung hindi mo inari kailanman ang salita ng Diyos bilang iyong buhay, kung hindi ka kailanman nagkaroon ng tunay na paniniwala at pagkilala sa Diyos, mayroon pa kayang posibilidad na gawin kang ganap ng Diyos? Kaya ang sinumang pumasok sa realidad ng salita ng Diyos, ang sinumang tumanggap sa salita ng Diyos bilang kanilang buhay, sinumang magsimulang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, sinumang may tiwaling disposisyon na nagsimulang magbago, at sinumang may puso na nananabik sa katotohanan, may pagnanais na makilala ang Diyos, may pagnanais na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos—ang mga taong ito ang tunay na nagtataglay ng buhay. Ito ang tunay na pang-apat na uri ng tao, ang pagiging ganap na bata, ang tao sa yugto ng pagkabata.

Panlimang Uri: Ang Yugto ng Ganap na Buhay, o ang Yugto ng Pagiging Matanda.

Matapos maranasan ang yugto ng pagiging sanggol ng isang bata, ang yugtong ito ng paglago ay puno nang paulit-ulit na kabaligtaran, ang buhay ng mga tao ay naging matatag, hindi na humihinto ang kanilang pagsulong, ni wala nang sinumang nakahahadlang sa kanila. Bagaman ang daan sa hinaharap ay mabato at baku-bako pa rin, hindi na sila mahihina o matatakutin; hindi na sila nangangapa sa hinaharap o nawawala ang kanilang tindig. Ang kanilang mga pundasyon ay malalim ang ugat dahil sa tunay na karanasan sa salita ng Diyos. Ang kanilang mga puso ay nahila sa pamamagitan ng karangalan at kadakilaan ng Diyos. Nananabik silang sundan ang mga hakbang ng Diyos, na alamin ang diwa ng Diyos, na makilala ang Diyos sa Kanyang kabuuan.

Ang mga tao sa yugtong ito ay malinaw nang alam kung sino ang kanilang pinaniniwalaan, at malinaw na nilang alam kung bakit kailangan nilang maniwala sa Diyos at ang mga kahulugan ng kani-kanilang mga sariling buhay; at malinaw na rin nilang alam na lahat ng bagay na inihahayag ng Diyos ay katotohanan. Sa maraming taon ng kanilang karanasan, naunawaan nila na kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, hindi kailanman magagawa ng sinuman na bigyang-lugod o makilala ang Diyos, ni hindi makakayang makalapit ang sinuman sa harap ng Diyos. Sa loob ng puso ng mga taong ito ay may masidhing pagnanais na subukin sila ng Diyos, upang makita ang matuwid na disposisyon ng Diyos habang sinusubok sila, upang magtamo ng isang mas dalisay na pag-ibig, at gayundin, upang lalong tunay na maunawaan at makilala ang Diyos. Ang mga kabilang sa yugtong ito ay lubos nang nakapagpaalam sa yugto ng pagiging sanggol, sa yugto ng pagtamasa sa biyaya ng Diyos at sa pagkain ng tinapay at sa pagiging busog. Hindi na sila naglalagay ng sobrang pag-asa na magpaparaya ang Diyos at magpapakita ng awa sa kanila; sa halip, nagtitiwala sila na tatanggap at aasa sa patuloy na pagkastigo at paghatol ng Diyos, upang ihiwalay ang kanilang mga sarili mula sa kanilang tiwaling disposisyon at bigyang kasiyahan ang Diyos. Ang kanilang kaalaman tungkol sa Diyos, ang kanilang mga hangarin o ang panghuling mga mithiin ng kanilang mga hangarin: ang mga bagay na ito ay maliwanag na lahat sa kanilang mga puso. Kaya, ang mga tao sa yugto ng matanda ay ganap nang nakapagpaalam sa yugto ng malabong pananampalataya, patungo sa yugto kung saan umaasa sila sa biyaya para sa kaligtasan, sa yugto ng hindi ganap na buhay na hindi makakatagal sa mga pagsubok, sa yugto ng pagiging malabo, sa yugto ng pangangapa, sa yugto ng madalas na walang landas na lalakaran, sa walang pirmihang panahon ng pagpapalit-palit sa pagitan ng biglaang init at lamig, at sa yugto ng pagsunod sa Diyos na nakatakip ang mata. Ang uri ng taong ito ang madalas makatanggap ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Diyos, at madalas makisama sa tunay na pakikiisa at pakikipag-usap sa Diyos. Masasabi na ang mga taong nabubuhay sa yugtong ito ay naunawaan na ang bahagi ng kalooban ng Diyos; nagagawa nilang mahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan sa lahat ng bagay na kanilang ginagawa; alam nila kung paano bibigyang kasiyahan ang nais ng Diyos. Bukod pa rito, natagpuan na rin nila ang landas ng pagkakilala sa Diyos at nagsimula na silang magpatotoo sa kanilang kaalaman tungkol sa Diyos. Sa panahon ng proseso nang unti-unting paglago, mayroon silang unti-unting pagkaunawa at kaalaman sa kalooban ng Diyos, sa kalooban ng Diyos sa paglikha sa sangkatauhan, sa kalooban ng Diyos sa pamamahala ng sangkatauhan; dagdag pa rito, unti-unti rin ang kanilang pagkaunawa at kaalaman sa matuwid na disposisyon ng Diyos ayon sa diwa nito. Walang pagkaintindi o imahinasyon ng tao ang makakapalit sa kaalamang ito. Bagaman walang sinuman ang makakapagsabi na sa panglimang yugto ay ganap na ang buhay ng isang tao o tawagin ang taong ito na matuwid o ganap, ang uri ng taong ito ay nakahakbang na patungo sa yugto ng pagiging ganap sa buhay; nakakaya nang lumapit ng taong ito sa harap ng Diyos, na tumayo nang harap-harapan sa salita ng Diyos at nang harap-harapan sa Diyos. Sapagkat ang uri ng taong ito ay nakaranas na ng maraming salita ng Diyos, nakaranas na ng di- mabilang na mga pagsubok at nakaranas ng di-mabilang na mga halimbawa ng disiplina, paghatol at pagkastigo mula sa Diyos, ang kanilang pagpapasakop sa Diyos ay hindi na kanya-kanya, kundi tiyak na. Ang kanilang kaalaman sa Diyos ay nagbago na mula sa kawalang malay tungo sa malinaw at tiyak na kaalaman, mula sa mababaw tungo sa malalim, mula sa malabo at magulo tungo sa mabusisi at sigurado, at nagbago na sila mula sa mahirap na pakapa-kapa at tahimik na paghahanap tungo sa walang hirap na kaalaman at maagap na pagpapatotoo. Maaaring sabihin na ang mga tao sa yugtong ito ay nagtataglay na ng realidad ng katotohanan sa salita ng Diyos, na nakatuntong na sila sa daan ng pagka-perpekto tulad ni Pedro. Ito ang panlimang uri ng tao, ang nabubuhay sa kalagayan ng pagiging ganap—ang yugto ng pagiging matanda.

Disyembre 14, 2013

Mula sa: Mga Pagbigkas ni Cristo ng mga Huling Araw (Mga Seleksyon) 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento